29/08/2026
Ang maagang pagpapatingin ay makatutulong upang matukoy agad ang sakit, mabigyan ng angkop na paggamot, at maiwasan ang komplikasyon.
🚨 Plaridel Infirmary IPC Health Advisory🚨
🌧️ MALAKAS ANG ULAN? MAG-INGAT SA W.I.L.D. DISEASES! 🦠
Sa panahon ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan, tumataas ang panganib ng ilang sakit na maaaring makaapekto sa ating pamilya at komunidad. Kilalanin ang W.I.L.D. diseases:
💧 W – Waterborne & Foodborne Diseases
Maaaring makuha mula sa kontaminadong tubig o pagkain, lalo na pagkatapos ng pagbaha. Maaari itong magdulot ng pagtatae, pagsusuka, pananakit ng tiyan at lagnat.
🤒 I – Influenza-Like Illness (ILI)
Kabilang ang mga karamdamang may lagnat, ubo, sipon, sore throat, sakit ng katawan at ulo, at panghihina. Mas mahalaga ang tamang cough etiquette at hand hygiene upang maiwasan ang pagkalat.
🐀 L – Leptospirosis
Maaaring makuha sa pakikisalamuha sa baha o tubig na maaaring kontaminado ng ihi ng infected na hayop, lalo na kung may sugat o gasgas sa balat. Bantayan ang lagnat, matinding pananakit ng katawan o kalamnan—lalo na sa binti—sakit ng ulo, pamumula ng mata, pagsusuka, at paninilaw ng balat o mata.
🦟 D – Dengue
Naipapasa sa kagat ng Aedes aegypti mosquito na maaaring dumami sa mga naiiwang lalagyan o lugar na may stagnant water. Bantayan ang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pagsusuka, pantal, at iba pang sintomas.
🛡️ PAANO MAKAIWAS?
✅ Uminom lamang ng ligtas na tubig. Kung may duda sa kalinisan ng tubig, pakuluan ito bago inumin o gamitin sa paghahanda ng pagkain.
✅ Panatilihing malinis at ligtas ang pagkain. Huwag kainin ang pagkaing nalubog o nadikitan ng baha. (World Health Organization)
✅ Maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, lalo na bago kumain at pagkatapos umubo, bumahing o humawak sa maruruming bagay.
✅ Iwasang lumusong sa baha kung hindi kinakailangan. Kung hindi maiiwasan, magsuot ng boots at protective clothing at agad na maglinis pagkatapos.
✅ Tanggalin ang mga pinamumugaran ng lamok. Isagawa ang 4Ts: Taob, Taktak, Tuyo, Takip sa mga lalagyan na maaaring pag-ipunan ng tubig.
✅ Gumamit ng mosquito repellent, magsuot ng long sleeves/pants kung maaari, at gumamit ng kulambo.
✅ Kapag may sakit, magpahinga, panatilihin ang hydration, at iwasang makahawa sa iba.
🚨 HUWAG HINTAYING LUMALA ANG SINTOMAS.
Kung ikaw o isang kapamilya ay nagkaroon ng lagnat, matinding pananakit ng katawan o kalamnan, pagsusuka/pagtatae, hirap sa paghinga, paninilaw ng balat o mata, o iba pang nakababahalang sintomas lalo na kung may history ng paglusong sa baha, kumonsulta agad sa pinakamalapit na health facility o ospital.
Ang maagang pagpapatingin ay makatutulong upang matukoy agad ang sakit, mabigyan ng angkop na paggamot, at maiwasan ang komplikasyon.
🌧️ Sa panahon ng tag-ulan, maging W.I.L.D-aware!
Mag-ingat. Panatilihing malinis ang kapaligiran. Protektahan ang pamilya. At huwag ipagwalang-bahala ang sintomas.
Reference: Department of Health (DOH) W.I.L.D. disease advisories and World Health Organization (WHO) flood-health guidance
🦠 Plaridel Infirmary IPC Unit
✅ Husay, Pananagutan, Integridad, at Malasakit