30/11/2024
OPISYAL NA PAHAYAG NG STAND UP NCPAG SA PANDAIGDIGANG ARAW NG PAKIKIISA SA SAMBAYANANG PALESTINO
Halos labing-apat na buwan na ang nakalilipas nang muling ipinakita ng pamahalaang Zionista sa Israel ang pagnanais nitong mabura ang Palestina mula sa mapa at kasaysayan ng mundo. Mula sa iligal na pagkupkop nito sa mga lupain at pagpapalayas sa milyon-milyong Palestino mula sa kanilang mga tahanan hanggang sa walang humpay na pagbomba at sapilitang pagpapagutom nito sa kabuuan ng Gaza, batid na sa ating lahat na walang hindi gagawin ang mga Zionista upang kanilang mapasakamay ang lupaing hindi naman kailanman naging sa kanila. Sa kabila ng pagkundena ng buong mundo ay nananatili itong panatag sa pagpapairal ng sistemang aparteid sapagkat nananatili ring buo ang suporta ng kapwa imperyalistang Estados Unidos, at hindi inaasahang magbabago ito, sino man ang maupo sa White House. Ngunit sa pagdating ng panibagong administrasyong Trump, asahan nating mas lalo lamang titindi ang mga serye ng pag-atake ng Israel laban sa mga Palestino, na siyang higit na dahilan kung bakit kinakailangang magkaisa, mag-organisa, at magsagawa ng mga malawakang pagkilos ang mga sambayanan ng ibaโt ibang bansa sa mas madaling panahon upang tuluyan nang wakasan ang mga lantaran at nang walang pangambang kaparusahang pang-aabuso ng imperyalistang US-Israel sa pandaigdigang batas.
Ang pagpapahayag naman ni Marcos Jr. ng kaniyang pakikiisa sa sambayanang Palestino ay hindi tumutugma sa mga kilos ng kaniyang administrasyon, na patuloy pa ring ginagastos ang bilyon-bilyong pisong halaga ng buwis ng taumbayan upang bumili ng mga kagamitang militar at armas na nagmumula sa estadong Zionista. Kung talagang tapat si Marcos Jr. sa kaniyang salita, tawagin niyang pala ang palaโna isang henosidyo ang ginagawa ng Israel laban sa mga Palestino at tanging sa pagwakas lamang ng iligal na pagkupkop at pagdanak ng dugo ng estadong Zionista laban sa mga Palestino at sa pagbuwag ng estadong aparteid ay matitiyak ang tunay na paglaya at pagsasarili ng sambayanang Palestino. Dinggin niya rin ang mga panawagang muling suriin at bawiin ang buong suporta nito para sa Israel sa pagputol ng anumang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa, paggalang sa kautusan ng International Criminal Court na ipaaresto sina Benjamin Netanyahu at Yoav Gallant, at sa pagpanawagan na ipanagot ang mga war criminal tulad nila Joe Biden, Kamala Harris, Donald Trump, Olaf Scholz, at iba pang mga pinunong Kanluranin na nagbigay-daan sa estadong Zionista upang kumitil ng buhay, sa Palestina man o saang bahagi ng Gitnang Silangan, alang-alang sa kanilang ekspansyonistaโt imperyalistang interes.
Patuloy na ipinapahayag ng STAND UP NCPAG ang aming pag-suporta at pakikiisa sa laban ng mga Palestino para sa kanilang paglaya mula sa panunupil ng estadong Zionista. Ang pakikibaka ng mga Palestino ay hindi ganap na hiwalay at iba sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino at ng lahat ng napabibilang sa Pandaigdigang Katimugan na pare-parehong ninakawan ng sariling lupain, pagkakilanlan, kalayaan, at buhay dulot ng kolonyalismo at imperyalismo ng mga Kanluraning bansa. Gayundin, kinikilala natin ang karapatan ng mga Palestino at bawat lahing naaapi na makibaka sa pamamaraang nakikita nilang naaangkop at nararapat, maging ang armadong pakikibaka, upang kanilang maipagtanggol ang kanilang sarili at ang kanilang kalayaan at karapatan mula sa nagnanais manghimasok, manakop, at mang-api. Habang hinahangad natin na makamit ang kapayapaan at pagwakas sa pagkitil ng buhay, hindi ito dapat kapalit ng muling pagkait sa kalayaan at karapatang muling makabalik ang mga Palestino sa kanilang mga tahanan, sapagkat, sa mga salita ni Nelson Mandela, โhindi kumpleto ang ating kalayaan kung walang kalayaan ang mga Palestino.โ
Palayain ang Palestina!
Imperyalismong US-Israel, ibagsak!
Mula Ilog Jordan hanggang Dagat Mediteraneo, magiging malaya ang Palestina!
Mula Palestina hanggang Pilipinas, itigil ang makinaryang pandigma ng US!