16/09/2025
OPISYAL NA PAHAYAG NG ALUMNI FEDERATION, INC. PATUNGKOL SA ISYU NG SEXUAL HARASSMENT AT VICTIM SHAMING SA SAN JOSE CITY NATIONAL HIGH SCHOOL (SJCNHS)
Kamakailan ay nagkaroon ng dalawang viral posts na nangyari sa SJCNHS: Una ay ang isang g**o sa Senior High School (SHS) na diumano ay notoryus na gumagawa ng sexual harassment na sa halip ay parusahan ay inilipat lamang, at; ang punong g**o ng SHS na diumano ay nag-'victim shaming' o nagpahayag na kasalanan ng biktima ang hindi pagsusumbong.
Nababahala ang buong Alumni Federation at kumukondena sa anumang klase ng sexual harassment at victim shaming sa ating paaralan.
Kaya naman tayo ay nananawagan sa pamunuan ng paaralan, sa DepEd Division of San Jose City, at sa Local Government Unit ng SJC na:
- gumawa ng aksyon upang imbestigahan ang katotohanan sa mga bintang at mabilis na papanagutin ang may mga sala; walang pipiliin, isama ang gumawa ng krimen, ang hindi umaaksyon, ang nangungumbinsing ikubli ang sumbong, victim shamers, at ang mabagal ipausad at inuupuan ang mga nakabinbin na mga kaso
- baguhin at itama ang mindset sa mga paaralan,
- bisitahin ang mga patakaran sa sexual harassment
- at lumikha ng mga batas laban sa ganitong mga krimen
IMBESTIGAHAN ANG MGA BINTANG AT PANAGUTIN ANG MAYSALA
- Mayroong itinakdang panahon para imbestigahan ang mga ganitong kaso. Lumalabas sa mga pahayag sa social media na masyadong matagal na nabibinbin ang mga prosesong ito
- Ang Alumni Federation ay partner ng The GROWL Project, isang institusyon na sumbungan ng ganitong mga kaso. Mayroon na itong partnership sa mga paaralan at nag-donate pa ng aklat sa lahat ng pampublikong paaralan sa Division of SJC na may impormasyon tungkol sa sexual harassment at kung paano ito aksyunan. Nakakalungkot na tila hindi naman inaral AT ipinatupad ang mga alituntunin na ito noong mga nakaraang panahon
- Sana'y magkaroon ng transparency case progress ng mga sexual harassment cases kung saan nakikita ang estado ng mga sumbong ngunit redacted o nakatago ang detalye ng nagsusumbong at isinusumbong bilang pagrespeto sa due process
BAGUHIN AT ITAMA ANG MINDSET SA EDUCATION SECTOR
- Ang pahayag na 'victim-shaming' na kumalat sa social media ay di lamang dapat tingnan na kamalian ng isang g**o/punong g**o kundi isang repleksyon ng kabuuang mindset ng education sector pagdating sa sexual harassment.
- kaya naman dapat ay tanggalin at baguhin ang mantra ng DepEd D.O. na 'Happy Lang' (via Division Memo No. 1 s. 2025) sapagkat repleksyon ito ng indifference at pagkamanhid sa mga hamon ng edukasyon kung saan ay hindi dapat maging happy lang kung sosolusyunan at haharapin ito ng tama
- nakaririnig tayo ng sentimyento ng pagkahabag sa mga inirereklamo dahil ito ay 'kabaro.' Dapat nating tandaan na walang karapatang magsuot ng baro ng isang g**o ang mga sexual predators at enblers nito.
- madalas din ay may mga verified ngunit anonymous report na diumano ay tini-trivialize o binabalewala ng ilang mga g**o at kawani ng DepEd ang sexual harassment (Halimbawa: may nagsumbong na bata dahil malagkit daw siyang tingnan ng isang g**o, ngunit ang tugon ng pinagsumbungang g**o ay 'Hayaan niyo lang, wala pa naming ginagawang masama si Sir.'). Ito ay dapat mariing ipagbawal at itama.
BISITAHIN ANG PATAKARAN SA SEXUAL HARASSMENT
- Ang nakikita ng Alumni Federation na isa sa mga ugat ng problema ay ang paraan ng paggamit ng Gender and Development (GAD) funds
- hindi masama na gamitin ito sa ibang mga 'GAD-able' na programa pero tila walang tuluy-tuloy na mga seminars at training tungkol sa sexual harassment ang ginagawa kaya tila hindi na nagiging prioridad and pangunahing dahilan ng paglalaan ng GAD funds. Ni walang regular na programa at mga ganap para rito.
LUMIKHA NG BATAS SA SEXUAL HARASSMENT
- Nakasaad sa Safe Spaces Act na tungkulin ng mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga 'localized' na batas tungkol sa Sexual Harassment kaya dahil sa mga exposé na nangyayari kamakailan ay panahon na upang pag-usapan sa Konseho ang ganitong mga panukala.
Ang Alumni ay hindi kaaway ng g**o, hindi kaaway ng principal, at hindi kaaway ng DepEd Office. Ang ating tunay na kaaway ay ang sexual harassment at ang systematic na impugnity o kawalan ng pakialam tungkol dito.
Ang pahayag na ito ay hindi upang magturo ng maysala, kundi upang umpisahan na natin na itama ang mali. Hindi ito ang panahon na tayo ay maging magkakaaway.
Naniniwala ang Alumni Federation na ang ating pagsasama-sama at pagkampi laban sa sexual na krimen sa mga paaralan ang tunay na solusyon sa mga hamon na ito.
Bukas ang Alumni Federation upang makipagtulungan. Ang kabastusan ay hindi biro at balewala. Protektahan natin ang mga bata sa paaralan. Linisin natin ang mga paaralan sa San Jose City! Iparamdam natin at ipakita sa mga magulang, learners, at stakeholders na ang SJCNHS ay safe at primerang eskwelahan. Mapanunumbalik lamang ito sa tunay na aksyon, solusyon, at pagbabago.