07/09/2022
Ang musika ay tubig sa himpapawid at ang ating mga tainga ang daluyan nito. May memorya, may ala-ala, at may kasaysayan. Kapag humuni na ang hangin, malilimutan mo pa ba ang himig? Ating kilalaning lubos ang bandang nagbigay pugay sa lungsod sa mga nakalipas na panahon kasama na ang mga magigiting at talentadong tagapagtatag mula umpisa hanggang sa kasalukuyan.
Noong panahon ng Espanyol nabuo ang Malabon Musikong Bumbong (MMB) ng Tonsuya Malabon Rizal sa pangunguna ni Felix Ramos taong 1896. Ang bandang ito ay orihinal na tinawag na “Banda de Boca” na ang ibig sabihin ay walang instrumentong ginagamit kundi pawang mga boses lamang upang gayahin ang tunog ng banda de metal (brass band) tulad ng trumpet, trombone, clarinet at iba pa. Ang mga unang instrumentong kawayan na nalikha at ginamit ng banda ay puro diretso lamang ang itsura o walang hulma at korte. Noong panahon ng mga amerikano, nagbago ang hulma ng mga instrumento ng MMB sapagkat ginaya nila ang itsura ng mga instrumentong dala ng mga banyaga. Katipunero ang kauna-unahang dalawampu’t walong miyembro ng banda, kabilang ang nagtatag nito – na ginamit ang kanilang natatanging talento sa musika upang mabuhay ang mga aktibidad sa sining. Noong kasagsagan ng rebolusyon ni Andres Bonifacio, makasaysayan ang naging kontribusyon ng banda. Upang maitago ang mga sandata ng mga katipunero, isinilid nila ang mga ito sa loob ng mga kawayang instrumento ng banda – na noon ay nakatakdang itawid sa pugad lawin. Nang mga panahong ito ay kapistahan ng San Bartolome at kaya’t ginamit ang pagkakataong ito upang ipuslit ang mga armas.
Taong 1896 pinalitan ni Felix Ramos ang pangalan ng banda at ito ay tinawag na Banda Harikos (Hari-Ako) sa kadahilanang ayaw magpatalo ng isa’t isa sa tuwing may diskusyon ang banda tungkol sa musika na kanilang ine-ensayo. Taong 1921 sina Magno Ramos at Marcelo de Silva ang namuno sa MMB, sila ay mga anak ng mga naunang miyembro ng banda. Muling napalitan ang pangalan ng banda at naging Banda Filipina dahil nagkaroon na sila ng mga miyembrong babae, ngunit hindi rin ito nagtagal sapagkat naging dahilan ito ng pagkakaroon ng ligawan sa grupo. Kalaunan, ibinalik ni Magno Ramos ang pangalang Banda Harikos dahil sa kahilingan ng mga orihinal na miyembro ng banda at pati na rin ng pamilya Ramos taong 1931. Taong 1946 ibinalik muli ang pangalang Banda Filipina dahil sa kagustuhan ng mga miyembrong mula sa ikalawang henerasyon na noo’y sila nang nagsisilbing nakatatanda sa banda.
Nabigyang pagkakataon ang bandang Malabon Musikong Bumbong na mag-martsa sa harap ng Independence Grandstand (Quirino Grandstand) noong 1936 bilang pagtatanghal sa paggunita ng araw ng kalayaan. Ang mga musikero ay nagmistulang mga katipunero dahil sa kanilang malikhaing kasuotan na ikinatuwa ng noo’y pangulong Manuel L. Quezon. Ang banda ay natampok rin sa iba’t ibang magasin at pahayagan noong 1977 – binubuo ito ng ikalawa, ikatlo, at maging ang mga bagong miyembro o ikaapat na henerasyon ng banda.
Taong 1968, nang maging miyembro ang ngayo’y namumuno sa banda na si Gilbert Ramos. Siya ay nagtapos sa Unibersidad ng Sto. Thomas Conservatory of Music, Major in Band and Orchestral Conducting noong 1986 – aniya, upang mapaganda at maitaas ang kalidad ng mga instrumento at pagtugtog ng MMB. Sa edad na anim na taong gulang siya ay natuto sa paggamit ng instrumento at siya rin ang pinakabatang miyembro noon sa banda. Taong 1985 pinalitan niya ang pangalan nito at naging St. Anthony Original Bamboo Band bilang pagbibigay galang kay Patron Saint, San Antonio de Padua ng Tonsuya Malabon. Taong 1993 ibinalik niya ang pangalang Banda Filipina sa kahilingan ng mga kaanak ng ikalawang henerasyon. Sa pagdami ng mga ikalimang henerasyon na miyembro ng banda, sila’y humiling na ibahin muli ang pangalan ng banda at maging Musikawayan ito taong 2008. Taong 2018 hanggang sa kasalukuyan, Malabon Musikang Bumbong na ang pangalan ng banda. Ang mga instrumento na ginagawa ni Gilbert Ramos ay Marimba, Angklung, Bumbong, Gabbang (Diatonic), Gabbang (Chromatic), Kulingkling, Gabandil, at Rambong (Bass) na kaniyang ibinebenta sa mga paaralan sa kahilingan ng mga g**o sa musika at LGU’s. Sa kasalukuyan ang banda ay binubuo ng dalawampu hanggang dalawampu’t limang miyembro.
Nakatanggap ng “Gawad Sentenaryo ‘98” ang bandang Malabon Musikong Bumbong taong 1998 at kasabay nito ang pagbibigay parangal kay Gilbert Ramos bilang “Tanging Pagpapahalaga” dahil siya ay naging Best Conductor sa ginanap na ASEAN Combined Police Band in Concert.
Source: Gilbert Ramos, 4th Generation Descendant of Felix Ramos