14/05/2026
Tungo sa Katatagan, Hindi Tensyon: Mahahalagang Bagay sa Relasyong Sino-Pilipino
Pinamagatang “ Tungo sa Katatagan, Hindi Tensyon: Mahahalagang Bagay sa Relasyong Sino-Pilipino (Toward Stability, Not Strain: What Really Matters in China–Philippines Relations),” inilathala, Mayo 6, 2026, ni Jing Quan, Embahador ng Tsina sa Pilipinas ang isang may-lagdang artikulo sa The Manila Times at lokal na babasahin sa wikang Tsino. Narito ang buong salin sa wikang Filipino:
Mahigit apat na buwan na, mula nang ako’y dumating sa Pilipinas.
Ang aking mga araw ay naging abala, may mga pagkakataong umaabot sa pitong sunud-sunod ang aking pakikipagpulong.
Ngunit ang pinakatumatak sa akin ay hindi ang abalang iskedyul, kundi ang mga tao.
Ang karaniwang mga Pilipino ay may mainit na pakikitungo, taos-puso, at mababait.
Ang kanilang mga ngiti at pakikipagkamay ang nagpapa-alala sa akin kung bakit mahalaga ang gawaing ito: ang pagpapanatiling matatag at sumusulong ng relasyong Sino-Pilipino, at pagpupunyagi upang mapaglapit ang dalawang mamamayan, at hindi paghihiwalay.
May ilang malinaw na palatandaan ng pag-unlad.
Matapos ang mahigit isang taong paghinto, muling naibalik ang diyalogong politikal.
Tatlong yugto na ng pag-uusap ang naisagawa, at bawat isa ay nagdaragdag ng sigla at pag-angat ng antas.
Habang muling nagbubukas ang opisyal na mga komunikasyon, muli ring lumalakas ang palitan ng kultura, turismo, edukasyon, agrikultura, agham, at teknolohiya.
At hindi lamang ito mga salita—nakikita na ang mga resulta.
Noong Enero, ipinatupad ng Pilipinas ang 14-araw na polisiya ng libreng visa para sa mga turistang Tsino.
Mula noon hanggang nitong Marso, 120,000 turistang Tsino na ang dumating, na katumbas ng 57% pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Unti-unti ring bumabalik ang mga biyaheng panghimpapawid.
Binuksan noong katapusan ng Marso ang bagong rutang Quanzhou–Cebu, at inilunsad noong Mayo 1 ang Chongqing–Manila flight.
Sa kabuuan, naibalik na sa 47% ng antas bago ang pandemiya ang mga biyahe, habang pinag-uusapan pa ang iba pang hakbang upang mapadali ang paglalakbay.
Simple lamang ang lohika: habang mas maraming tao ang nagkakaugnayan, mas kaunti ang hindi pagkakaunawaan.
Nagbubunga rin ang kooperasyon sa pagpapatupad ng batas.
Magkasamang kumikilos ang dalawang panig laban sa mga krimeng lampas-hangganan gaya ng pambibihag, panloloko gamit ang telekomunikasyon, at pangangalakal ng tao.
Mula 2023, ang magkasanib na operasyon ay nagresulta sa pagkakahuli ng 102 pangunahing pugante at pagpapauwi sa 2,461 suspek na sangkot sa ilegal na sugal at panloloko.
Ngayong taon lamang, 10 pangunahing pugante ang naaresto at 46 na suspek ang naipadala pabalik.
Ang mga ito ay praktikal na hakbang na nagliligtas sa mga tao.
Nananatili ring matatag ang pundasyon ng larangang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Sa loob ng sampung magkakasunod na taon, ang Tsina ang pinakamalaking katuwang pangkalakalan ng Pilipinas, na bumubuo ng mahigit isang-kapat ng mga inaangkat nito.
Kasabay niyan, mas marami ring de-kalidad na produktong agrikultural ng Pilipinas ang binibili ng Tsina.
Noong nakaraang taon, tatlong tagaluwas ng durian mula Davao ang nakapag-uwi ng US$36.6 milyong dolyar na kasunduan sa pamamagitan ng China International Import Expo (CIIE) — aktuwal na perang direktang bumalik sa mga Pilipinong magsasaka at negosyo.
Gayunpaman, nananatili ang mga hamon.
Ang matagal na kakulangan sa politikal na palitan ay naka-apekto sa kompiyansa ng mga mamumuhunan.
Ang pamumuhunang Tsino sa Pilipinas ay nananatiling mas mababa kumpara sa ibang bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Noong nakaraang taon, bahagya lamang itong lumampas sa 10 bilyong piso—malayong mas mababa kaysa sa Biyetnam, Indonesya, Kambodya, at Laos, at halos kapantay lamang ng Brunei.
Maliwanag ang aral: ang puhunan ay pumupunta kung saan may katatagan.
Kung walang maaasahang relasyon, hahanap ng ibang destinasyon ang kapital.
Kasabay nito, ang paglago mismo ng Tsina ay nagbubukas ng bagong oportunidad.
Kamakailan lamang, inaprubahan sa “Liang Hui” o “Dalawang Sesyon” ang Ika-15 Panlimahang Taong Plano (2026–2030), na naglatag ng susunod na yugto ng pag-unlad.
Hindi nagbago ang direksyon: ang Tsina ay patuloy na magbubukas at magbabahagi ng mga oportunidad.
Sa kasalukuyan, ito ang pangunahing katuwang pangkalakalan ng mahigit 150 bansa at rehiyon, at ito na rin ang ikalawang pinakamalaking import market sa buong mundo sa loob ng 17 taon.
Kaugnay nito, inaasahang lalampas sa 800 milyon ang middle-income group ng bansa.
Ibig sabihin, tuluy-tuloy ang pangangailangan para sa mga produktong gaya ng durian, mangga, at saging ng Pilipinas, at mas marami pa ang turistang pupunta sa mga lugar gaya ng Boracay at Bohol.
Malaki rin ang potensyal ng inobasyon.
Binabago ng Artipisyal na Intelihensya (AI), robotika, at mga bagong enerhiyang sasakyan (NEV) ang mga industriya.
Ang malalaking modelo ng AI gaya ng DeepSeek ay ginagamit na sa pang-araw-araw na aplikasyon, at ipinapakita ng mga kompanyang tulad ng Unitree Robotics kung ano ang posible.
Mahigit kalahati ng mga NEV sa mundo ay kasalukuyang nagmumula sa Tsina.
Ang mga ito ay hindi lamang uso o moda, bagkus mga kasangkapang maaaring magamit ng Pilipinas para sa industriyal na pag-angat kung lalalim pa ang kooperasyon sa Tsina.
Mahalaga rin ang imprastruktura.
Ang mga kompanyang Tsino ay nakapagtayo na ng mga riles, daungan, power grid, at telecom network sa iba’t-ibang panig ng mundo, kadalasan sa kompetitibong halaga.
Ang mas malalim na kooperasyon sa larangang ito ay maaaring makatulong sa Pilipinas upang mapunan ang matagal nang kakulangan sa imprastruktura at mapabuti ang pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Nasa harapan na natin ang mga oportunidad—ang mahalaga ay kumilos.
Bilang magkapitbahay, dapat igalang ng Tsina at Pilipinas ang isa’t-isa, matuto mula sa isa’t-isa, at magpatuloy nang magkasama.
May ilang larangang mahalagang tutukan.
Isa rito ang malinis na enerhiya.
Malaki pa rin ang pagdepende ng Pilipinas sa ina-angkat na produktong langis, dahilan upang maging bulnerable ito sa pagbabago ng pandaigdigang presyo.
Kamakailan, maraming lokal na negosyo ang lumapit sa Embahada ng Tsina sa Pilipinas upang magpahayag ng interes sa pagpasok sa bansa ng mga NEV ng Tsina upang gawing mas luntian ang transportasyon sa Pilipinas.
Ito ay aktibo naming sinusubaybayan at isinusulong.
Nananatiling pandaigdigang lider ang Tsina sa transisyon sa enerhiya.
Ang mga proyektong gaya ng Terra Solar Project at Pakil Pumped-storage Hydropower Project ay maaaring maging bagong benchmark.
Ang waste-to-energy technology ng Tsina ay kabilang din sa pinakamoderno – isang sistemang nagbibigay ng kakayahan sa isang planta upang magproseso ng hindi bababa sa 10,000 toneladang basura kada araw at lumilikha ng hindi bababa sa 2 bilyong kWh ng kuryente kada taon, habang tumutulong sa problema sa enerhiya at basura.
Isa pang mahalagang larangan ang didyital na ekonomiya.
Bilang pangunahing puwersa sa ika-apat na rebolusyong industriyal, malawakang nagagamit at abot-kaya ang arkitektura ng AI, training code, at data method ng Tsina.
Ang gastos sa paggamit ng mga ito ay posibleng isa’t ikalabing-anim (1/16) lamang o mas mababa pa, kumpara sa katumbas na modelo mula Estados Unidos.
Ito ay nagbubukas ng oportunidad para sa mga umuunlad na bansa.
Kaugnay nito, naglunsad na rin ang Pilipinas ng pambansang AI roadmap upang ito ay maging rehiyonal na sentro.
Ang mas malakas na kooperasyon ng Tsina at Pilipinas sa larangang ito ay maaaring magdala ng malaking pakinabang.
Maaaring mabilis ding maghatid ng resulta ang agrikultura.
Makakatulong ang modernong kooperasyon upang tugunan ang limitadong lupang sakahan at mga natural na kalamidad.
Kamakailan ay bumisita ako sa SL Agritech Corporation upang obserbahan ang kanilang mga field trial at ang paggamit ng Chinese hybrid rice.
Kayang pataasin ng teknolohiyang ito ang ani mula 4–5 tonelada bawat ektarya tungo sa 7–8 tonelada.
Sa pinakamahuhusay na sakahan, maaari itong umabot sa 15–17 tonelada—hanggang tatlong beses na mas mataas kaysa tradisyonal na lokal na binhi.
Mahigit 2 milyong ektarya na sa buong bansa ang tinataniman ng hybrid rice, na nagdudulot ng mas mataas na produksyon at kita sa mga magsasakang Pilipino.
Sinusuportahan naman ng Chico River Pump Irrigation Project ang 8,700 ektarya ng lupang sakahan.
Sa panahon ng Pestibal ng Tagsibol (Chinese New Year) ngayong taon, bumisita ako sa isang bukirin sa Baguio kung saan matagumpay na naitanim ng isang magsasakang sinanay sa lalawigang Shandong, gawing silangan ng Tsina ang mga strawberry.
Iyan ang tunay na anyo ng praktikal na kooperasyon.
Siyempre, may isang usapin pa ring nagbibigay-anino sa relasyong Sino-Pilipino: ang South China Sea.
Ngunit isa lamang itong bahagi ng kabuuang relasyon ng dalawang bansa.
Kapag ito ang nangingibabaw sa buong adiyenda, apektado ang lahat—kalakalan, pamumuhunan, at turismo.
Ang pagpokus ng relasyong Sino-Pilipino sa iisang isyu lamang ay naglilimita sa maaaring mapakinabangan ng dalawang panig.
May apat na pangunahing paraan upang harapin ang mga hindi pagkaka-unawaan.
Una, digmaan. Malinaw na hindi ito ang nais ng dalawang panig.
Ang Tsina ay hindi kailanman nanakop o nangolonya ng ibang bansa, at nakasulat sa mga polisiya at institusyon nito, kabilang ang Konstitusyon ng bansa at ng naghaharing partido, ang mapayapang pag-unlad.
Sa mundong patuloy na nahaharap sa mga sigalot sa mga lugar gaya ng Iran, Gaza, Ukraine, at Venezuela, hindi dapat ipagwalang-bahala ang kapayapaan.
Sa ganitong konteksto, may sapat na dahilan ang Pilipinas upang pahalagahan ang pagkakaroon ng kapitbahay na patuloy na nagsusulong at nagsasabuhay ng mapayapang pag-unlad at kooperasyon.
Ikalawa, pag-uusap. Sinusuportahan ng Tsina ang paglutas ng pagkakaiba sa pamamagitan ng diyalogo.
Ito ay naniniwala sa maayos na pangangasiwa sa usapin sa South China Sea habang ipinagpapatuloy ang kooperasyon sa ibang larangan. Sa katunayan, muling nagsimula noong Marso ang talakayan hinggil sa sona ng magkasamang pangingisda.
Ikatlo, status quo. Kung hindi pa posible ang agarang solusyon, dapat panatilihin ng dalawang panig ang ligtas na distansya.
Ang mga di-tinitirhang isla at bahura sa South China Sea ay dapat manatiling walang tao at pasilidad. Iwasan ang mga hakbang na maaaring mag-udyok o humamon sa kabilang panig, at umiwas sa mga hindi inaasahang insidente na maaaring magpalala ng tensyon.
Ikaapat, magkasamang pagpapa-unlad. Maaaring magtulungan ang China Coast Guard at Philippine Coast Guard sa gawain ng paghahanap at pagliligtas, at pangangalaga sa kalikasan.
Nagpakita rin kamakailan ng interes ang Pilipinas sa magkasamang pagpapa-unlad ng langis at gas. Lumagda pa nga ang dalawang panig sa isang memorandum of understanding (MOU) noong 2018.
Kung naipatupad lamang ito noon, maaaring nakikinabang na ngayon ang Pilipinas.
Pero, hindi pa huli ang lahat—hangga’t may kagustuhan, nananatiling bukas pa rin ang pinto.
Kasabay nito, may isang bagay na dapat ding banggitin.
May ilang tinig sa Pilipinas na nabubuhay sa pagpapalaganap ng retorika laban sa Tsina, ang nagsusulong na “ginigipit ng Tsina ang Pilipinas” o “ang Tsina ang pinakamalaking banta.”
Ang ganitong mga naratibo ay nagpapalaganap ng galit at sumisira sa relasyon.
May isang sarbey pa ngang nagsasabing 79% ng mga Pilipino ang naniniwalang ang Tsina ang pinakamalaking banta.
Itinuturing ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas ang sarili bilang tulay para sa kooperasyon at tagapagtanggol ng interes ng Tsina.
Bukas kami sa diyalogo, kabilang na sa mga usaping may hindi pagkakasundo, ngunit hindi sa mga walang basehang pag-atake.
Kapag kumalat ang maling impormasyon, magkakaroon ng malinaw at matatag na tugon.
Responsibilidad at karapatan namin iyon.
Mahalaga ring tingnan ang mga katotohanan.
Kung tunay ngang pinakamalaking banta ang Tsina sa Pilipinas, magbibigay ba ito ng 55 milyong bakuna laban sa COVID-19, lalo na noong kulang ang suplay? Mismong mga opisyal ng Pilipinas ang nagsabing ang Tsina ang una, pinaka-matatag, at pinakamalaking pinagkunan ng bakuna.
Susuportahan ba nito ang mga proyektong gaya ng Estrella–Pantaleon Bridge, Binondo–Intramuros Bridge, at Davao Bucana Bridge?
Magpapadala ba ito ng ayuda matapos ang mga bagyo at lindol, kabilang ang US$1 milyong dolyar na cash at 10 milyong yuan Renminbi na halaga ng suplay noong katapusan ng 2025?
Magbibigay ba ito ng 20,000 toneladang fertilizer noong may pandaigdigang kakulangan noong 2023 bunsod ng krisis sa Ukraine?
Hindi pa kabilang dito ang tulong mula sa gobyerno, institusyon, at mga kompanyang Tsino.
Sa katunayan, ang Embahada ng Tsina sa Pilipinas ay nakatulong na sa pagtatayo ng anim na basketball court para sa mga paaralan at komunidad sa malalayong lugar ng Pilipinas sa nakalipas na dalawang taon.
Dagdag pa rito ang kasaysayan.
Mahigit isang libong taon nang magkapitbahay at magkaibigan ang Tsina at Pilipinas.
Mahigit 600 taon na ang nakalipas, bumisita sa Tsina ang hari ng Sulu na si Paduka Batara at mainit siyang tinanggap ng Emperador Yongle.
Pumanaw siya habang pauwi at inilibing sa laalwigang Shandong, kung saan naninirahan pa rin hanggang ngayon ang kanyang mga inapo.
Hanggang ngayon ay buhay pa rin ang kuwentong iyon.
Bumisita rin ako sa Binondo noong panahon ng Pestibal ng Tagsibol.
Sa loob ng mahigit 400 taon, nananatili itong buhay na simbolo ng palitang pangkultura.
Maraming henerasyon ng mga migranteng Tsino ang bumuo ng kanilang buhay sa Pilipinas at nag-aambag sa ekonomiya at lipunan nito.
Sa maraming paraan, sila ang nagsisilbing tulay ng dalawang bansa.
Ang mahabang kasaysayang ito ay sumasalamin sa isang simpleng ideya: hindi layunin ng Tsina na hatiin ang rehiyon sa mga saklaw ng impluwensya, magpasiklab ng kompetisyon ng mga alyansa, o ipasa ang mga problema nito sa iba—lalo na ang mang-api ng mas maliliit na bansa o magsimula ng sigalot.
Nanatiling konsistente ang paniniwala nito: maging mabuting kapitbahay, panatilihing matatag ang rehiyon, at sama-samang pag-unlad.
Sa praktika, ito ay nangangahulugang pakikitungo sa mga kapitbahay nang may mabuting loob, katapatan, at kapuwa pakinabang, habang pinananatiling bukas at inklusibo ang relasyon.
Ito ay nangangahulugan ding pagsuporta sa bukas na rehiyonal na kooperasyon at tunay na multilateralismo.
Kapuwa may mainit na pagtanggap at mababait ang mga mamamayan ng Tsina at Pilipinas.
Maraming dahilan upang magkasundo at magtulungan, at walang dahilan para sa pagkapoot.
Ang pagkakaibigan ng mga bansa ay hindi laro ng sero-sum.
Ang mga kaibigan ng Tsina ay maaari ring maging magkaibigan ng Estados Unidos, at ganoon din sa kabilang panig.
Kaya sa halip na itanong kung dapat bang maging “pro-China” o “pro-US” ang Pilipinas, marahil ang mas mahalagang tanong ay: bakit hindi maging “pro-Philippines?”
Tulad ng maraming bansang ASEAN, maaaring panatilihin ng Pilipinas ang balanseng relasyon sa parehong panig. Iyan ang pinakamainam para sa pangmatagalang interes nito.
Sa huli, nakasalalay sa mga desisyong ginagawa ngayon ang kinabukasan ng relasyon ng Tsina at Pilipinas.
Noong Disyembre 11 ng nakaraang taon, bago ko iharap ang aking mga kredensyal kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakita ko sa Palasyo ng Malacañang ang mga larawan ng mahahalagang yugto ng bilateral relasyong Sino-Pilipino.
Tahimik itong paalala kung gaano karami ang nabuong bunga sa nakalipas na 50 taon.
Kaakibat ng mga pamanang iyon ang responsibilidad—at oportunidad.
Kapag binalikan ito ng mga tao pagkalipas ng 50 taon pa, ibig sabihin, sa panahon ng ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina’t Pilipinas, sana’y makita nila ang panahong ito bilang yugto kung kailan ginawa ang mga tamang pasya: pagpapanatiling matatag ng relasyon, pagpapalakas ng ugnayan, at pagpapalapit sa maga mamamayan ng dalawang bansa.