08/03/2026
PAHAYAG
Partido Liberal ng Pilipinas
Buwan ng Kababaihan 2026
Paminsan-minsan, may mga sandali sa pulitika na naglalantad kung gaano na kababa ang mga pamantayang nakasanayan nating tanggapin.
Sa gitna ng isang pagdinig sa Kongreso tungkol sa isang seryosong usaping konstitusyonal, may mambabatas na piniling gawing halimbawa ang isang malaswang biro tungkol sa isang aktres.
Wala itong naitulong sa argumento. Ipinakita lang nito kung gaano kadaling maging punchline ang kababaihan sa ating pampublikong diskurso.
Sa totoo lang, hindi na bago ang ganitong eksena. Sa mahabang panahon, maraming politiko ang tila naniniwalang ang pagiging bastos ay tanda ng pagiging βrelatable,β at ang sexist na biro ay bahagi lamang ng ekspresyon ng personalidad.
Ang problema: kapag ang ganitong asal ang ipinapakita sa loob mismo ng Kongreso, hindi lang kababaihan ang minamaliit. Pati ang institusyong kinakatawan nila.
Matagal nang gumagawa ng mas seryosong trabaho ang mga Pilipina kaysa sa mga ibinabato sa kanilang biro. Sila ang namumuno sa komunidad, nagpapatakbo ng negosyo, naglilingkod sa pamahalaan, at nagtataguyod ng pagbabago sa lipunan.
Sa Buwan ng Kababaihan, isang simpleng obserbasyon lamang: Kung nais nating seryosohin ng publiko ang ating mga institusyon, mabuting magsimula sa pagseryoso ng mga nasa loob nito.
At kung may leksiyon man sa nangyaring ito, marahil ito iyon: May mga biro na mas tungkol sa gumawa ng biro kaysa sa naging paksa nito.