02/04/2026
March 31, 2026 | Municipality of Malidegao
Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Municipal Advisory Council (MAC) Meeting sa Bayan ng Malidegao na ginanap sa Municipal Hall, na dinaluhan ng iba’t ibang kinatawan mula sa mga pangunahing sektor ng komunidad.
Layunin ng MAC, alinsunod sa implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya at stakeholders, tiyakin ang epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga benepisyaryo, at tugunan ang mga isyu na nakakaapekto sa kapakanan ng mga pamilyang kabilang sa programa. Kabilang din sa mga layunin nito ang pagpaplano ng mga interbensyon, pagbibigay ng rekomendasyon sa lokal na pamahalaan, at pagpapatibay ng suporta para sa matagumpay na implementasyon ng 4Ps.
Dinaluhan ang pulong ng mga kinatawan mula sa MBHTE, Youth Sector, IP Sector, Religious Sector, Office of the Mayor, Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC), mga key personnel ng LGU, at mga kawani ng Ministry of Social Services Development (MSSD).
Sa pagpupulong, tinalakay ang ilang mahahalagang isyu at suliranin sa komunidad, kabilang ang kakulangan ng Philippine Identification System (PhilSys ID) at PSA Birth Certificates ng ilang miyembro ng pamilya sa iba’t ibang edad. Ang mga ito ay napagtuunan ng pansin at napagplanuhan ng mga konkretong hakbang upang matugunan sa pamamagitan ng sama-samang aksyon ng mga ahensya at sektor.
Ibinahagi rin ng mga 4Ps Case Managers ang mahahalagang impormasyon ukol sa mga alituntunin ng programa, kasalukuyang implementasyon, at mga susunod na hakbang upang higit pang mapabuti ang serbisyo para sa mga benepisyaryo.
Sa pagtatapos ng pulong, ipinahayag ng Office of the Mayor, sa pamamagitan ni Vice Mayor Omar “Travolta” Mongkal, ang kanilang buong suporta at pangako sa patuloy na pagpapatupad at pagpapalakas ng 4Ps Program sa Bayan ng Malidegao.
Patunay ang aktibidad na ito sa matibay na ugnayan ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng inklusibo at makataong serbisyo para sa bawat pamilyang Malidegaonon.