04/06/2026
SERBISYONG MABILIS NG PNP, NAGRESULTA SA PAGKAKAARESTO AT PAGKAREKOBER NG ARMAS
Ipinakita ng Philippine National Police (PNP) ang mabilis at epektibong pagtugon matapos ang insidente ng pagpapaputok ng baril sa isang komunidad, kung saan agad na rumesponde ang mga tauhan at nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakarekober ng baril sa Iloilo City.
Ayon sa ulat, isang commotion ang naitala sa lugar na nauwi sa pagpapaputok ng baril na nagdulot ng pangamba sa mga residente. Agad namang tumugon ang Iloilo City Police Station 6 upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang posibleng paglala ng sitwasyon.
Sa isinagawang mabilis na operasyon, narekober ng mga rumespondeng pulis ang isang 9mm pistol na may laman pang bala at isang fired cartridge case. Kasunod nito, sa tuloy-tuloy na imbestigasyon at follow-up operation, nahuli ang mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kaukulang kaso.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang ganitong mabilis na pagtugon ay patunay ng patuloy na pag-igting ng kapulisan sa pagbibigay ng proteksyon sa komunidad.
“Hindi natin palalampasin ang anumang banta sa seguridad ng ating mga komunidad. Ang agarang aksyon ng ating mga pulis ay bahagi ng ating pananagutan—siguraduhing ligtas ang bawat mamamayan at agad na papanagutin ang mga lalabag sa batas,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, mahalaga ang aktibong presensya ng pulisya sa mga komunidad upang mapigilan ang paglala ng mga insidente at mapanatili ang kapayapaan, lalo na sa mga oras ng gabi.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na pagtupad ng PNP sa tungkulin nitong maglingkod at magprotekta, alinsunod sa adhikain ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)