09/07/2026
OPISYAL NA PAHAYAG
Lubos na ikinalulungkot ng Wawa National High School ang insidenteng naganap kahapon, ika-8 ng Hulyo, 2026 sa loob ng ating paaralan. Nakikiisa kami sa pag-aalala ng aming mga mag-aaral, magulang, at buong komunidad. Nais naming ipabatid na agad na nagsagawa ang paaralan ng mga kinakailangang hakbang at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Hinihintay natin ang opisyal na resulta ng isinasagawang imbestigasyon, kaya't hinihiling namin sa lahat na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, mga larawan, at mga video na may kaugnayan sa insidente. Igalang natin ang privacy at karapatan ng lahat ng sangkot, lalo na ng mga menor de edad.
Nais din naming tiyakin sa lahat na ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mag-aaral ang pangunahing prayoridad ng Wawa National High School. Bilang bahagi nito, lalo pa naming paiigtingin ang mga umiiral na hakbang sa seguridad at patuloy na susuriin at pagbubutihin ang mga patakaran upang mapanatiling ligtas ang kapaligiran ng aming paaralan.
Maraming salamat sa inyong pang-unawa, pakikiisa, at patuloy na pagtitiwala. Sa panahong ito, higit kailanman ay kailangan natin ang pagkakaisa, pag-iingat sa ating mga salita at kilos, at malasakit sa isa't isa. Sama-sama nating tulungan ang ating mga mag-aaral na muling makaramdam ng seguridad, pag-asa, at kapanatagan.
Maraming salamat po!