07/05/2022
LOKAL AT PAMBANSANG HALALAN 2022
Isang tulog na lamang at mangyayari na ang pinakahihintay na halalan sa ating bansa. Isang halalan na gaganapin habang tayo ay nasa pandemya. Isang halalan na mag-uupo sa mga taong karapat-dapat mamuno sa isang bansang nagkakaisa at umaangat ang buhay ng lahat.
Pumili tayo ng mga kandidato na totoong naglilingkod para sa mga tao at sa bayan. Maghalal tayo ng mga pinunong may takot sa Diyos, may pagmamahal sa bansa, may malasakit at may puso para sa tao. Piliin natin ang isang lider na pagkakaisahin ang bawat isa at sama-samang iaangat ang buhay nating lahat. Huwag tayong boboto ng mga magnanakaw, may kaso ng korapsyon, mandaraya, sinungaling at yaong hindi humaharap sa taong-bayan.
Mahalaga ang boto mo. Ito ang magpapasya sa direksyong tatahakin ng ating bansa sa loob ng anim na taon. Ito ang magiging susi upang makawala tayo sa paulit-ulit, luma at bulok na sistema ng pamamahala ng mga iilang pulitiko at pamilya sa ating bansa. Ang boto mo ay para sa ating lahat. Magkaisa tayo. Ipanalo naman natin ang ating mga sarili. Pahalagaan at bantayan ang ating boto sa darating na halalan. 🇵ðŸ‡
Ang COMELEC-Villa De Adelaida ay kaisa sa isang malinis, ligtas, mapayapa at matagumpay na eleksyong gaganapin sa Mayo 9, 2022 (Lunes). Sumunod tayo sa mga health protocols. Sama-sama tayong maging mata at saksi sa makasaysayang halalang ito. Sama-sama tayong maging matalino sa mga pipiliin nating lingkod-bayan. Ipagdasal natin ang bansang Pilipinas para isang matagumpay na lokal at pambansang halalan 2022.