14/12/2023
Ano ang cyberbullying?
Maaaring maganap ang cyberbullying sa social media, online messaging platforms, gaming platforms, at mga mobile phone. Ito ay mga ugali at aksyon na naglalayong takutin, galitin o ipahiya ang mga tinatarget na tao. Katulad ng:
pagkalat ng kasinungalingan tungkol sa isang tao, o pag-post ng mga nakakahiyang larawan o video nito sa social media
pagpapadala ng mga nakakasakit, mapang-abuso o mga threatening na mensahe, larawan o video sa mga text o online messaging platforms
pagpapanggap at pagpapadala ng masasamang mensahe sa ibang tao gamit ang mga pekeng account
Ang face-to-face bullying at cyberbullying ay kadalasang pareho na nangyayari. Ngunit ang cyberbullying ay nag-iiwan ng digital footprint, o isang rekord na maaaring makapagpatunay at makapagbigay ng ebidensya upang makatulong sa pag-report at pagtigil ng pang-aabuso.
Ano ang mga epekto ng cyberbullying?
UNICEF: Kapag nangyari ang pambu-bully online, mararamdaman mong parang inaatake ka kahit saan, kahit sa loob ng sarili mong tahanan. Parang wala kang takas. Ang mga epekto nito ay maaaring magtagal at maka-apekto sa iyong mental, emotional at physical wellbeing:
Mental effect: Maaari kang mabalisa, mahiya, magalit, at matakot. Maaari mapagkamalan ang sarili na bobo o estupido
Emotional effect: Pagkawala ng interes sa mga bagay-bagay
Physical effect: Pagkapagod at pagkaranas ng mga sintomas tulad ng pananakit ng tiyan at ulo
Ang pakiramdam ng pinagtatawanan o hina-harass ng iba, ay maaaring makapigil sa tao na magsalita o subukang harapin ang problema. Ang matinding kaso ng cyberbullying ay maaaring humantong sa mga taong kumitil ng kanilang sariling buhay.
Maaaring makaapekto sa atin ang cyberbullying sa maraming paraan. Ngunit maaaring malampasan ang mga ito at maibalik ang tiwala at mabuting kalusugan ng isang tao.
https://www.unicef.org/philippines/cyberbullying-ano-ito-paano-ito-mapipigilan -2