25/07/2021
Ang Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan, kasama ang buong sangkaestudyantehan at mga lokal na organisasyon ay nakikiisa sa pakikibaka ng mamamayan upang igiit ang karapatan sa ayuda, bakuna, karapatan, at edukasyon. Malinaw ang tindig ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng administrasyong Duterte: nararapat nang tuldukan ang palpak, pabaya, papet, at pasistang paghahari ni Rodrigo Duterte.
Bawat taon ay ipinapangalandakan ni Duterte sa kanyang mga SONA ang mga napagtagumpayan at mga plano nito sa hinaharap. Ang mga dambuhalang mga proyekto at mabubulaklak na pangako na laging binibida ng estado. Subalit sa likod ng mga ito ay isang lipunan na nasasadlak sa sumisidhing kahirapan.
Kitang-kita ang kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa higit isang taong pagdurusa ng sambayanan sa Covid-19, hindi pa rin naisasakatuparan ang matagal nang panawagang mass testing at libre at ligtas na bakuna na aksesible sa lahat, habang may banta pa muli ng pagtaas ng mga kaso. Pinapasidhi rin ng kapabayaan ni Duterte ang kagutuman ng bawat pamilyang Pilipino sa sabay-sabay na pagtaas ng presyo ng bilihin, kakarampot na ayudang pinapamahagi, at malawakang kawalan ng trabaho at hanap buhay ng ordinaryong Pilipino na umabot na sa 4.2 milyon, ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority.
Samatala, milyong-milyong kabataan naman ang hindi nagtuloy ng eskwela mula nakaraang taon bunsod ng kawalang kakayahan na isustina ang remote learning setup na pinapatupad mula primaryang edukasyon hanggang sa kolehiyo. Malaki ang kahandaan at kakulangan sa mga gadyet at access sa internet pareho ng mga g**o at estudyante, kaakibat pa ang banta ng Covid at ang sunod-sunod na kalamidad na kinakaharap ng mga estudyante sa kanilang mga komunidad.
Bukod sa pambubusabos, patuloy rin ang pasistang pag-atake ng rehimen ni Duterte sa mga mamamayang tumitindig at lumalaban. Matatandaan na patuloy na kinakasangkapan ni Duterte ang Anti-Terror Law at ang Whole of Nation Approach, kasama ang National Taskforce to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagpapatahimik, pagpapataw ng gawa-gawang kaso, hanggang sa pamamaslang ng mga progresibong indibidwal at organisasyon. Ilang mga malalagim na kasong magmamarka sa rehimen ay ang malagim na Tumandok Massacre, ang iligal na pangre-raid at paghuli sa mga estudyante at g**o ng Lumad Bakwit School sa Cebu, at ang Bloody Sunday sa Timog Katagalugan noong Marso ngayong taon.
Ang tunay sa estado ng bansa ay hindi natin maririnig sa mga boladas na lumalabas sa bibig ni Duterte, bagkus ito ay makikita sa kalunos-lunos na kalagayan ng ating bansa. Hindi nito matatakpan ng mga huwad at hungkag na talumpati ang mga lumalalang isyung kinakaharap ng masang api: kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho, kakulangan sa sahod, papabagsak na sistema ng kalusugan, pahirap na online learning, at pagtapak sa ating demokratikong karapatan.
Subalit itinuro sa atin ng kasaysayan na kapag nahaharap sa matinding krisis ang ating bansa, nauunawaan ng mamamayan ang mapang-api at mapagsamantalang sistema na nakaukit sa ating lipunan. At sa mga naipong galit na nararamdaman ng masang Pilipino ay dito na nauudyok ang mga tao na lumaban at makibaka.
Ngayong nalalapit ang SONA ni Duterte, hindi na ito ang panahon upang pakinggan ang kanyang talumpati dahil ang tunay ng SONA ng Bayan ay nasa taniman, pabrika, maralitang lungsod, ospital, eskwelahan, tahanan, at lansangan. Ang tunay na kalagayan ng bansa ay ating maririnig mula sa magsasaka, manggagawa, pambansang minorya, maralitang tagalunsod, kababaihan at LGBT, at mga kabataan na patuloy na pinagkakaitan ng karapatan at kalayaan.
Nariyan at nagpapatuloy ang hamon sa mga Organisador ng Bayan na sumandig sa lakas ng masang-api at sumama sa kanilang pakikibaka. Ang puspusang pagmumulat at pag-oorganisa tungo sa kolektibong pagkilos kasama ang malawak na hanay ng mamamayan ang magtitiyak ng tagumpay upang lansagin ang pasistang atake ng estado at pagwawakas ng panunungkulan ni Duterte.
Titiyakin ng masang lumalaban na ito na ang panghuling SONA ni Duterte. Ang taong bayan ay mag-aalsa at magpapasya sa kanyang paghahari-harian sa Malakanyang tungo sa pagpapatalsik sa kanyang pwesto.
WAKASAN ANG LIMANG TAONG PAGDURUSA SA ILALIM NG REHIMENG DUTERTE! IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA AYUDA, BAKUNA, KARAPATAN, AT EDUKASYON!
Mga Organisador ng Bayan, sumama sa SONA ng Bayan!
9:00 AM - Assembly @ University Ave., UPD
9:30 - 11:00 AM - SONA ng Bayan