09/11/2025
Amblig kita po
(As of 8 p.m.) UWAN MAGDADALA NG MALALAKAS NA HANGIN SA NORTHERN PALAWAN
Paalala ng PAGASA, dapat naka-alerto ang mga residente sa hilagang bahagi ng Palawan habang nananatiling malakas ang hanging dala ng Super Typhoon "Uwan," na may malawak na saklaw na umaabot hanggang 900 kilometro mula sa sentro.
Inilabas ng state weather bureau ang Tropical Cyclone Bulletin No. 13 nitong 8 p.m. ngayong November 9.
βStrong to typhoon-force winds extend outwards up to 900 km from the center," pahayag ng weather bureau.
Dahil dito, nasa ilalim ng Signal No. 1 ang northern Palawan, kabilang ang Taytay, Dumaran, El Nido, Araceli, Roxas, at San Vicente, kasama ang Calamian, Cuyo, at Cagayancillo Islands.
Sinabi rin ng ahensya na noong 7 p.m., tinaya ang sentro ng mata ng bagyo sa 85 kilometro silangan timog silangan ng Baler, Aurora. May lakas ng hanging 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na 230 kilometro kada oras habang kumikilos patungong hilagang kanluran.
Sa bulletin, binigyang-diin ng ahensya na nakatakda nang mag-landfall si Uwan sa Central o sa northern portion ng Aurora.
Nagbabala rin ang PAGASA sa panganib mula sa storm surge, na posibleng makaapekto sa ilang bahagi ng MIMAROPA. Nakasaad sa bulletin na may mapaminsala ang storm surge na maaaring umabot sa higit 3 metro ang taas sa loob ng susunod na 48 oras sa mga mababang lugar o baybaying komunidad na nakaharap sa dagat sa malaking bahagi ng MIMAROPA.
Patuloy na pinag-iingat ang mga residente sa baybayin ng northern Palawan dahil sa posibleng pagtaas ng alon at biglaang paglakas ng hangin lalo na sa mga oras matapos ang pagtama ng bagyo sa Aurora.
Ang susunod na tropical cyclone bulletin ay ilalabas 11 p.m. ngayong araw.
MAHAHALAGANG DETALYE PARA SA PALAWAN
β’ Nasa ilalim ng Signal No. 1 ang northern Palawan: Taytay, Dumaran, El Nido, Araceli, Roxas, San Vicente
β’ Kasama rin sa Signal No. 1 ang Calamian, Cuyo, at Cagayancillo Islands
β’ Maaaring makaranas ng malalakas na hangin dahil umaabot hanggang 900 kilometro ang saklaw ng hangin ng Uwan
β’ Nasa high-risk list para sa storm surge ang ilang bahagi ng MIMAROPA, kabilang ang Palawan
β’ Posibleng umabot sa 4.0 metro ang taas ng alon sa hilaga at kanlurang baybayin ng Palawan sa susunod na 24 oras
β’ Mapanganib ang paglalayag para sa maliliit na bangka at motorbanca sa northern Palawan
β’ Maaaring magkaroon ng biglaang pagbugso ng hangin bukas habang lumalampas ang bagyo sa Northern Luzon
β’ Pinaaalalahanan ang mga residente ng baybayin at mabababang lugar na maging handa at makinig sa abiso ng lokal na pamahalaan