24/08/2026
OPISYAL NA PAHAYAG
Ang City Youth Sports and Development Office at ang Liga ng mga Sangguniang Kabataan ng Lungsod ng San Jose del Monte ay mariing naninindigan na ang anumang uri ng pambabastos, panggugulo, o hindi maayos na asal ay walang lugar sa mga programang inilalaan ng Pamahalaang Panlungsod para sa ating mga kabataan.
Hindi namin minamaliit o binabalewala ang mga hinaing ng ating mga kapwa San Joseño dahil sa patuloy na problema sa tubig. May karapatan ang bawat isa na magpahayag at manawagan ng aksyon. Kaisa niyo po ang buong City Government sa pagsusulong ng solusyon dito.
Ngunit mayroong tamang lugar, tamang panahon, at tamang paraan upang gawin ito.
Mahalagang maipakita natin sa ating mga kabataan na ang pagkakaroon ng matinding saloobin ay hindi kailangang maisantabi ang respeto sa kapwa at pagiging disenteng mamamayan.
Bilang mga tanggapan na nangunguna sa youth development at sports, ipagpapatuloy naming bumuo ng mga programa upang maipadama sa mga kabataan na ligtas, positibo at maayos tayong lahat dito sa ating Lungsod. Hindi natin hahayaan na ang isang insidente ay maging dahilan upang mawala ang mga pagkakataong nagbibigay saya, inspirasyon, at pag-asa.
Ang City Youth Sports and Development Office at ang Liga ng mga Sangguniang Kabataan ay patuloy na magsusulong ng isang komunidad ng mga San Joseñong marunong rumespeto, makiisa, at makitungo nang may dignidad at malasakit sa kapwa.
Maraming salamat po sa patuloy ninyong suporta.