01/09/2026
Mas nagiging makulay ang cultural tourism scene ng San Pablo City habang naghahanda ang San Pablo Art Circuit para sa Artstravaganza 2026, isang buwang selebrasyon ng sining, kultura at lokal na pagkamalikhain na isinasagawa bilang bahagi ng Museums and Galleries Month ngayong Oktubre.
Ngayong Setyembre 1, 2026, nag-courtesy call kay Acting City Mayor Carmela A. Acebedo ang mga miyembro ng San Pablo Art Circuit upang ibahagi ang kanilang mga programa at inisyatibo para sa nasabing pagdiriwang.
Pangunahing tampok ang Artstravaganza 2026, na nakatakdang ganapin mula Oktubre 3 hanggang 31, 2026. Pinag-uugnay nito ang iba’t ibang art galleries, creative spaces, museums at heritage destinations mula sa San Pablo City at mga karatig-lugar.
Kabilang sa mga kalahok ang Verbena Gallery, Art Barn, Studio 88, Villa Escudero, The Lakehouse, Farmer’s District, Art Corridor, Paraiso de Avedad, Color Commune, Komikero Komiks Museum, Ugu Bigyan, Sulyap at Fule-Malvar Mansion.
Sa pamamagitan ng Artstravaganza, mas nabibigyan ng pagkakataon ang publiko at mga bisita na makilala ang mga lokal na artista, obra, creative spaces at heritage destinations na bumubuo sa natatanging cultural identity ng San Pablo.
Higit pa sa pagiging tahanan ng pitong lawa, patuloy na ipinakikilala ng lungsod ang sarili bilang isang destinasyong mayaman din sa sining, kasaysayan, kultura at malikhaing komunidad.
Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, cultural institutions at local artists, patuloy na lumalawak ang espasyo para sa sining at mas napapalakas ang cultural tourism sa Lungsod ng San Pablo.