24/11/2025
PNP NAGPAABOT NG PAGMAMAHAL AT SUPORTA SA MGA BATANG LUMALABAN SA KANSER SA CEBU
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 33rd National Children’s Month, nagsagawa ng isang makabuluhang outreach activity ang Philippine National Police, sa pamamagitan ng Police Regional Office 7 at sa pakikipagtulungan ng KAISANGBISIG PNPA Class of 2009, noong Nobyembre 20, 2025 sa Everlasting Hope Childhood Cancer Mission sa Guadalupe, Cebu City.
Layunin nitong maghatid ng saya, inspirasyon, at suporta sa mga batang matapang na lumalaban sa kanser.
Ang Everlasting Hope ay nagsisilbing tahanan at ligtas na kanlungan para sa mga batang may cancer. Maliban sa medikal na pangangalaga, nagbibigay rin ito ng tulong tulad ng tirahan, transportasyon, at moral at spiritual support sa mga bata at kanilang pamilya habang sila ay dumadaan sa gamutan at pagbangon.
Dalawampung bata, edad 2 hanggang 17, ang nakiisa sa isang masayang araw na puno ng pagkanta, pagsayaw, storytelling, at laro kasama ang kanilang mga magulang, guardians, at mga personnel ng PNP. Naghandog din ng espesyal na performance ang PRO7 dancers na nagbigay ng saya at pag-angat ng morale ng mga bata.
Isa sa mga pinakamasayang bahagi ng programa ang pagtupad sa personal wish list ng bawat bata—tunay na naghatid ito ng ngiti, tuwa, at emosyonal na reaksyon mula sa mga bata at kanilang pamilya. Binigyan rin sila ng loot bags, fruit baskets, vitamins, at stuffed toys para mas mapaligaya ang kanilang araw.
Bilang dagdag suporta, nagbigay din ang PNP ng dalawang 25-kilogram na sako ng bigas, bottled water, mattresses, at kape para sa mga pamilya at kawani ng center.
Pinuri ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang PRO7 at ang KAISANGBISIG alumni. Aniya:
“Ang mga kabataang patuloy na lumalaban sa kanilang pinagdadaanan ay nagpapaalala sa atin ng tunay na tungkulin ng serbisyo—ang magbigay ng pag-asa at malasakit sa kapwa.”
Ipinahayag din ni PLTGEN Nartatez ang mensahe ng suporta:
"Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagsuporta sa mga bata at kanilang pamilya, pinapakita natin na ang pagprotekta sa buhay ay hindi lang sa oras ng krisis—kundi pati sa panahon na kailangan nila tayo.”
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pangako ng PNP sa community-focused programs, lalo ngayong panahon ng pagbibigayan, alinsunod sa prinsipyo ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.