18/07/2026
R-PSB BINIGYANG-BUHAY ANG PAGBABAGO SA BRGY. VICTORIA
Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula kapag ang mga pangangailangan ng isang komunidad ay natutugunan hindi lamang sa usapin ng seguridad, kundi pati sa mga programang nagpapabuti sa araw-araw na pamumuhay ng bawat pamilya.
Sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief, PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy na isinusulong ng Philippine National Police ang mga programang nagdadala ng pangmatagalang pagbabago sa mga komunidad. Noong Hulyo 18, 2026, matagumpay na isinagawa ng Police Regional Office MIMAROPA, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang stakeholder, ang turnover ng Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB) Quick Impact Projects at Serbisyong Gobyerno Caravan sa Barangay Victoria, San Andres, Romblon.
Bunga ito ng anim na buwang paninirahan ng Romblon Provincial Mobile Force Company R-PSB Team sa barangay upang matukoy at matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng komunidad sa ilalim ng Revitalized Pulis sa Barangay Program.
Kabilang sa mga naiturnover ang dalawang Amakan Houses, isang community water storage tank, dalawang kiosks, dalawang toilet facilities sa Pader Falls, at 25 household toilet facilities na magpapabuti sa sanitasyon, kapakanan ng komunidad, at lokal na turismo. Nagtapos din ang mga residente sa Organic Agriculture Production NC II ng TESDA, na magbibigay sa kanila ng dagdag na oportunidad sa kabuhayan.
Nakinabang din ang daan-daang residente sa Serbisyong Gobyerno Caravan sa pamamagitan ng pamamahagi ng food packs, mga gamot, bitamina, vegetable at fruit-bearing tree seedlings, libreng gupit, at iba pang serbisyong inilapit ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay PGEN Nartatez, “True public service is measured by the positive change that people experience in their daily lives. Kapag ang pulisya at komunidad ay nagtutulungan, mas marami tayong buhay na nabibigyan ng pag-asa at pagkakataon.”
Dagdag pa niya, “The Revitalized Pulis sa Barangay Program shows that policing goes beyond maintaining peace and order. Patuloy nating ilalapit ang mga programang may tunay na pakinabang upang maramdaman ng bawat mamamayan na may pamahalaang handang umalalay sa kanila.”
Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng PNP Focused Agenda—isang gabay sa patuloy na pagbabago ng organisasyon upang higit pang mapalapit sa mamamayan ang serbisyo ng pulisya. Kabilang sa mga pangunahing prayoridad nito ang Enhanced Managing Police Operations at Active Community Support, na isinasabuhay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pulisya, pamahalaan, at komunidad.
Habang patuloy na pinalalakas ng PNP ang ugnayan nito sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay ng seguridad at kaunlaran sa antas ng barangay, patuloy nitong tinitiyak sa publiko ang adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
(PNP-PIO)