31/03/2026
TIGNAN | “Pagpupugay sa Kababaihan: Sama-samang Pagdiriwang ng Lakas, Galing, at Ambag sa Repormang Agraryo”
Matagumpay na nagtapos ang pagdiriwang ng National Women’s Month 2026 ng Department of Agrarian Reform (DAR) Palawan sa pamamagitan ng isang makabuluhang culminating activity na nagbigay-pugay sa mahalagang papel ng kababaihan sa sektor ng agrikultura at repormang agraryo.
Sa pangunguna ng DAR Palawan Provincial Office, kasama ang mga DAR Municipal Offices sa buong lalawigan, ipinamalas ang patuloy na suporta sa pagsusulong ng gender equality at women empowerment. Naging tampok sa umaga ang film showing activity, kung saan sabay-sabay na nakiisa ang mga kawani mula sa Provincial Office, mga Municipal Agrarian Reform Program Offices (DARMO), at mga katuwang mula sa Project SPLIT sa kani-kanilang tanggapan. Layunin nitong palalimin ang kamalayan at pag-unawa sa mga isyu ng gender equality, women empowerment, at ang mahalagang ambag ng kababaihan sa lipunan at serbisyong publiko. Sa pamamagitan nito, nabigyang-daan ang makabuluhang pagninilay hinggil sa papel ng bawat isa sa pagsusulong ng isang mas inklusibo at gender-responsive na workplace.
Sa hapon naman, isinagawa ang isang masigla at masayang indoor sportsfest na kinabibilangan ng table tennis, badminton, at darts. Higit pa sa paligsahan, nagsilbi itong pagkakataon upang mapalakas ang camaraderie, teamwork, at ugnayan ng mga empleyado. Ang aktibidad ay nagbigay rin ng espasyo para sa stress relief at pagsusulong ng isang balanseng work environment para sa mga kawani ng DAR Palawan.
Hindi lamang ito pagtatapos ng isang selebrasyon, kundi panibagong simula ng mas pinaigting na adbokasiya para sa "Babae sa Lahat ng Sektor.” Sa bawat hakbang, nananatiling katuwang ang DAR Palawan sa pagtataguyod ng isang mas inklusibo, patas, at progresibong lipunan kung saan ang kababaihan ay may pantay na oportunidad na umangat at magtagumpay.
- Raul Joshua Belo, PIO