12/03/2019
ISANG BUKAS NA LIHAM
Mga minamahal kong mga taga San Pascual:
Ako ang inyong Mayor, Roanna Conti, ay may mensahe sa inyong lahat, kaibigan man o katunggali, para sa ikabubuti ng ating Bayan:
1) Salamat sa maling habla ni Vice Mayor Dimayuga laban sa akin. Nalaman ng buong bayan at bansa ang kanyang prioridad at takbo ng pag-iisip. Napatunayan na ng mga dokumentong legal na may Travel Authority and Leave Form na pinirmahan si Gov. Dodo Mandanas para sa aking byahe sa Amerika. These are authentic public documents that enjoy the presumption of regularity. So dito na po ito nagtatapos. Huwag ng pagdebatehan pa ng magkabilang panig at sayang lamang oras at panahon. Maging productive tayo at kapaki-pakinabang sa ibang bagay. Bilang inyong Mayor at Ina ng Bayan, makinig kayo sa akin!
2) Para naman sa pagiging productive, eto ang mensahe ko kay Vice Tony at SB members. Aba naman, pakipasa na naman ng budget ng Bayan ng San Pascual na halos anim na buwan na ninyong inuupuan. Yan ang dahilan kung bakit ko kayo kinasuhan ng katamaran at kawalan ng pakundangan sa ating mga mamamayan. Ako ang Mayor at Ina ng Bayan, hindi ko kayang pabayaan ang ating mga mamamayan ng dahil lamang sa pamumulitika ninyo. Kung may question sa tamang paggasta, trabaho yan ng Commission on Audit. Ang pinag-uusapan dito ay ang perang gugulin pa sa mga program at proyekto ngayong 2019. Ipaglalaban ko ang nararapat sa ating mamamayan, pwd, senior citizens, kababaihan, mga g**o, magulang, estudyante at scholars, farmers group, TODA at kawani ng munisipyo at mga barangay atbp kahit mangahulugan pa ito ng panganib sa aking buhay. Kung ang intensyon ninyo ay ako ay maparalisa, kumpyansa ako na yung nagawa ko sa loob ng mahigit na dalawang taon ay sapat at kitang kita na kaya wala na ring magagawa ang pang iipit nyo ng pondo ng bayan para ako ay masira.
3) Ngayon ay panahon ng kampanya at pagkumbinse ng mga tao na umayon sa kanya-kanyang pananaw at programa. Mag-tagisan at pagalingan tayo sa kung ano ang nagawa natin sa ating Bayan at hindi sa siraan. Performance and track record ang pagbasehan. Walang personalan. Usapang Marangal po tayo at walang bastusan.
4) Hindi ko po kailan man ninais na saklawin ko ang inyong pasya. Kayo na po ang humusga kung sinong panig ang Marangal at tunay na may malasakit sa ating Bayan. Sapagkat kahit ano pang away, pasaringan at bangayan na di naman kailangan, boto pa rin ang pagbabasehan at ang muling uupo ay kung sino ang lamang.
5) At bilang pangwakas, ipina-aala-ala ko po sa lahat na Golden Anniversary po ng ating Bayan ngayong taong ito. Kung ito ay Golden o 50th Anniversary ng ating Tatay at Inay, hindi ba dapat lahat ng anak ay sama-sama at masaya? Madalas ay may kasal muli at misa. Lahat ng kamag-anak ay ini-imbita. Kung nasa abroad ka ay uuwi ka para maki-isa. Yan ang diwa ng isang pamilya. Kaya ang dalangin ko po bilang inyong Ina ay sana tayo ay magka-isa at hindi magkawatak-watak. Nasa inyong mga kamay po ang pasya.
Pagpalain nawa tayo ng Diyos!
Salamat po,
Mayor Roanna Conti