22/08/2026
Isa sa pinakamalaking suliranin ng Barangay Macabud simula pa noong una ay ang usapin sa kalupaan at boundary. Ang Barangay Macabud ay dating sitio ng Barangay San Jose. Mula nang maitatag ito bilang isang barangay noong 1974, wala itong sapat at malinaw na dokumentong maaaring panghawakan na tumutukoy sa eksaktong hangganan ng ating nasasakupan. Sa loob ng mahigit limampung taon, nanatiling hindi tiyak kung saan eksaktong nagtatapos at nagsisimula ang sakop ng Barangay Macabud.
Nang magsimula ang ating panunungkulan noong 2023, minabuti nating dalhin ang usaping ito sa Liga ng mga Barangay, na kalaunan ay naidulog sa Sangguniang Bayan. Dito natin napag-alaman na ang Barangay Macabud ay isa sa dalawang barangay sa Bayan ng Montalban na wala pang aprubadong kadastro.
Hindi natin ito pinili na gawing away o tunggalian. Sa halip, pinili nating ipaglaban ang karapatan ng Barangay Macabud sa pamamagitan ng diplomasya, maayos na pakikipag-ugnayan at tamang proseso. Nakipag-ugnayan ang ating Punong Barangay sa mga kapwa Punong Barangay at sa mga kinauukulang ahensya upang makahanap ng legal at maayos na solusyon sa isang suliraning ilang dekada nang hindi nalulutas.
Mahalaga ang laban na ito dahil hindi lamang ito tungkol sa kung saan tayo nakatayo ngayon. Ito ay tungkol sa seguridad, pagkakakilanlan at kinabukasan ng Barangay Macabud. Nais nating matiyak na ang susunod na henerasyon ay hindi na haharap sa parehong problema at, kung may mga hamon mang haharapin, mayroon na silang malinaw na dokumento, proseso at hakbang na kanilang mapanghahawakan.
Bilang bahagi ng proseso, naghain tayo ng petition letter na naglalaman ng mga dahilan at hinaing ng ating mga mamamayan. Ito ang naging pundasyon ng ating Sangguniang Barangay sa pagdadala ng usapin sa Sangguniang Bayan.
Nakakalungkot lamang isipin na may ilan sa mga inaasahan nating direktang maaapektuhan at dapat sana ay makiisa sa pamamagitan ng kanilang lagda ay hindi pumirma. Ngunit sa kabila nito, dapat nating tandaan na ang usaping ito ay hindi lamang laban ng Sangguniang Barangay. Ito ay laban para sa interes ng buong mamamayan ng Macabud.
Ganunpaman, nananatiling matatag ang Barangay Macabud sa paninindigan nitong ipaglaban ang kapakanan ng mga mamamayan nito. Wala tayong ibang hangad kundi ang kaayusan, malinaw na hangganan at patas na pagkilala sa ating nasasakupan at sa mga taong matagal nang naninirahan dito.
Ang Barangay Macabud ay patuloy na gumaganap ng tungkulin nito sa Sitio Harangan at Sitio Calumpit, hindi lamang sa usapin ng lugar, kundi higit sa lahat, sa paglilingkod sa mga mamamayang naroroon. Hindi ito nagsimula ngayon lamang. Matagal na itong ginagawa, at patuloy natin itong gagawin sa abot ng ating makakaya at sa loob ng legal na proseso.
Kasabay nito, nananawagan tayo sa ating mga ka-barangay, huwag nating hayaang manaig ang emosyon kaysa sa katotohanan. Normal lamang na magkaroon ng saloobin, galit o pagkadismaya, ngunit hindi kailanman katanggap-tanggap ang paninira, pagpapakalat ng maling impormasyon o fake news laban sa kapwa. Tandaan natin, ang mga salitang lumalabas sa ating bibig at mga bagay na ipinapahayag natin, lalo na sa social media, ay repleksyon ng ating pagkatao.
Kung gaano tayo kasigasig magsalita at makipaglaban sa social media, sana ay ganoon din tayo katapang, responsable at makatotohanan sa totoong buhay.
Ang laban para sa Barangay Macabud ay hindi laban ng iilan. Ito ay laban para sa isang malinaw na kinabukasan ng buong pamayanan. At sa laban na ito, piliin natin ang katotohanan, proseso, pagkakaisa at kapayapaan.