23/06/2023
📝DSWD PRESS RELEASE | 4Ps graduates makakaasa ng patuloy na suporta mula sa LGUs, gov’t agencies, pribadong sektor
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga magsisipagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay makakaasa ng patuloy na serbisyong hatid ng kanilang local government units (LGUs), kabilang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
“Ang mga exiting 4Ps ay pormal na iindorso sa kanilang mga lokal na pamahalaan kasama ang kanilang case folders upang maging gabay ng Local Social Welfare and Development Office sa mga programa at serbisyo na kakailanganin ng pamilya. Ang pag- iindorso ay isinasagawa tuwing Pugay Tagumpay Graduation Ceremonies na isinasagawa ng DSWD katuwang ang lokal na pamahalaan na kanilang kinabibilangan,” paliwanag ni Assistant Secretary Romel Lopez.
“At dahil sa mga exiting o graduating na sambahayan, ang mga higit na nangangailangan na sambahayan ay mabibigyan ng oportunidad na mapabilang sa 4Ps program at magkaroon din ng pagkakataong paunlarin ang kanilang pamumuhay,” dagdag pa ni Asst. Sec. Lopez na siya ring tagapagsalita ng DSWD.
Sinabi ni Asst. Sec. Lopez na alinsunod sa Kilos-Unlad case management strategy, “ang mga graduating o exiting na sambahayan ay daraan sa mga social preparation tulad ng pag-attend sa mga sesyon ng Family Development Sessions.”
“Kabilang din ang pag-review sa household intervention plan upang mapasinop ang mga plano ng pamilya sa tulong ng mga city at municipal Links upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad at hindi na sila muling magbalik sa pagiging mahirap,” ani Asst. Sec. Lopez.
Binigyang diin ng DSWD spokesperson na ang mga exiting o graduating na pamilya ay dumaan sa isang masinop na assessment process upang tingnan ang kanilang estado ng kanilang pamumuhay.
“Ang mga pamilyang natukoy na umahon na sa kahirapan ay hindi na makakatanggap ng cash grant simula Pay Period 6 sa sumasakop sa mga buwan ng Disyembre 2022 at at Enero 2023,” ani Asst Sec. Lopez.
Dahil sa mga natanggap na apela ng mga benepisyaryo ng 4Ps, sinabi ni Asst Sec. Lopez na nagsasagawa ang DSWD ng re-assessment upang maberipika ang estado ng mga benepisyaryo na napasama sa listahan ng mga hindi na kwalipikadong maging benepisyaryo ng programa.
“Dahil sa isinagawang re-assessment, ang ibang household ay hindi muna makakatanggap ng cash grant,” dagdag pa ng DSWD spokesperson.
Upang matiyak ang kahandaan ng mga benepisyaryo para sa kanilang pag exit sa 4Ps, nabuo ang Kilos Unlad Social Case Management Framework.
“Ito ay proseso kung saan ginagabayan ang mga magtatapos na benepisyaryo ng 4Ps upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay katuwang ang pambansa at lokal na pamahalaan at pribadong sector,” ani Asst. Sec. Lopez.
At upang matiyak ang kanilang tuluy-tuloy na pag-unlad, ang mga exiting o graduating na sambahayan ay makipapag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan para sa iba pang tulong, serbisyo, at programa na angkop sa kanila, paliwanag pa ni Asst. Sec. Lopez.
Base sa Rule XV Section 35 ng Implementing Rules and Regulations ng 4Ps Law, may iba’t-ibang kadahilanan upang mag-exit ang mga benepisyaryo. Ito ay ang mga sumusunod, (a) ang huling batang nasa monitoring sa sambahayan ay naabot na ang edad 18 o nakapagtapos na ng high school (b) naabot na ng sambahayan ang pitong-taon sa programa; (c) hindi na nabibilang sa mahihirap na pamilya ayon sa pagtatasa na gagawin ng standardized targeting system (Listahanan ang kasalukuyang ginagamit); (d) Boluntaryo o kusang pag-alis ng sambahayan sa program; at (e) paglabag o pagkakasala sa programa na mayroong karampatang parusang pagtanggal sa programa. #
👉READ THIS STORY AT: https://www.dswd.gov.ph/dswd-assures-4ps-graduates-of-continued-support-from-lgus-govt-agencies-private-sector/
❤️