01/06/2026
MUNTING TULONG, MALAKING PAG-ASA: 3rd MFP NAGBIGAY NG INSPIRASYON AT SUPORTA SA ISANG KATUTUBONG MAG-AARAL SA LASAM
2nd Cagayan PMFC, Curva, Pamplona, Cagayan – Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kapakanan ng kabataan at pagpapahalaga sa edukasyon, nagkaloob ng tulong pang-edukasyon ang mga personnel ng 3rd Mobile Force Platoon (MFP), 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC), sa isang batang katutubo sa Barangay Gabun, Lasam, Cagayan noong Mayo 31, 2026.
Sa isinagawang barangay visitation ng naturang yunit, ibinahagi ni G. Quirino Jimenez, isang Barangay Tanod, sa mga personnel ng 3rd MFP ang kalagayan ng isang walong taong gulang na batang katutubo na ikalima sa walong magkakapatid. Sa kabila ng kahirapang kinakaharap ng kanilang pamilya, nananatiling matatag ang kanyang hangaring makapag-aral at makapagtapos balang araw. Subalit dahil sa limitadong kabuhayan ng kanilang magulang, nahaharap siya sa mga hamong maaaring makaapekto sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral.
Nang malaman ang sitwasyon ng bata at ang kanyang matibay na hangaring makapag-aral, agad na tumugon ang mga personnel ng 3rd MFP sa pangunguna ni PLT RONALD BATTAD, Platoon Leader. Sa pamamagitan ng sariling pagkukusa at malasakit, bumili sila ng mga kagamitang pang-eskwela upang makatulong sa kanyang pag-aaral.
Pinangunahan ni PSSg Jay-Jay C Danga ang paghahatid ng tulong sa tahanan ng pamilya ng bata sa isang liblib na bahagi ng Barangay Gabun. Kabilang sa mga ipinagkaloob ang sampung kuwaderno, mga papel, lapis, tumbler, at isang school bag.
Lubos ang pasasalamat at kagalakan ng pamilya sa natanggap na tulong. Sa panayam, ibinahagi ng bata ang kanyang pangarap na makapagpatuloy sa pag-aaral upang balang araw ay makatulong sa kanyang mga nakababatang kapatid at maiangat ang kalagayan ng kanilang pamilya. Aniya, hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang ilan sa kanyang mga nakatatandang kapatid kaya determinado siyang sulitin ang bawat pagkakataong maipagpatuloy ang kanyang edukasyon.
Bagama’t simple lamang ang ipinagkaloob na tulong, malaki ang naging epekto nito sa bata sapagkat nagbigay ito hindi lamang ng mga kagamitang kailangan sa paaralan kundi pati ng pag-asa at inspirasyon upang ipagpatuloy ang kanyang mga pangarap. Ipinakikita ng gawaing ito na ang bawat munting kabutihan ay maaaring maging daan upang mabigyan ng mas magandang pagkakataon ang isang kabataang nangangailangan.
Higit pa rito, umaasa ang mga personnel ng 3rd MFP na ang pagtulong sa bata ay hindi magtatapos sa pagbibigay ng school supplies. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa iba pang mga indibidwal, organisasyon, at mga may mabubuting puso na mag-abot din ng suporta para sa kanyang pag-aaral at kapakanan. Sa pamamagitan ng sama-samang malasakit at pagtutulungan, mas mabibigyan ng pagkakataon ang bata na makamit ang kanyang mga pangarap at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.
Patuloy namang pinatutunayan ng kapulisan na ang kanilang serbisyo ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa paghubog ng pag-asa at pagbibigay ng inspirasyon sa kabataan. Sa mga simpleng gawa ng kabutihan, naipapakita ng kapulisan na ang tunay na serbisyo ay may puso, malasakit, at malasakit para sa susunod na henerasyon.