26/08/2026
Isang Bukas na Liham sa DENR
Dear DENR,
Magalang po akong sumusulat bilang isang taong may malasakit sa ating mga kagubatan at sa pangangalaga ng ating mga katutubong puno.
Sa mga nakaraang buwan, kapansin-pansin ang sabay-sabay na pamumunga ng maraming katutubong puno. Sa mga nasaksihan natin, namunga ang ilang Dipterocarp species tulad ng Bagtikan, Apitong, Mayapis, Narig, Manggasinoro, Palosapis, at Guijo, at halos magkakasunod o sabay-sabay sa ilang lugar nitong mga nakaraang buwan.
Hindi lamang Dipterocarps ang namumunga. Marami ring iba pang katutubong species ang nagbubunga ngayong taon.
Hindi ko po tiyak kung ano ang eksaktong climatic trigger ng kasalukuyang fruiting event, kaya marahil ay kailangan din itong maitala at masuri ng ating mga forest scientists. Maaaring may kaugnayan ang mga pagbabago sa temperature, rainfall patterns, at iba pang environmental cues, ngunit mas mabuting may datos tayo kaysa puro obserbasyon lamang.
At dito po nagsisimula ang aking mungkahi.
Sayang po ang ganitong pagkakataon kung hahayaan lamang nating matapos ang fruiting season nang hindi natin nasusubaybayan at napapakinabangan ang malaking dami ng available native seeds.
Marami sa mga butong nalalaglag ngayon ay hindi naman magiging puno.
Bilang mga taong nasa larangan ng forestry at forest ecophysiology, alam natin na napakataas ng mortality mula seed hanggang seedling stage, depende pa sa species ng puno. May mga butong kinakain ng seed predators, sinisira ng fungi, natutuyo, naaagnas, o hindi tumutubo dahil hindi angkop ang moisture, temperature, light, o kondisyon ng microsite. Ang mga matagumpay na tumubo ay maaari pa ring mamatay dahil sa competition, herbivory, drought, at iba pang environmental pressures.
Iyan ang normal na proseso ng natural regeneration.
Ngunit mahalaga rin ang isang malaking fruiting event dahil napakaraming seeds ang nalilikha nang sabay-sabay. Kahit malaking bahagi nito ang mawala sa natural processes, mayroon pa ring surplus na maaaring magkaroon ng pagkakataong mabuhay.
Ang tanong po ay kung alam nating hindi lahat ng seeds ay mabubuhay, bakit hindi natin gamitin nang maayos ang bahagi ng surplus na iyon para sa tree planting, habang tinitiyak na sapat pa rin ang naiiwan para sa natural regeneration?
Hindi naman po ang mungkahi ay kolektahin ang lahat.
Ang mungkahi ay magkaroon ng maayos, science-based, sustainable at legal na seed collection mula sa mga identified mother trees, lalo na sa panahon ng malalaking fruiting events.
Kailangan na rin siguro nating itanong. Mayroon na ba tayong kumpletong datos kung nasaan ang ating mga native mother trees? Kailan sila namumunga? Anong species ang namumunga sa bawat lugar? Gaano karami ang kanilang seed production? At saan maaaring dalhin ang mga seeds na makokolekta?
Kung wala pa tayong ganitong sistema, baka ito na ang panahon upang simulan ito.
We should have had this data a long time ago.
Hindi lamang po ito tungkol sa pagkuha ng seeds. Ang ganitong impormasyon ay maaaring maging bahagi ng isang national native seed source database na maaaring gamitin ng DENR, researchers, universities, local governments, communities, at restoration practitioners.
Mayroon na po tayong mga CENRO, PENRO, regional offices, nurseries, technical personnel, partner communities, at mga institusyong pang-akademiko na maaaring maging katuwang dito.
Maging ang mga universities at research institutions ay maaaring i-tap upang tumulong sa species identification, phenology monitoring, seed collection protocols, germination studies, seed storage, propagation, at tracking ng survival ng seedlings.
Maaari ring magkaroon ng simpleng reporting system. Halimbawa po, may namumungang mother tree, then maitatala ang species at lokasyon, makokolekta ang seeds kung angkop at legal, mapoproseso at mapapalaki, maitatala kung saan itinanim, at masusubaybayan ang survival.
Sa ganitong paraan, hindi lamang tayo nagtatanim ng puno. May lineage at may data ang bawat planting material.
At sa forest restoration at reforestation programs, mahalaga po iyon.
Kung seryoso tayo sa Lunting Pilipinas, hindi lamang dapat bilang ng seedlings ang sinusukat. Mahalaga rin kung anong species, saan nanggaling, saan itinanim, at ilan ang tunay na nabubuhay makalipas ang ilang taon. Magandang data po ito.
Dito rin po sana natin mas pag-isipan ang paggamit ng native tree species.
Nakakalungkot makita na may ilang tree-planting activities pa din kung saan mahogany ang ginagamit bilang planting material kahit may mga katutubong puno naman sa paligid na maaaring pagkunan ng seeds o seedlings.
Nauunawaan ko po na maraming considerations sa pagpili ng species, at kinikilala ko ang expertise at mandato ng DENR sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa nito.
Ngunit kung ang layunin ng isang proyekto ay forest restoration, watershed protection, biodiversity conservation, o rehabilitation ng natural forest, marahil ay dapat mas pagbigyan ang mga species na natural na kabilang sa ecosystem na ating ibinabalik.
Hindi po sapat na โgreenโ lamang ang isang planting activity dahil maraming puno ang itinanim.
Maaari tayong magkaroon ng maraming puno, ngunit hindi ibig sabihin nito ay nakalikha na tayo ng isang functional forest ecosystem.
Ang tunay na restoration at reforestation ay hindi lamang tungkol sa dami ng itinanim.
Tungkol ito sa kung anong kagubatan ang sinusubukan nating ibalik.
Kaya sana po, kapag may available na native seed source, lalo na sa panahon ng malalaking fruiting events, mas piliin nating gamitin ang pagkakataong ito.
Isa lamang po itong mungkahi na mas gamitin natin ang natural reproductive cycles ng ating sariling kagubatan bilang bahagi ng ating restoration strategy.
Sa totoo lang, napakalaking oportunidad ng fruiting events na ito.
Sana po ay hindi natin hayaang lumipas ang ganitong pagkakataon.
Baka dumating ang panahon na kailangan nating bumili, mag-import, o maghanap ng planting materials para sa restoration, samantalang ang ating sariling kagubatan ay minsan nang nagbigay ng napakaraming seeds nang libre, at hindi natin ito napakinabangan. At lalo na hindi natin kailangan gumamit ng mga non-native species katulad ng Mahogany, Acacia, at Gmelina.
Hindi po ito tungkol sa pagpuna sa mga ginagawa ng DENR.
Ito ay tungkol sa isang pagkakataong maaaring mas mapalakas pa ang ginagawa na mga restoration work.
May pagkakataon tayong paramihin ang ating mga katutubong puno.
At may pagkakataon tayong magtanim hindi lamang para magkaroon ng mas maraming puno, kundi para magkaroon ng mas tunay na kagubatan.
Sana po ay mapag-isipan natin kung paano mas magagamit ang pagkakataong ibinibigay mismo ng ating mga katutubong puno.
Maraming salamat po sa inyong patuloy na trabaho at serbisyo para sa ating mga kagubatan.
Sana ay hindi lamang natin bilangin ang mga punong itinanim. Sana ay matutunan din nating pakinggan at samantalahin ang panahon kung kailan ang ating mga kagubatan mismo ang nagbibigay ng panibagong buhay.
Please huwag na po Mahogany!
Lubos na gumagalang,