11/01/2026
ANG HUKOM SA PAGKAIN NG BALOT
Ang balot ay isang pagkaing kilala sa Pilipinas na naglalaman ng sisiw na nabuo na sa loob ng itlog at nilalaga habang ito ay buhay pa. Sa pananaw ng Islam, ang pagkain ng balot ay Haram (ipinagbabawal) sapagkat ang sisiw sa loob nito ay namamatay nang hindi dumaan sa wastong paraan ng pagkatay ayon sa Shari‘ah (Islamic Law). Dahil dito, ito ay kabilang sa maytah, o hayop na namatay nang hindi kinatay sa tamang pamamaraan. Bukod dito, ang dugo nito ay hindi nailalabas, kaya’t ito ay nahuhulog din sa kategorya ng dam masfūḥ (dumadaloy na dugo) na ipinagbabawal kainin. Kapag ang sisiw ay umabot na sa yugto na may buhay (karaniwang 17–21 araw), at ito ay namatay sa paglalaga, malinaw na ito ay patay na hayop na hindi inialay sa pangalan ni Allah. Samakatuwid, ang pagkain ng balot ay ipinagbabawal sa Islam at nararapat iwasan ng mga Muslim bilang pagsunod sa batas ni Allah Subḥānahu wa Ta‘ālā at sa pagpapanatili ng kalinisan ng pananampalataya at katawan.
Sinabi ni Allah SWT:
حُرِّمَتْ عَلَيْكُمُ الْمَيْتَةُ وَالدَّمُ وَلَحْمُ الْخِنزِيرِ
“Ipinagbawal sa inyo ang patay na hayop (na hindi kinatay sa tamang paraan), ang dugo, at ang laman ng baboy.” [Surah Al-MA'idah: 3]
Sa Ayah na ito ipinagbabawal ang tatlong uri ng pagkain: ang patay na hayop (maytah) na hindi kinatay sa paraang itinuro ng Islam, ang dugo, at ang laman ng baboy.
Ang patay na hayop at dugo ay ipinagbawal sapagkat ito ay marumi (najis) at maaaring magdulot ng sakit at kapinsalaan sa katawan. Samantala, ang baboy ay ipinagbawal dahil ito ay likas na maruming hayop, kumakain ng marurumi, at may mga kapinsalaan sa kalusugan. Higit sa lahat, ito ay tahasang ipinagbawal ni Allah, kaya ang pag-iwas dito ay isang pagsunod at pagsamba sa Kanya, na nagpapakita ng taqwa at pananampalataya.
Imam Ibn Qudāmah رحمه الله – Al-Mughnī:
“Ang hayop na namatay hindi dahil sa pagkakatay, tulad ng pagkamatay sa sakit o aksidente, ay Haram kainin sapagkat hindi ito inialay sa pangalan ni Allah at hindi nailabas ang dugo.”
Sinabi ni Shiekh, Ibn ‘Uthaymīn رحمه الله:
“Ang anumang hayop na hindi kinatay ayon sa Islam, manok man o kambing kapag ito ay namatay nang hindi sa tamang paraan, ito ay maytah at Haram kainin.”
Sinabi ni Imam An-Nawawī رحمه الله:
“Nagkaisa ang mga ‘ulamā’ na ang maytah ay Haram kainin, at kabilang dito ang anumang hayop na namatay nang hindi kinatay ayon sa Shari‘ah.” (Sharḥ Ṣaḥīḥ Muslim)
Ipinapakita nito ang ijmā‘ (pagkakaisa ng mga iskolar) na ang hayop na namatay nang hindi kinatay gaya ng sisiw sa balot ay hindi maaaring kainin.
Sinabi ni Imam ash-Shāfi‘ī رحمه الله:
“Ang anumang hayop na may buhay at namatay nang hindi sa pamamagitan ng pagkatay, ito ay maytah at ipinagbabawal.”
(Al-Umm)
- Kapag ang hayop ay buhay na at namatay sa paglalaga o init ng tubig, malinaw na ito ay maytah.
Sinabi ni Imam Abū Ḥanīfah رحمه الله:
“Ang hayop na namatay nang hindi nailalabas ang dugo ay Haram kainin.”
- Ang dugo ng sisiw sa balot ay hindi nailalabas, kaya ito ay kabilang sa ipinagbabawal.
Sinabi ni Imam Mālik رحمه الله:
“Ang hayop na namatay sa pamamagitan ng pagkakalunod, pagkakakulong, o init nang hindi kinatay ay maytah.” (Al-Muwaṭṭa’ – kahulugan mula sa madhhab)
- Ang pagkamatay ng sisiw sa balot dahil sa init ng tubig ay saklaw ng pahayag na ito.
Sinabi ni Shiekh Al-Islām Ibn Taymiyyah رحمه الله:
“Ang batayan sa karne ay pagbabawal, maliban na lamang kung mapatunayan na ito ay kinatay ayon sa batas ng Allah.” (Majmū‘ al-Fatāwā)
- Kung walang wastong pagkatay, nananatili ang hatol na Haram.
Sinabi ni Shiekh Ṣāliḥ al-Fawzān حفظه الله:
“Ang hayop na niluto o pinatay bago pa man katayin ay maytah at hindi pinahihintulutan kainin.”
- Ito ay malinaw na sumasaklaw sa paraan ng pagluluto ng balot.
Sinabi ni Shiekh ‘Abdul ‘Azīz ibn Bāz رحمه الله:
“Kapag ang hayop ay may buhay at ito ay namatay nang hindi kinatay sa Shari‘ah (Islamic Law), ito ay Haram kahit pa ito ay mula sa mga hayop na halal.”
- Kahit manok pa ang sisiw, nagiging Haram ito dahil sa maling paraan ng pagkamatay.
Akh. Salim Zailon ✍