16/03/2026
TINGNAN: Nagsagawa ang Philippine Fisheries Development Authority - Gender and Development Focal Point System (PFDA-GFPS) ng talakayan patungkol sa kahalagahan ng gender equality at sa kasalukuyang kalagayan ng gender parity sa buong mundo.
Ipinaliwanag sa lecture ang konsepto ng gender parity, na tumutukoy sa pantay na representasyon at oportunidad ng kababaihan at kalalakihan sa iba’t ibang aspeto ng lipunan tulad ng edukasyon, trabaho, at politika. Tinalakay rin ang gender gap, na tumutukoy sa agwat ng katayuan at oportunidad sa pagitan ng babae at lalaki.
Batay sa Global Gender Gap Report 2025 ng World Economic Forum, nasa 68.8% ang kasalukuyang global gender parity. Sinusukat ito sa apat na pangunahing aspeto: economic participation and opportunity (61%), educational attainment (95.1%), health and survival (96.2%), at political empowerment (22.9%).
Ipinakita rin sa ulat na maayos ang performance ng Pilipinas sa gender equality, kung saan ika-20 ang ranggo nito mula sa 148 bansa na may 78.1% parity score, limang puwesto na mas mataas kumpara noong 2024. Kinilala rin ang Pilipinas bilang pinaka gender-equal na bansa sa Asya.
Binigyang-diin sa talakayan na bagama’t may mga naitalang progreso, mahalaga pa ring palakasin ang mga inisyatiba sa leadership representation, labor force participation, protection systems, at wage equality.
Pinangunahan ni Mark Angelo N. Perez, miyembro ng PFDA-GFPS Committee on Advocacy, Linkages, and Capacity Building (CALCB), ang maikling programa.