Mahabang Parang... Kay Haba't... Parang Gunita Ang Iyong Kasaysayan
sa pananaliksik ni ENRIQUE M. CLARIN
Noong panahong bago pa lamang tayo sakupin ng dayuhan Hapones, ang Mahabang Parang ay mistulan pang gubat, kaparangan, dahop at salat sa poso artisyano at mga sasakyang de gulong. Ito ay nasasakop pa ng nayon ng Camangyanan. Sa pasimula ng barangay na ito na tumindig sa sariling paa, ito ay bumukod. At mula sa kanyang anyo na kaparangan, ito ay tinawag na Mahabang Parang sa pamumuno na noon ay Tininti del Baryo Jesus delos Reyes.
Maaaring sa ibang mananahanan, ang Mahabnag Parang ay taliwas at hindi lugar na pasimulan. Bukod sa may limang kilometro ang layo sa kabayanan, walang sasakyang de-gulong ang maaaring mangahas dito. Dahil doon, ang daan dito na kung tawagin ay daang-kariton ay batuhan at putikan kung panahon ng tag-ulan. Ang naunang nanahanan sa baryong ito ay kinakailangan pang gumamit ng kabayo o kalabaw upang makarating sa kabayanan. Maging sa tubig na maiinom at gamit sa pang-araw-araw ay malaking kakulangan sa baryong ito. Kinakailangan mong gumising ng maaga para lamang mauna ka sa pagpila sa pag-igib sa balon, na kung tawagin noon ay matang tubig. Noon ay dadalawang bukal lamang ang napagkukunan ng tubig. Ang isa ay sa lupaing sakop ni G. Victorino Santos at ang pangalawa ay sa lupaing sakop ni G. Felix Raymundo.
Pagsasaka - Ito ang pangunahing hanap-buhay sa baryong ito. Dito sa Mahabang Parang mula, kundi man una, ang yamang-bato (de forma) sipat at tiyaga, pagpapatulo ng pawis at sariling determinasyon ang naging punuhan ng mga taong nananahanan dito. Ang Mahabang Parang noon, na kung sa gabi mo mamalasin ay tila kalawakan na may kukuti-kutitap na bituin. Sapagka't noon ay hindi pa rin ito sakop ng ilaw-dagitab. Tanging lampara at ilawang de gaas ang tanglaw ng bawat tahanan. Dito rin sa baryong ito mula, kundi man una, ang pagpapatahi (na ngayo'y R.T.W.). Si Gng. Angela Gonzales ang unang nangahas na pumalaot sa larangang ito na naging matagumpay naman at naging inspirasyon ng iba.
Sa pagtutulungan ng mga taong nananahanan dito at sa tulong na rin ng mga nanunungkulan ng panahong iyon, tulad nila konsehales Marcos Gonzales at Pastor Sanchez, sa panahon ng panunugkulan ni Alkalde Pedro Mansilla, pinasimulang hawanin, patagin at luwangan ang daang kariton. Bagama't batuhan pa at lubak-lubak ang tanging daan na nag-uugnay sa Mahabang Parang at San Gabriel patungong bayan ay sapat na rin madaanan ng mga sasakyang de-gulong. Malaking tulong na rin sa mga taga-Mahabang Parang, na noon ay nag-uusbong na sa kaunlaran.
Ang mga tahanan na noon ay dampa na yari sa kawayan at kugon ay napalitan ng bato, bakal at yero. Unti-unti ay nawala ang karitela, paragus at kariton. Nagsulputan ang tricycle, jeep owner, tamaraw, toyota, maging ang Mercedez. Ang dati'y matang-tubig ay nagbalik sa kanyang pinagmulang ilalaim upang hukayin ang halos lahat ng nananahanan dito, sa pamamagitan ng tubong-lawit, na kung tawagin at poso artisyano, na kahit isang kamay ng paslit ay makabobomba para magkatubig.
At sa patuloy na pag-unlad, sa patuloy na pagsisikap ng bawat isa na nananahamam dito, ang dating lampara ay napalitan ng ilaw-dagitab, ang bawat bubong ng tahanan at nagtila kabuti sa mga T.V. antenna, nagkaroon ng C.B. radio at telepono.
Ang kabataang mag-aaral na noon ay sa kalapit baryo pa palakad na pumapasok ay nagbunga Nagkaroon ng mababang paaralan, samahang sibiko at kooperatiba. Siyang patunay sa patuloy na pag-sulong ng Mahabanag Parang. Sa pagtutulungan at pagsusumikap ng bawat isa, ang dating batuhang daan at lubak-lubak ay naging ispalto. Dahil dito, lalong nagsumigasig ang mga taga-Mahabang Parang. Kanilang pinag-ibayo ang dobleng sipag. Laging sumusunod sa batas at mga katungkulan pangmamayanan. Hindi kinaligtaan ang tungkuling magbayad ng buwis.
Muli sa paglipas ng taon, sa pangunguna ng ating magiting na Alkalde Paulino Luciano at Kgg. Gob. Ignacio Santiago bilang tugon na rin sa pagiging mabuting mamamayan ng mga taga-Mahabang Parang, ang ispaltong daan na bagama't makapal ay hindi nakayang makipagtagisan sa panahon. Muli itong inayos at ginawang sementado. Ang buong kahabaan ng daan mula bayan pauwi ng Mahabang Parang 'gang hangganan ng Sta. Rosa, Marilao. Maging ang mga iskinita ay sementado sa pamamatnubay ng kasalukuyang Brgy. Captain Rogelio Santos at pagtutulungan na rin at ambagan ng mga taga-Mahabang Parang, ang sementadong daan na kung iyong mamalasin ay tila baga gayumang nag-aanyaya upang damahin ang kasaganaang tinatamasa, hindi lang ng mga taga-Mahabang Parang kundi, maging ng kalapit baryo na rin.
At ngayon, pagkalipas ng apat na taon, muli itong magdiriwang ng pista, bilang pasasalamat sa Mahal na Patrong San Miguel Arkanghel. Ating saksihan at makiisa tayong lahat sa kaunlaran ng kay haba't parang gunitang kasaysayan ng Mahabang Parang.