08/05/2026
SENATE INQUIRY KAUGNAY SA WALANG HABAS NA PAMUMUTOL NG PUNO SA PALAWAN
Tahasang nanawagan ng isang Senate inquiry ang tinaguriang “Palaweño Champions of the Environment” kasunod ng umano’y lumalalang epekto ng pagmimina sa lalawigan, kabilang ang malawakang pagputol ng mga puno sa kabundukan ng Palawan.
Sa isang press conference na ginanap ngayong Mayo 6 sa tanggapan ng Environmental Legal Assistance Center (ELAC) Inc. sa Barangay Sta. Monica, pinangunahan nina Atty. Jean Feliciano, Vice Mayor ng Brooke’s Point; Cynthia Sumagaysay ng Save Palawan Movement; at Clink Hagedorn ang panawagan na dalhin na sa pambansang antas ang isyu.
Ayon sa grupo, nasa kalahati ng 200,000 puno na ang naputol sa kabundukan ng Palawan, na anila'y posibleng marami pa dahil hindi pa kasama sa bilang ang maliliit na puno. Giit nila, tahasang paglabag ito sa umiiral na mga batas gaya ng Strategic Environmental Plan (SEP) Law at mining moratorium sa lalawigan, kung saan kabilang ang total logging ban.
Kasama ang ELAC sa pamumuno ni Atty. Gerthie Mayo-Anda, iginiit ng grupo na dapat papanagutin ang mga ahensya ng gobyerno, partikular ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa patuloy na pagbibigay ng permit sa pagmimina at pagtotroso.
Nakatakdang sulatan ng grupo sina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, at Raffy Tulfo upang hilingin ang agarang imbestigasyon. Lalapitan din ang mga kinatawan ng Palawan sa Kongreso na sina Jose Chaves Alvarez, Gil Acosta Jr., at Mommy Rose Salvame.
Ayon kay Feliciano, lumabas sa isinagawang pagsusuri ng lupa na kontaminado na ito ng chromium at nickel, na ayon sa mga eksperto ay delikado sa kalusugan ng tao. Dalawang beses umano itong sinuri sa mga accredited laboratories at isinumite bilang ebidensya sa Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Tinukoy rin ni VM Feliciano ang operasyon ng Ipilan Nickel sa Brooke’s Point, kung saan inakusahan nila ang may-ari na umano’y “pekeng Pilipino” ngunit sa halip na parusahan ay nabigyan pa ng panibagong 25-taong extension para sa pagmimina.
Bukod dito, iniulat din ang pagbaha sa Brooke’s Point kahit walang bagyo, na iniuugnay sa pagmimina, gayundin ang pagkasira ng karagatan kung saan napilitang umalis ang ilang mangingisda dahil sa putik na umano’y dulot ng operasyon.
Pinuna rin ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) sa umano’y pagbabago ng zoning upang bigyang-daan ang pagmimina sa mga sensitibong lugar.
“Hindi kulang ang batas, kundi ang pagpapatupad nito,” diin ni Feliciano, na binigyang-diin ang impluwensya ng pera at takot ng ilang opisyal sa posibleng demanda mula sa malalaking mining companies.
Para kay Sumagaysay, nananatiling problema ang umano’y malalaking “loopholes” sa batas at ang impluwensya ng industriya ng pagmimina sa pulitika. “Hindi natin makakain ang metal,” aniya, habang itinutulak ang agritourism bilang alternatibong kabuhayan.
Samantala, hinikayat naman ni Hagedorn ang pagkakaisa ng mga Palaweño, lalo na ang kabataan, upang labanan ang umano’y pang-aabuso sa kalikasan.
Sa kanilang panawagan, iginiit ng grupo ang agarang Senate inquiry upang maipatawag ang mga opisyal ng DENR at iba pang ahensya na umano’y naging kasangkapan sa pagpapatuloy ng pagmimina sa Palawan.
Babala nila, kung hindi ito maagapan, tuluyang masisira ang biodiversity ng lalawigan, kabilang ang mga kabundukan, mga wild life, mga ilog, at karagatan na direktang sumusuporta sa kabuhayan ng mga mamamayan.
“Panahon na para maningil,” giit ng grupo, kasabay ng panawagan sa publiko: “Mga Palaweño, samahan ninyo kami sa laban na ito.”
via Ferds Cuario | Repetek News