27/07/2026
STATE OF THE STUDENTSโ ADDRESS 'UNITY STATEMENT' FOR SONA 2026
Ang kalagayan ng edukasyon ay kalagayan ng mga estudyante. At ang kalagayan ng mga estudyante ay salamin ng ating bayan. Basahin ang aming pinagkaisang pahayag:
Katatapos lamang ng State of the Nation Address ni Bongbong Marcos. Narinig natin ang mga ulat at mga pangako. Narinig natin ang mga kwento niya ng pag-unlad. Ngunit may isang tanong na nananatili: Kung umuunlad ang bansa, bakit ganito pa rin ang kalagayan ng mga estudyante?
Sa nakalipas na mga linggo, sama-sama naming sinuri ang kalagayan ng ibaโt ibang sektor: ang edukasyon, ekonomiya, agham panlipunan, sining at panitikan, kalusugang pangkaisipan, at kabataan. Bagamaโt magkakaiba ang ating larangan, iisa ang malinaw na larawan na ating nakita.
Nasa krisis ang edukasyon. Ang mga suliraning kinakaharap ng mga estudyante ay hindi magkakahiwalay. Magkakaugnay ang mga ito.
Kapag kulang ang pondo sa mga state universities and colleges, lumiliit ang espasyo para sa dekalidad na edukasyon, pananaliksik, sining, at serbisyong pang-estudyante. Kapag inuuna ang mga patakarang nakasentro sa merkado kaysa sa makataong edukasyon, ang layunin ng pamantasan ay unti-unting nagiging paghahanda lamang ng lakas-paggawa, sa halip na paghubog ng mapanuri at malikhaing mamamayan. Kapag nananatiling mahal ang pamumuhay, tumataas ang pamasahe, at kulang ang suporta sa pabahay at iba pang batayang pangangailangan, ang karapatan sa edukasyon ay nagiging karapatang kayang abutin lamang ng may sapat na kakayahan. Kapag hindi sapat ang pamumuhunan sa serbisyong pangkalusugang pangkaisipan, ang mga estudyante ang nagdadala ng bigat ng isang sistemang kulang sa suporta. At kapag ang mga espasyo para sa malayang pag-iisip at pagpapahayag ay nalalagay sa panganib, humihina rin ang kakayahan ng edukasyon na humubog ng mga mamamayang handang magtanong at manindigan.
Hindi ito magkakahiwalay na krisis. Ito ang larawan ng isang sistemang matagal nang humaharap sa kakulangan ng pananagutan, maling prayoridad sa paggasta ng bayan, at mga pasyang hindi sapat ang pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga estudyante.
Hindi sapat ang mga pangakong naririnig natin taun-taon kung hindi ito nararamdaman sa loob ng mga silid-aralan, dormitoryo, guidance office, studio, laboratoryo, at bawat espasyong ginagalawan ng mga estudyante.
Kaya naman, sama-sama nating ipinapanawan ang mga sumusunod:
1. Mas mataas at sapat na pondo para sa lahat ng state universities and colleges upang matiyak ang dekalidad, abot kaya, at makabuluhang edukasyon;
2. Pagpapatibay ng akademikong kalayaan at pagprotekta sa karapatan ng mga estudyante, g**o, mananaliksik, at mga artista na malayang mag-isip, magsalita, magsaliksik, at lumikha;
3. Mas malawak at mas madaling ma-akses na serbisyong pang-estudyante, kabilang ang pabahay, transportasyon, financial assistance, at mental health support;
4. Pagpapahalaga at sapat na pamumuhunan sa sining, panitikan, agham panlipunan, at iba pang disiplina na humuhubog sa kritikal at makabayang mamamayan;
5. Pagpapasa at pagpapatibay ng mga batas at patakarang nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga estudyante, kabilang ang pagpapatuloy ng mga repormang isinusulong sa Student Rights and Welfare (STRAW);
6. Komprehensibong mga patakarang nagsusulong ng pagkakapantay-pantay at inklusyon para sa LGBTQIA+ at pagtiyak na ang mga paaralan at iba pang institusyon ay ligtas at may dignidad para sa lahat, anuman ang kanilang SOGIE;
7. Mas malalim na pakikilahok ng mga estudyante sa pagbuo ng mga polisiya upang ang mga desisyong nakaaapekto sa atin ay mabuo kasama tayo, at hindi para lamang sa atin.
Ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi lamang nasusukat sa mga datos na inihahayag sa isang talumpati.
Nasusukat ito sa kalagayan ng mga pampublikong pamantasan, sa kalayaan ng mga g**o at estudyanteng magtanong, sa kakayahan ng isang pamilya na mapag-aral ang kanilang anak, sa pag-asa ng kabataang makapagtapos nang may dignidad.
Kung nais nating malaman ang tunay na kalagayan ng ating bansa, kailangan muna nating tingnan ang kalagayan ng mga estudyante. Dahil ang kalagayan ng edukasyon ay kalagayan ng mga estudyante. At ang kalagayan ng mga estudyante ay salamin ng kalagayan ng ating bayan.
BBM, ANG GRADO MO AY SINGKO, SA KORAPSYON KA LANG UNO!