05/07/2026
ANG TEACHER KONG GANGSTER
KABANATA PITO- VOLLEYBALL
PILIT ibinabalik ni Kara ang awtoridad sa kanyang boses, kahit ang totoo ay tila may nagwawala nang mga paru-paro sa kanyang tiyan.
“Naku, Arquena! Umiral na naman iyang kapilyuhan mo. Umayos ka nga, baka malingat ka, ibalik kita sa remedial classes sa Physics!” saad ni Kara, sabay ayos ng tayo at humiwalay sa binata. Humalakhak lang si Jace habang nakapamulsa, tila hindi man lang natinag sa banta ng g**o.
“Sabi ko nga po, Ma’am. Sabi ko nga po, babalik na sa puwesto.”
Hindi pa man lubusang nakakahuma si Kara sa banat ni Jace ay narinig na nila ang malakas na pito mula sa kabilang court.
“Susunod na laro! Volleyball. Section Busilak laban sa Section Lion!” sigaw ng tournament director sa megaphone.
Namilog ang mga mata ng mga estudyante ng Section Busilak. Kung madumi maglaro ang Section Agila sa basketball, mas kilalang mga sutil ang Lion sa volleyball. Sanay ang mga ito sa psychological warfare ang mang-asar, mang-provoke, at magdala ng net violation na hindi napapansin.
“Ma’am Kara! Paano ito? Sa volleyball naman, si Totoy ang main spiker natin, pero madaling mapikon ‘yan!” kamot-ulong balita ng isa sa mga kaklase nilang may katabaan.
“Walang uurong!” deklara ni Kara habang itinataas ang kanyang kamao, pilit na nagpapakita ng determinasyon kahit mukha siyang mascot sa laki ng kanyang track jacket.
“Kung kinaya natin sa basketball, kakayanin natin sa volleyball. Basta tandaan ang golden rule: Isip ang gamitin, hindi ang emosyon!”
Nagsimula ang unang set, gaya ng inaasahan, mainit ang labanan. Si Totoy ay sunod-sunod ang talon para mag-spike, ngunit bawat bagsak ng bola ay sinasalubong ng mapang-asar na tawa ng kabilang koponan.
“Ayan lang ba ang lakas ng Busilak? Pambata naman ‘yan!” sigaw ng captain ball ng Section Lion, matapos nilang ma-block ang tira ni Totoy.
“Ano’ng sabi mo?!” akmang susugod si Totoy sa net, ngunit mabilis siyang hinawakan ni Jace sa bra*o.
“Totoy, kalma. Tandaan mo ang sinabi ni Ma’am,” paalala ni Jace, bago palihim na sumulyap sa gilid ng court kung nasaan si Kara.
Si Kara naman ay tila hindi mapakali. Nakikita niyang tambak ang kalaban ng limang puntos kaysa sa team niya. Kaya kailangan nilang makabawi. Sa sumunod na play, ang bola ay dinala sa dulo ng court ng Busilak, patungo sa direksyon ni Kara na nagpapanggap na nag-aayos ng mga sapatos ng mga player sa bench.
Ang bola ay mabilis na bumubulusok palabas ng linya. Kung hahayaan, ang puntos ay mapupunta sa kalaban.
“Ma’am, ilag!” sigaw ng mga estudyante.
Sa isang iglap, umandar ang gangster instincts ni Kara. Sa halip na umiwas, sinadya niyang matapilok muli. Ang kanyang kanang paa ay sumubsob, ngunit ang kanyang kaliwang siko ay swabeng tumama sa ilalim ng bola sa isang perpektong pancake save, isang advanced volleyball move na ginagawa lang ng mga propesyonal upang isalba ang bola mula sa sahig.
Ang bola ay lumipad nang mataas at pabalik sa loob ng court, saktong-sakto para i-set ni Jace patungo kay Totoy na nakabuwelo na.
Isang napakalakas na spike ang ibinagsak ni Totoy sa court ng Lion. Kaya ang puntod ay nakuha nila Jace at ng grupo nila.
“Hala! Ang galing naman! Nabangga ko lang ‘yong bola nang madapa ako!” tili ni Kara, habang mabilis na umupo sa sahig at nagkunwaring pinupunasan ang kanyang tuhod na wala namang galos.
Napailing na lang ang referee at itinuro ang puntos para sa Busilak. Habang nagbubunyi ang klase, si Jace ay hindi nakisali sa hiyawan. Nanatili ang kanyang tingin kay Kara, dahil nakita niya ang anggulo ng siko ng g**o bago ito nadapa.Hindi iyon galaw ng isang lampa. Iyon ay galaw ng isang taong sanay sa mabilisang depensa.
Natapos ang laban na panalo muli ang Section Busilak. Hapong hapon man subalit may. malalaking ngiti naman ang buong klase habang nagliligpit ng mga gamit sa tapat ng gymnasium.
“Grabe, Ma’am Kara! Ikaw talaga ang swerte ng section natin ngayon. Dalawang beses ka nadapa, dalawang beses tayong nasalba!” ani Totoy habang umiinom ng tubig.
“Sabi ko sa inyo, basta magtiwala lang kayo sa kapalaran, O sige na, mauna na kayong umuwi sa mga classroom ninyo para makapag-ayos ng gamit.” Nakangiting sagot ni Kara, habang isinusukbit ang kanyang malaking backpack.
Nagsialisan na ang mga estudyante, maliban kay Jace. Nanatili siyang nakatayo sa likod ni Kara, habang unti-unting kumakaunti ang tao sa gym.
“Ma’am,” tawag ni Jace, ang boses ay seryoso at walang halong biro.
“O, Jace? Bakit hindi ka pa sumasabay sa kanila?”
Lumapit si Jace, sa kanya sapat na para dahan-dahang humarang ang anino nito sa liwanag ng hapon na pumapa*ok sa bintana ng gym. Inilabas nito ang panyong dinukot niya kanina mula sa kanyang bulsa, ang panyo ni Kara.
“Masyadong maraming aksidente para sa isang araw, Ma’am, tapos isang perfect reflex save sa volleyball habang aksidente kang nadapa? At itong panyo mo…” Sambit ni Jace, habang dahan-dahang ipinapaikot ang panyo sa kanyang mga daliri at inilapit ni Jace ang panyo sa kanyang mukha nang bahagya bago muling nagsalita.
“Hindi ito amoy ng mamahaling pabango ng mga regular na teacher. Amoy ito ng gamot sa pasa at langis na ginagamit sa sparring.”
Napalunok si Kara ng matapos magsalita ang binata. Ramdam niya ang bahagyang pagbaba ng kanyang depensa. Ang matalas na intuwisyon ng isang tulad ni Jace ay unti-unti nang nagdurugtong sa mga puzzle mula sa nakaraan niya.
“Jace, masyado malawak ang imahinasyon mo ah, bawas-bawasan mo nga ang panonood ng action movies…
Hindi pa natapos ni Kara ang kanyang sasabihin nang biglang humakbang pakuwadrado si Jace, mabilis na kinorner siya sa pagitan ng dalawang bra*o ng binata sa gilid ng bleachers. Ang distansya sa pagitan ng kanilang mga mukha ay ilang pulgada na lamang ang natitira.
“Sabi ko sa ‘yo kanina, Ma’am… huwag kang masyadong malapit sa akin, Dahil habang mas nakikilala kita, mas lalo akong nahihirapang maniwala na teacher ka lang.”
Bulong ni Jace, ang mga mata ay nakatitig sa likod ng makapal na salamin ng g**o na tila ba binabasa ang tunay nitong pagkatao.
Nanatili namang kalmado ang mukha ni Kara, ngunit sa loob-loob niya ay nagkakalkula na siya ng tatlong paraan kung paano itatumba si Jace nang hindi ito nasasaktan. Subalit, ang kakaibang kaba sa kanyang dibdib ang mas mabilis na nagpabagsak sa kanyang konsentrasyon.
“At kung hindi ako simpleng teacher, Jace… ano sa tingin mo ang gagawin ko sa isang pasaway na estudyanteng tulad mo?” hamon ni Kara, ang kanyang boses ay biglang lumalim, nawala ang pabebe at pinalitan ng isang malamig na boses na bihira niyang gamitin.
Napatitig si Jace sa pagbabago ng aura ni Kara. Sa halip na matakot, isang dahan-dahang ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi.
“Gusto kong malaman, Ma’am. Kahit anong parusa, tatanggapin ko.”
Bago pa man tuluyang makasagot si Kara, biglang umalingawngaw ang kalabog ng pinto ng gymnasium. Sabay na napalingon ang dalawa kaya mabilis na lumayo si Kara kay Jace, pilit na inaayos ang kanyang oversized na track jacket na tila ba walang nangyari.
“Ma’am Kara! Jace! Pinapatawag kayo sa principal’s office!” hingal na hingal na sigaw ng isang estudyante mula sa pinto na isa sa mga estudyante niya.
“Inirereklamo tayo ng Section Agila at Lion! Nandoon si Ramil, nagwawala! Pinasususpinde raw ang pagkapanalo ng Busilak!”
Nawala agad ang mapaglarong ngiti sa mga labi ni Jace at napalitan ito ng pamilyar na talim ng isang pasaway na estudyante.
“Ang mga talunan nga naman, gagawin ang lahat huwag lang mapahiya.”
“Jace, kalma,” seryosong utos ni Kara. Sa pagkakataong ito, wala na ang kanyang kunwaring kalampahan. Ang tindig niya ay tuwid at ang kanyang tinig ay may bigat na hindi matatanggihan.
“Ako ang adviser ninyo. Ako ang haharap sa kanila. Sumunod ka lang sa akin at huwag kang gagawa ng kahit anong gulo.”
Habang naglalakad patungo sa admin building, ramdam ni Jace ang kakaibang awra ni Kara. Hindi ito ang takot na g**o ito ay isang pinuno na handang idepensa ang kanyang teritoryo.
Pagdating nila sa loob ng principal’s office, nagkakagulo na nga. Kasama ni Ramil ang kanilang coach at ang adviser ng Section Lion, parehong pulang-pula ang mga mukha sa galit.
“Sir, hindi valid ang panalo ng Busilak! May sabotahe! ’Yong teacher na ‘yan, sinadya niyang itapon ang bola ng volleyball sa court para matisod si Ramil!”giit ng coach ng Section Agila, pagkapa*ok pa lang nina Kara.
“At sa volleyball naman, may illegal interference din siya! Paano mapupunta ang bola sa bench kung hindi niya sinadyang paluin?” dagdag naman ng adviser ng Section Lion.
Tumingin ang Principal kay Kara na ngayon ay nakayuko na naman, hawak-hawak ang dulo ng kanyang oversized jacket habang tila maiiyak na sa takot.
“M-mga Sir… wala po akong kasalanan. Napakalaki po kasi nitong sapatos na ipinahiram sa akin, kaya po ako laging natitisod. At saka, kung physical science po ang pag-uusapan, ang anggulo ng pagbagsak ko kanina ay dulot lang ng grabidad at centrifugal force,” garalgal ang boses ni Kara.
Napa-facepalm naman ng palihim si Jace sa likod ni Kara.
‘Ayan na naman siya sa pagdadahilan ng science,’ sa loob-loob nito.
“Huwag mo kaming idaan sa physics, Ma’am Kara! Sinadya mo ‘yon!” sigaw ni Ramil, sabay hampas sa mesa ng principal.
Bago pa man makahakbang si Jace para harapin si Ramil, dahan-dahang itinaas ni Kara ang kanyang mukha. Sa isang kurap ng mata, nawala ang takot sa kanyang mga mata sa likod ng salamin. Isang malamig at kalkuladong titig ang ipinukol niya kay Ramil na nagpatahimik sa buong silid.
Dahan-dahang panimula ni Kara, ang boses ay mababa ngunit may awtoridad na nakakapangilabot.
“Ramil, Number 7 ng Section Agila, right? Sa unang quarter, nakitaan ka ng tatlong illegal elbowing sa tadyang ni Jace na hindi nakita ng referee dahil sa pwesto mo. Sa second quarter, ang paa mo ay lumampas sa center line na nagdulot ng pagkatapilok ni Totoy. Kung pag-uusapan natin ang sabotahe at dirty play, gusto mo bang i-review natin ang opisyal na video ng sports committee?”
Natahimik naman ang coach ng Agila. Habang nanlalaki naman ang mga mata ni Ramil.
“At sa volleyball naman po, ang net violation ng inyong team ay umabot sa pito sa buong laro, na pinalampas ng referee dahil sa ingay ng crowd. Kung talagang may reklamo kayo, maaari nating iakyat ito sa board of directors ng buong Intramurals. Ngunit bago natin gawin ‘yon, sisiguraduhin kong ang bawat pisikal na pananakit na ginawa ninyo sa mga estudyante ko ay magkakaroon ng karampatang ka*o sa guidance at physical assault.”
Wala ng nakapagsalita sa mga ito. Ang tindi ng presensya ni Kara ay tila sumakal sa hangin sa loob ng opisina ng principal office. At maging si Jace ay napanganga nang bahagya.
Ang g**o kasi niyang inaakala lampa ay kasalukuyang nagpapatumba ng dalawang matatanda at isang estudyanteng pasaway, gamit lamang ang mga salita at katotohanan.
“So, Sir, ika-clear na po ba natin ang panalo ng Section Busilak? Kasi po, magluluto pa ako ng spaghetti para sa celebration nila.”
Baling ni Kara sa Principal, pinalitan agad ang kanyang mukha ng isang inosenteng ngiti.
Matapos ang ilang segundong tulala, dahan-dahang tumango ang Principal.
“Ang… ang panalo ay nananatili sa Section Busilak. Walang sapat na ebidensya para sa protesta.”
Pagkalabas nila sa admin building, hindi na napigilan ni Jace ang kanyang sarili. Hinablot niya ang bra*o ni Kara at dinala ito sa likod ng isang malaking puno ng akasya, malayo sa paningin ng ibang mga estudyante.
“Sabi ko na nga ba, sino ka ba talaga, Ma’am Kara? Ang isang regular na teacher, hindi alam ang bawat anggulo ng maduming laro. At ang titig mo kanina… titig ‘yon ng isang taong sanay pumatay ng yabang ng iba.”
Hingal na sabi ni Jace, ang kanyang puso ay mabilis ang tibok ngunit hindi dahil sa takot, kundi sa matinding pagka-humaling sa misteryong bumabalot sa kanyang g**o.
Tumingin si Kara sa kanyang bra*o na hawak ni Jace, pagkatapos ay sa mga mata ng binata. Alam niyang unti-unti nang natitibag ang kanyang disguise, ngunit kailangan niyang panindigan ang kanyang tungkulin.
Kaya dahan-dahan niyang inalis ang kamay ni Jace sa kanyang bra*o.
“Jace, ang sabi ko sa ‘yo, ako ang referee sa larong ito,” mahinahong sagot ni Kara, habang dahan-dahang lumalapit sa binata hanggang sa maramdaman muli ang init nito.
“At bilang referee, tungkulin kong protektahan ang mga player ko. Kahit anong dumi ng laro ng iba, basta nasa ilalim ko kayo, walang hahamak sa inyo. Kaya huwag mo nang alamin kung ano ang totoo sa akin. Ang mahalaga, ligtas kayo, at nanalo kayo.”
Inilapit ni Kara ang kanyang mukha kay Jace, sapat na para makita ng binata ang sarili nitong repleksyon sa kanyang salamin. Tumalikod na si Kara at nagsimulang maglakad palayo, ang kanyang oversized jacket ay sumasabay sa hangin.
Naiwang nakatayo si Jace sa ilalim ng puno ng akasya, hawak pa rin ang panyo ni Kara sa kanyang bulsa. Isang matalim ngunit masuyong ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi habang pinapanood ang papalayong g**o.
“Referee… tingnan natin kung hindi ka makagawa ng foul kapag ako na ang naglaro sa laro mo, Ma’am,” bulong ni Jace sa sarili.
ITUTULOY