03/09/2026
SUSPEK NA TUMAKAS SA OPLAN SITA, TIKLO NG SANTA MARIA PULIS
Camp General Alejo S Santos, Malolos City, Bulacan | September 2, 2026 — Arestado ang isang 24-anyos na babae matapos umanong tumakas sa isinasagawang Oplan Sita at magtapon ng hinihinalang shabu sa Barangay Guyong, Sta Maria, Bulacan noong Setyembre 1, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL MARK LOUIE M SIGUA, Chief of Police ng Sta Maria MPS, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga pulis, katuwang ang mga barangay tanod ng Barangay Guyong, nang mapansin ang suspek na isang 24-anyos na babae, na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na safety helmet.
Pinara ang suspek para sa routine inspection ngunit tumakas ito at itinapon ang isang coin purse na naglalaman ng humigit-kumulang 1.0 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱6,800.00. Matapos ang maikling habulan, naaresto ang suspek at nabawi ang naturang ebidensya, kasama ang dalawang ₱100 bill at motorsiklong minamaneho nito. Isinagawa ang kaukulang inventory at dokumentasyon, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165, RA 10054, RA 4136, at Disobedience to a Person in Authority.
Ang mga nakuhang hinihinalang ilegal na droga ay isasailalim sa laboratory examination ng Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri at dokumentasyon. Ang suspek ay ipinaalam sa kanyang mga karapatang konstitusyonal at isinailalim sa kaukulang legal na proseso.
Sa ilalim ng pamumuno ni PCOL JAY B BAYBAYAN, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na pinaigting ng Bulacan PNP ang mga operasyon laban sa ilegal na droga at iba pang paglabag sa batas upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat Bulakenyo.