31/05/2026
PAULIT-ULIT NA TAYONG BINA-BALAAN NG KALIKASAN.
Noong January 8, 2026, gumuho ang landfill sa Binaliw, Cebu City. Ayon sa mga ulat, may mga namatay, nasugatan, at nawawala matapos gumuho ang bundok ng basura.
Noong February 20, 2026, nagkaroon ng trash slide sa sanitary landfill sa Rodriguez, Rizal. Ayon sa mga ulat, may namatay at may mga nawawala, at kalaunan ay naglabas ang DENR-EMB CALABARZON ng cease-and-desist order laban sa operator.
Noong April 10, 2026, nasunog ang Navotas Sanitary Landfill. Umabot sa maraming bahagi ng Metro Manila at karatig-lugar ang epekto nito sa usok at kalidad ng hangin.
Noong May 20, 2026, gumuho rin ang bahagi ng Davao City Sanitary Landfill sa Barangay New Carmen. Ayon sa mga ulat, may namatay, nasugatan, at nawawala.
Hindi ito simpleng balita lamang. Ito ay malinaw na babala na kapag pumalya ang landfill, hindi lang basura ang gumuguho.
Buhay ang nalalagay sa panganib. Hangin ang nalalason. Tubig, lupa, sakahan, at kabuhayan ang maaaring masira.
Kaya huwag tayong palilinlang sa pangalan.
Tawagin man itong sanitary landfill, integrated facility, eco-industrial project, waste management complex, o anumang pangalang magandang pakinggan — sa dulo, pasilidad pa rin iyan para sa pagtatambak at pamamahala ng basura.
At hindi maliit na pasilidad ang pinag-uusapan. Batay sa mga impormasyong inilalatag sa publiko at sa mga dokumentong sinusuri, ang tinututulan natin ay isang malaking pasilidad na maaaring magsilbi bilang regional landfill — isang malaking pasilidad ng basura na gustong ilagay sa lugar na may kabundukan, sakahan, tubig, at posibleng direktang epekto sa watershed at groundwater.
Mahalagang maintindihan, hindi lang emosyon ang batayan ng pagtutol dito. May legal at environmental basis ito.
Sa ilalim ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, ipinagbabawal ang pagtatayo o pagpapatakbo ng landfill o waste disposal facility sa aquifer, groundwater reservoir, watershed area, o anumang bahagi nito.
Sa ilalim ng RA 9275 o Clean Water Act, tungkulin ng Estado na protektahan ang mga anyong-tubig laban sa polusyon mula sa land-based sources.
Sa ilalim naman ng Local Government Code, Section 16, obligasyon ng lokal na pamahalaan na itaguyod ang kalusugan, kaligtasan, kapakanan, at karapatan ng mamamayan sa balanseng ekolohiya.
Kaya ang tanong ay simple, Kung may mga landfill nang gumuho, nasunog, at kumitil ng buhay sa iba’t ibang lugar, bakit natin ipipilit ang isang malaking pasilidad ng basura sa kabundukan at sensitibong lugar ng Calauan?
Hindi mabubura ng magandang pangalan ang tunay na panganib.
Kapag gumuho, buhay ang delikado. Kapag nasunog, buong komunidad ang apektado. Kapag may tagas, tubig, lupa, sakahan, at kabuhayan ang masisira.
Ang panawagan natin ay malinaw:
Huwag ipilit gawing malaking basurahan ang lugar na dapat pinoprotektahan.
Hindi regional landfill ang kinabukasan ng Calauan. Hindi basurahan ang dapat itayo sa kabundukan, sakahan, at mga lugar na maaaring makaapekto sa tubig at kalikasan ng Laguna.
All credits go to the rightful owner. No copyright infringement intended. No profit is being made from this video. Check out the original by ABS-CBN News, GMA News, PTV Philippines, and News5Everywhere Youtube Channels.