22/03/2026
HALLOWEEN SPECIAL
“ANINO”
by Dugong_Bughaw!
PASADO alas dose na ng hating gabi ay nasa lansangan pa rin ang mag-asawang W***y at Estela, sakay ng tricycle nila. Ginabi na sila ng uwi mula sa ospital na pinagdalhan nila sa pamangkin ni Estela. Inabot na kasi ng gabi bago pa mai-admit sa pribadong ospital ang bata matapos tanggihan sa pampublikong ospital.
Pinili niyang mag backride sa likuran ng motor kaysa manatili sa sidecar. Natatakot kasi siyang mag-isa dahil alam niya sa sarili na madalas ay nakakakita siya ng mga bagay na hindi nakikita ng iba.
Isang baranggay na lang at malapit na sila sa kanilang bahay na siyang pinakadulong bahagi ng bayan ng San Miguel.
Malapit na sila sa lugar na pinagkakatakutan ng marami dahil sa mga kwentong nagaganap sa lugar na ito. Accident prone area ang lugar. Ayon sa kwentong bayan na naipasa na sa kasalukuyang henerasyon ay may mga elemento raw na nagpapakita sa lugar na ito. May mga kasabihan na dapat daw ay magbigay galang ang sino man nadaraan dito upang hindi maaksidente
“Mahal, bumisa ka muna bago tayo pumasok sa arko,” paalala ni Estela sa asawa.
Sinunod naman ng lalaki ang huli at bumusina ng tatlong ulit, kaya panatag ang loob nilang lumampas sa arko.
Hindi naman maintindihan ni Estela ang pakiramdam ng bigla na lamang lumamig ang temperatura at tila bumagal ang pagtakbo ng sasakyan.
Lihim siyang nagdarasal sapagkat natatakot siya.
Ganun na lamang ang kaniyang pagkagimbal nang sa pagtapat nila sa malaking puno ng mangga ay may nakita siyang animo wangis ng isang babae. Nahulog ito mula sa nakayungyong na sanga ng mangga at sinalpok ang sinasakyan nila. Animo nanlilisik ang mga mata nito ngunit hindi niya matiyak sapagkat wala naman itong mukha.
Kasabay ng kanilang pagsigaw ang pagsalpok ng babae sa kanilang sasakyan. Gumewang gewang ang tricycle.
“Diyos ko po tulungan mo po kami!” Bulalas niyang panalangin dala ng matinding takot.
Nangangalinsag ang kaniyang mga balahibo sapagkat nawala ang babaeng nasalpok nila. Nag-uunahang tumulo ang kaniyang luha dahil sa nangyari. Buong akala niya maaaksidente na sila.
Maging si W***y ay nakaramdam ng pagkagitla sa nasaksihan. Lumingon siya sa asawang nakayakap sa kaniyang bewang habang umiiyak.
“Kumapit kang mabuti Mahal, kailangan natin makaalis agad sa lugar na ito.” Bilin niya sa asawa. Mabilis ngunit may pag-iingat nitong pinatakbo ang tricycle upang makalayo sa lugar na iyon.
Hindi na namalayan ni Estela kung paano sila nakauwi dahil sa takot. Kumakabog ang dibdib niya sa nangyari at okupado ang isip niya sa naganap.
Kinabukasan ay naikwento ni Estela sa kaniyang ina ang nangyari ng nagdaang gabi.
“Kaya pala maraming naaaksidente at namamatay sa lugar na 'yon baka nagpapakita sa kanila ang babaeng 'yon,” komento ng ina niya.
“Natatakot ako Nay, noong una ay nakikita ko lang, sumunod nararamdaman ko na sila sa tabi ko, ngayon eto at muntik na kami madisgrasya, natatakot ako sa maaring mangyari sa susunod!” May pag-aalalang aniya sa ina.
“Palagi kang mananalangin at mag-iingat anak, maging matapang ka sa kanila dahil habang nakikita nilang natatakot ka lalo silang magiging intresado upang takutin ka!” Paalala nito sa kaniya.
Lumipas ang mga araw at sinikap ni Estela na kalimutan ang naranasan nila sa daan. Naisip niya na walang mangyayaring mabuti sa kaniya kung ikukulong niya sa takot ang sarili.
Ngunit ng hapon iyon na galing sila sa kabayanan upang manindahan ay naipit sila sa traffic kaya inabutan sila ng takip silim sa daan. Habang binabagtas nila ang bukirin pauwi sa kanila ay tila ayaw umandar ng kanilang tricycle.
Hayun na naman ang pakiramdam niya na tila may mga matang nakatingin sa kaniya. Pakiramdam din niya ay biglang bumigat ang mga pinamili nila na halos hindi makausad ang sasakyan.
Akala niya ay siya lamang ang may ganung pakiramdam, kaya nagulat pa siya nang huminto sila at magsalita ang asawa niya.
“Mahal, bumaba ka nga muna sandali, pakitingnan mo kung flat ba ang gulong ayaw kasi tumakbo nang maayos nito,” untag sa kaniya ni W***y.
Mabilis siyang bumaba at binalewala ang pakiramdam upang sundin ang pakiusap ng kabiyak. Nangangalinsag man ang balahibo niya sa ’di matukoy na dahilan.
“Hindi naman ito flat Mahal,” aniya matapos i-check ang gulong.
Laking gulat niya nang masulyapan niya sa likurang bahagi ng tricycle ang napakataas na anino ng lalaki, tila nakadiin ito sa tricycle nila. ngunit dagli rin nawala pagkakita niya.
“Mahal, may anino sa likod ang laki kaya pala hindi tayo makausad,” wika niya na parang hindi natatakot.
Sinabayan niya ng panalangin habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay. Ito lamang ang tanging alam niyang paraan upang labanan ang takot sa mga bagay na nakikita niya.
“Bakit kaya hindi ka magpa-pray over kina pastor, anak?” Baka nadadaig ka ng masasamang elemento kaya ka nila nalalapitan o baka inuunahan ka ng takot,” suhestiyon naman ng ina niya.
Saglit siyang nag-isip sa sinabi ng kaniyang ina. Wala naman mawawala kung susubukan niya.
Kasabay ng pananalangin ay nanghingi rin siya ng payo mula pastor kung paano ito mapagtatagumpayan.
“Ang mga masasamang espirito at elemento ay madadaig sa pamamagitan ng panalangin na may buong pananampalataya sa Diyos, maging matapang ka na utusan silang lumayas sa paligid,” bilin sa kaniya nito.
Tinandaan niya ang mga bilin nito, bagaman kung maari ay ayaw niya na muling maranasan.
Lumipas ang mga araw na normal ang lahat.
Hindi niya inaasahan ang magaganap ng gabing iyon, habang siya ay nagsasara ng tarangkahan.
Nakita niya ang kanilang kapitbahay na humahangos palapit sa kaniya.
“Estela, tulungan mo kami, ang pareng Atong mo nababaliw na yata!” Bulalas nito na may lakip ng pag-aalala sa tinig.
“May ikinukwento siya tapos iyak nang iyak at sinasaktan ang sarili!” dagdag pa nito.
Tinawag niya ang ina at asawa, sabay-sabay silang nagtungo sa bahay ng pareng Atong nila.
Naabutan nilang nakasisik ito sa sulok ng mesa at tila takot na takot.
“May pusa, napakalaki g-gusto niya akong kuhanin! Nag-aapoy ang mata niya para siyang demonyo!” wika nito habang namimilog ang mga mata.
Naramdaman niya ang kakaibang pakiramdam sa paligid. Alam niyang may katotohanan ang sinasabi ni Atong.
Muli niyang naalala ang bilin sa kaniya ng pastor. Huminga siya ng malalim at kinalma ang sarili kasabay ng pag-iipon niya ng lakas ng loob.
“Diyos ko, gabayan mo po kami,” usal niya ng panalangin.
“Pareng Atong, gusto mo bang tulungan ka namin?” Pagkausap niya rito sa malumanay na tinig.
Marahan itong tumango ngunit bakas pa rin ang takot sa mukha.
“Sabayan mo kaming manalangin, at labanan mo anuman ang nakikita mo,” wika pa niya na ikinatango nito.
Iginiya niya ang lahat ng naroon upang manalangin. Buong tapang niyang hinarap ang sitwasyon.
Habang sila ay nanalangin ay umihip ang malakas na hangin, kasabay ng pagkalampag ng bubungan.
Lalo pa niyang binuo ang loob niya at sinabayan ng higit pang mas marubdob na pananalangin kasabay ng isang utos.
“Sa pangalan ni Hesus na makapangyarihan sa lahat, inuutusan ko kayong lumayas sa lugar na ito sapagkat wala kayong karapatang maminsala!” Malakas niyang wika na puno ng awtoridad.
Sumigaw nang malakas si Atong at pagkatapos ay kumalma ang paligid. Tila nauupos na napaunat si Atong sa sahig kasabay pagkalma ng anyo nito.
“W-wala na sila na nagpapahirap sa akin! Salamat sa inyo Mare, Pare!” ani ni Atong.
Maging siya ay namangha sa nangyari hindi niya akalain na magagawa niya ang bagay na 'yon.
Lihim siyang umusal ng pasasalamat sa Maykapal.
Dahil sa pangyayaring yaon ay natutunan na niyang labanan ang takot at pangamba sa tuwing makakikita siya ng mga hindi pangkaraniwang bagay. Wala na ring pagkakataon ang mga ito upang gambalain siya.
********The End*******