10/07/2025
"𝐌𝐑. 𝐁𝐈𝐘𝐀𝐇𝐄𝐑𝐎" 𝐇𝐈𝐌𝐒𝐄𝐋𝐅-𝐃𝐑𝐄𝐖 𝐀𝐑𝐄𝐋𝐋𝐀𝐍𝐎, 𝐊𝐀𝐒𝐀𝐋𝐔𝐊𝐔𝐘𝐀𝐍𝐆 𝐁𝐔𝐌𝐈𝐁𝐈𝐒𝐈𝐓𝐀 𝐒𝐀 𝐂𝐀𝐌𝐀𝐑𝐈𝐍𝐄𝐒 𝐍𝐎𝐑𝐓𝐄!
|| Arjay Jimenez Efondo
Tunay na ang natural na angking yaman at ganda ng Camarines Norte ay dapat maipagmalaki at maipakilala sa mundo. Mula sa mga naggagandahang isla, payapang dagat, nakabibilib na talon at marami pang ibang tanawin, ang natural at lokal na ganda ng Camarines Norte ay maaaring ialok nang buong puso sa mga turista.
Mr. Biyahero himself Drew Arellano ng sikat at kilalang Travel Documentary Show sa GMA 7 na "Biyahe ni Drew" ay kasalukuyang bisita ng Camarines Norte.
Sa pagbisitang ito mula July 7-10, 2025 ay isasagawa ang Production Shoot ng nasabing palabas kung saan itatampok ang iba't ibang lugar at mga tanawing iniaalok ng Camarines Norte pagdating sa aspeto ng turismo.
Kabilang sa mga gawain at lugar na itatampok ay ang Gold Processing sa Paracale, Mananap Falls Canyoneering sa San Vicente, Hala Fruit Wine Making sa Bagasbas, Sabangan Beach sa Mercedes, Interbyu sa lokal na Travel Vlogger at iba pa.
Ang pagbisita at nakatakdang pagtatampok ng lalawigan sa nasabing palabas ay ikalima nang pagkakataon, kaya naman nakakatuwang isipin na maraming lugar at tanawin sa Camarines Norte ang matagumpay na naipakikilala sa mundo.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Provincial Tourism Operations Office (PTOO) ay aktibong nakikipagtulungan sa mga Municipal Tourism Offices ng mga bayang binisita at bibisitahin ng Biyahe ni Drew Team para mag-assist at siguruhin ang maayos na daloy ng nasabing produksyon.
Mga kababayan, sabay-sabay nating abangan at panoorin ang episode ng Biyahe ni Drew na pangunahing itatampok ang mga lugar at gawaing pang-turismo na ipinagmamalaki ng Camarines Norte.
e-Bantayog
July 10, 2025 | Issue No. 845