27/10/2025
Mag iingat po tayo.
PHO CAGAYAN, NAGBABALA SA PAGLAGANAP NG INFLUENZA-LIKE ILLNESS; KASO NG NATURANG SAKIT SA LALAWIGAN, UMABOT NA SA MAHIGIT 1,000
Nagbabala ang Provincial Health Office (PHO) Cagayan sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Influenza-like Illness (ILI) o trangkaso sa lalawigan matapos maitala ang 1,161 kaso mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.
Sa panayam ng CPIO-TeleRadyo kay Nestor Santiago, Provincial Surveillance Officer ng PHO, ang ILI ay nakahahawang sakit na dulot ng iba't ibang virus o bacteria na nagdudulot ng impeksiyon sa ilong, lalamunan, at baga, kaya't mahalaga na mapalakas ang immune system dahil ito aniya ang pinakamabisang panlaban sa pagkalat ng sakit, lalo na ngayong pabago-bago ang panahon.
Ayon sa datos na ibinahagi ni Santiago, pinakamaraming kaso ang naitala sa Tuguegarao City na mayroong 231, sinundan ng Gonzaga na may 185, Solana (96), Peñablanca (77), Alcala (69), Sta. Teresita (60), kung saan karamihan sa mga pasyente ay kabilang sa edad isa hanggang sampung taong gulang.
Ani Santiago, mas mataas ito kumpara sa kaparehong panahon noong 2024 na nakapagtala lamang ng 988 na kaso.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng ILI ay ang mga sumusunod;
●Pagkakaroon lagnat
●Pagkakaroon ng ubo
●Pamamaga ng lalamunan,
●Pananakit ng ulo
●Panginginig
●Pananakit ng kalamnan at
kasukasuan
●Matinding panghihina, at
●Pagsusuka
Hinikayat ang publiko na magpatingin agad sa pinakamalapit na health facility upang maiwasan ang mas malalang komplikasyon.
Samantala, paalala ng tanggapan sa publiko na iwasan ang pagpunta sa matataong lugar, at panatilihin ang minimum health standards tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, pagtakip sa bunganga tuwing uubo o babahing, at pagpapanatili ng maayos na bentilasyon sa bahay o sa opisina. (Jovy Andres)