17/04/2026
Isang produktibo at komprehensibong pagtatalakay ang naisagawa sa kauna-unahang pagpupulong ng Quezon City Nutrition Committee ngayong taon, sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte, Chairperson ng QCNC.
Tampok sa pulong ang presentasyon ni Dr. Dante Nacpil mula sa Schools Division Office, kung saan ibinahagi ang makabuluhang pagbaba ng kaso ng malnutrition sa mga pampublikong paaralan. Binigyang-diin niya ang mga lugar na may mataas pa ring antas ng malnutrition at ang trend nito sa bawat grade level, na magsisilbing gabay sa mas target na interventions. Ibinahagi rin ang mga programang patuloy na nagpapalakas sa nutrisyon ng mga mag-aaral tulad ng School-Based Feeding Program, Gulayan sa Paaralan, mga partnerships sa pribadong sektor, at matibay na inter-agency coordination kasama ang Pamahalaang Lungsod.
Tinalakay ni Ms. Diana Caranto, Nutritionist-Dietitian ng Social Services Development Department, ang nutritional status ng mga batang edad 3–5 taong gulang sa mga Child Development Centers, pati na ang mga programang nakapaloob sa Early Childhood Care and Development (ECCD) upang masiguro ang wastong paglaki at pag-unlad ng ating mga kabataan.
Ibinahagi naman ni Ms. Jai Sideco, City Nutrition Program Coordinator ang kasalukuyang estado ng Barangay-Based Supplementary Feeding Program for School Children, bilang augmentation sa School-Based Feeding Program. Sa tulong ng mga barangay at suporta ng lungsod, patuloy na napapalawak ang resources ng ating mga Barangay Nutrition Committees upang masigurong tuloy-tuloy ang pagpapakain sa mga mag-aaral na nangangailangan.
Kasabay nito, inilatag din niya ang mga kasalukuyang accomplishments ng lungsod at ang kabuuang direksyon ng mga programang pangnutrisyon para sa buong 2026.
Dagdag pa rito, inilahad ni Mr. Ian Agatep mula sa Climate Change and Environmental Sustainability Department ang progreso ng Food Rescue Program, kung saan ang mga barangay ay aktibong nagre-recover ng ligtas at masustansyang pagkain mula sa supermarkets, pamilihan, at food establishments upang suportahan ang feeding programs ng lungsod.
Ibinahagi rin ang kasalukuyang status ng Central Kitchen sa District 2, na inaasahang magsisilbing sentralisadong pasilidad para sa standardisadong paghahanda ng pagkain sa mga benepisyaro ng lungsod.
Ibinahagi din ni Ms. Tina Perez, Head ng Joy of Urban Farming ang estado ng 1,496 Urban Farms sa Quezon City bilang isang resource option ng ating mga barangay sa kanilang programang pang nutrisyon.
Nagtapos ang pagpupulong sa pagpapatibay ng mas pinaigting na koordinasyon ng iba’t ibang sektor ng lungsod, kung saan tinalakay ang mga ways forward upang higit pang mapalakas at mapalawak ang mga programang pangnutrisyon ng Quezon City.