11/05/2022
Tapos na po ang halalan. Base po sa unang bilangan, hinde po natin nakamit ang tagumpay. Nakakalungkot man eto, ay tuloy pa rin po ang hangarin natin na itaas ang antas ng mga lider na nagsisilbi sa syudad para sa ikabubuti ng nakararami.
Kami ni Cong. Dante Liban ay lubos na nagpapasalamat sa walang patid na suporta, pagmamahal, at sakripisyo na ibinigay ninyo sa kampanyang eto. Isa pong karangalan na makasama kayo sa laban na eto para sa marangal na pagsisilbi at pagiging tunay na Lingkod Bayan.
Sa lahat ng mga kaibigan, pamilya at mga grupo na sumuporta, tumulong, nagdasal, nagbilad sa araw, at nagpuyat para sa kandidatura ko --
Sa mga seniors at mga dati nang tiga-suporta ni Cong. Dante Liban na naniwala na "kung anong puno, sya'ng bunga" --
Sa mga batang kumakanta at sumasayaw sa aking jingle at sinisigaw ang pangalan ko habang dumadaan kami sa lansangan na sinasabi pang iboboto daw nila ako --
Sa mga nagbahagi ng kanilang pagpapala para lang lubusan akong makilala ng nakararami at mailuklok sa harap ng limitadong kaban sa kampanya --
Sa mga lola at kababaihan na ubod ang higpit ng yakap sa akin dahil naaalala nila ang yumaong nanay ko sa akin --
Kay Mayor Mike, VM Winnie, Cong. Precious at sa buong Team Malayang QC at Team Pusong Castelo na kasabayang kong sumabak sa labanang eto --
Kay Rolly na siniguradong bantay ang mga a*o ko habang hinde nila ako kasama. Kay Val na halos mag-tumbling araw araw para maiangat ako. Kay Chard na siniguradong ligtas kaming makakarating sa paruruonan. Kay Jonar, ang aking tagapagsalita at top networker. Kay Pabs na siniguradong walang mintis at maayos ang aming mga events. Kay Father James na patuloy na nagbibigay ng payo at patnubay. Kay Ric na walang humpay na umiikot sa Dos para lahat ayos kasama si Kuya Felix --
Kay Michelle at Lyn, mga kasama ko araw at gabi, na hinde mapapantayan ang sipag at dedikasyon sa akin at sa aming pamilya --
Maraming salamat sa inyong lahat! Marami pang kailangan pasalamatan na hinde ko na iisa-isahin.
Higit sa lahat, bukod lamang sa Diyos kung saan lahat nanggagaling, nagpapasalamat ako sa aking ama at Campaign Manager na si Cong. Dante Ventura Liban Salamat sa pag-asika*o, pagbida, at pag-aruga sa akin sa kampanyang eto. Salamat sa oportunidad na mas makilala ko po kayong maigi bilang isang public servant at bilang isang ama nitong mga nakaraang araw at buwan. Salamat at hindi nyo ako iniwanan. Salamat sa inyong walang sawang pagtugon sa mga aberya sa kampanya. Salamat sa gabay at mga leksyon na naibigay ninyo sa akin na isang baguhan sa pulitika. Salamat sa pagmamahal.
Sa inyo pong lahat na sumuporta sa akin, ipagdarasal ko po na kayo at ang inyong mga pamilya ay mabiyayaan ng lubos lubos pa kaysa sa binigay ninyong oras, pagmamahal, at pagsisikap sa kampanya. Itaas po ninyo ang nuo niyo dahil isa po tayo sa mga kandidatong lumaban ng patas.
Sa mga darating na araw, ay magka-kanya na tayong landas. Hangad ko po na dumating ang araw na tayo ay magkasama-samang muli. Hanggang dumating ang araw na iyon, tuloy tuloy po nating mahalin ang Quezon City lalong lalo na ang Distrito Dos.
Muli, maraming salamat sa inyong lahat!
Lubos na nagmamahal 💕 -- Atty. Jing Liban