08/10/2026
Isang mahalagang hakbang para sa ating mga electric cooperatives ang naisulong ni APEC Party-List Rep. Sergio Dagooc matapos aprubahan ang kanyang proposed amendments para sa House General Appropriations Bill (HGAB) 2027, kahapon, October 07.
Kabilang sa mga aprubadong probisyon ay ang paglipat ng pondo para sa pole relocation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa National Electrification Administration (NEA) upang mapabilis ang paglilipat ng mga poste na nakaaapekto sa pagseserbisyo ng mga electric cooperatives. Layunin nitong maiwasan ang matagal na delays at mas mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad.
Bukod dito, inaprubahan din ang probisyon para sa expanded sitio electrification activities, na magbibigay-daan sa NEA na gamitin ang pondo para hindi lamang sa line extension, kundi pati sa rehabilitation, upgrading, installation, at replacement ng distribution facilities at equipment upang makatulong sa pagpapababa ng system losses at pagpapataas ng reliability at efficiency ng distribution systems ng ating mga kooperatiba.