04/09/2026
𝗛𝗶𝗴𝗶𝘁 𝟭𝟬𝟬 𝗠𝘂𝗹𝘁𝗶-𝗣𝘂𝗿𝗽𝗼𝘀𝗲 𝗩𝗲𝗵𝗶𝗰𝗹𝗲𝘀, 𝗜𝗽𝗶𝗻𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗕𝗿𝗴𝘆 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝗰𝗻𝗼𝘁𝗮𝗻, 𝗡𝗮𝗴𝘂𝗶𝗹𝗶𝗮𝗻, 𝗦𝘂𝗱𝗶𝗽𝗲𝗻
Pinalakas pa ng Provincial Government of La Union ang kahandaan ng mga barangay sa emergency at disaster response gayundin ang paghahatid ng mabilis na serbisyo sa kanilang mga nasasakupan matapos ipamahagi ang 101 Multi-Purpose Vehicles (MPVs) sa mga bayan ng Naguilian, Bacnotan, at Sudipen, nitong Setyembre 3, 2026, sa Speaker Pro Tempore Francisco I. Ortega Convention Center, Brgy. Sevilla, City of San Fernando, La Union.
Sa pangunguna nina Governor Mario Eduardo C. Ortega at Vice Governor Eric O. Sibuma at mga Board Members, nasa 47 na MPVs ang ipinamahagi sa Bacnotan, 37 sa Naguilian, at 17 naman sa Sudipen. Malugod namang tinanggap ng mga punong barangay at kani-kanilang mga alkalde ang mga sasakyan. Dumalo sa isinagawang distribusyon ang mga opisyal ng bayan na sina Bacnotan Vice Mayor Francisco Fontanilla na nagsilbing kinatawan ni Mayor Divina Fontanilla, Sudipen Mayor Wendy Joy Dengayan, Naguilian Mayor Nieri Flores at Naguilian Vice Mayor Reynaldo Flores.
Tiniyak ni Gov. Mario na ang lahat ng bayan sa La Union ay mabibigyan ng MPVs kasabay ng pagpapabatid niya sa mga barangay officials ang tiwala na gamitin ito para mapabilis ang paghatid ng serbisyo sa kanilang mga kabarangay at pagresponde tuwing may emergency at kalamidad. Nagpaabot din ng buong suporta si Vice-Governor Sibuma sa mga barangay, katuwang ang Sangguniang Panlalawigan upang patuloy na mapabuti ang kanilang paghahatid ng serbisyo publiko. Nakiisa rin sa programa ang mga Board Member na sina Hon. Chary Nisce, Hon Gerard Ostrea, Hon. Ruperto Rillera Jr., Hon. Eulogio Clarence De Guzman III, at Liga ng Barangay President Hon. Ramon Guio Ortega Jr.