06/11/2025
"MARIING KINO KONDENA NG AMING GRUPO ANG TAHASAN AT MALISYOSONG PAGSUSPINDE NANG WALANG KAUKULANG PROSESO KAY ATTY. FLORES"
Paninindigan at Suporta para kay Atty. Ryan Wakay Flores
Pahayag ng Suporta at Paninindigan para sa Katarungan at Demokrasya sa Bayan ng Naic.
Napanood namin at maingat na pinag-aralan ang nagdaang sesyon ng Sangguniang Bayan ng Naic noong Nobyembre 3, 2025, kung saan malinaw na makikita ang tila tahasang pagbibigay-limitasyon sa demokratikong pagpapahayag ng opinyon hinggil sa mga usaping pampubliko ng bayan.
Ang paulit-ulit na pagbanggit sa salitang “disrespectful” sa nasabing video ay nagdulot ng tanong sa aming isipan: “Ang malayang pagpapahayag at pagsagot sa mga katanungan ba ay maituturing na kawalang-galang?” Lalo’t higit na ang sesyon ay isang pormal na pagtitipon kung saan normal at inaasahan ang mga talakayan at pagtutuwid ng pananaw. Ang mga hindi pagkakasundo sa loob ng session hall ay bahagi ng healthy discussion at daan tungo sa katotohanan. Sapagkat sa aming paniniwala, kung walang kokontra, walang balanse sa demokrasya.
Muling binalikan namin ang video kung saan tila planado ang lahat, habang ang iba naman ay humuhugot ng argumento mula sa mga papel na hawak — tila binasa lamang mula sa pinagsama-samang payo ng mga abogado. Ngunit ito ba ang sukatan ng talino? Ang pagbawi ng karapatan ng minorya na magsalita at ang pagpupumilit na manaig ang mayorya?
Nakakatawang pakinggan na habang ipinagmamalaki ang kaalaman sa Local Government Code, may nabanggit pang “I think you have very small knowledge of the Local Government Code” (1:17:12 ng live video), ngunit halatang binabasa lamang ang mga sipi ng batas. Hindi ba ito mismo ang halimbawa ng disrespectful attitude? Kung tunay na kabisado ang batas, bakit hindi ito maibahagi nang walang sandigan sa papel o kodigo?
Bilang isang Bulwagan ng Bayan sa isang demokratikong bansa, nararapat lamang na ang presiding officer ay maging patas at neutral. Dapat balanse ang boses ng minorya at mayorya — sapagkat walang demokrasya kung walang minorya. Kapag iisang panig lamang ang pinapakinggan, ang tawag dito ay Authoritarian Rule.
Sa loob ng dalawang sesyon na wala ang kinatawan ng minorya, maituturing bang demokratiko ang pulong? Higit pa rito, nakabanta pa ang suspensyon ng isa pang miyembro ng minorya sa konseho.
Isang malaking katanungan din ang bumabalot sa aming isipan: kung tunay na alam ninyo ang Local Government Code, bakit hindi dumaan sa Ethics Committee ang reklamo? Hindi ba’t ito ang tamang proseso at institusyong dapat dinggin ang mga ganitong usapin? Samantalang sa mga simpleng kooperatiba, tatlong hearing pa ang isinasagawa ng Ethics Committee bago maglabas ng pinal na desisyon.
Hindi dito talo ang isang opisyal ng bayan — ang talo rito ay ang buong bayan. Ang tungkulin ng isang presiding officer ay maging patas, hindi maging taga-usig o fiscalizer.
Kami, ang mga mamamayan at tagasuporta ng Bayan ng Naic, ay mahigpit na nananawagan laban sa hindi makatarungang dalawang sesyon na suspensyon (dalawang sesyon pagbabawal na mag partesipa sa diskusyon pang local na pamahalaan) na ipinataw kay Atty. Ryan Wakay Flores. Sa aming paniniwala, ang desisyong ito ay may halong pulitikal na motibo at lumalabag sa prinsipyo ng due process at malayang pamamahayag.
Ang isang lingkod-bayan ay may karapatang magpahayag ng saloobin at prinsipyo, lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng nakararami. Ang pagkakaiba ng opinyon ay hindi dapat ituring na kasalanan. Sa halip, ito ang nagpapatibay sa tunay na diwa ng demokrasya — ang malayang talakayan, hindi ang katahimikan o kontrol ng iisang grupo.
Kung tunay na ang layunin ng konseho ay serbisyo sa tao, hindi dapat manaig ang pulitika. Ang anumang hakbang laban sa isang halal ng bayan ay dapat dumaan sa tamang proseso — mula sa verbal warning, written explanation, hanggang sa imbestigasyon ng Ethics Committee, at hindi sa biglaang suspensyon.
Naniniwala kami na si Atty. Ryan Wakay Flores ay isang lider na may malasakit, tapat sa tungkulin, at handang manindigan para sa katotohanan at bayan. Sa halip na parusahan, dapat siyang kilalanin bilang inspirasyon ng katapatan at malasakit sa serbisyo publiko.
Ang pagkakaisa, katotohanan, at katarungan ang tunay na haligi ng mabuting pamahalaan.
Sa laban na ito, malinaw ang aming paninindigan — ang panig ng demokrasya, katarungan, at kapakanan ng mamamayan ng Naic.
Malayo pa ang Eleksyon, trabaho muna, saka na isipin ang pulitika at pagkampi kampihan kong malapit na, sa taong nag endorso at nag mosyon ng suspension, "Wag muna isipin ang mataas na posisyon, magpakita ka muna ng malasakit at galing sa mga Brgy. na nasasakupan, subukan mong bumaba sa mga Brgy hindi yung mosyon mo lang ang isa sa malaking accomplishment mong maituturing.
LP Naic Magwagi
Hilda Plaza