08/06/2026
Impormasyon At Edukasyon, June 8, 2026
BALITANG EDUKASYON (June 8, 2026)
2026 Division Brigada Eskwela Kick-off ng DepEd Sorsogon, pinangunahan ni SDS Doncillo sa bayan ng Juban
Sa pamamagitan ng isang motorcade at palatuntunan, opisyal ng sinimulan ang 2026 Division Brigada Eskwela Kick-off Ceremonies noong nakaraang Lunes, Hunyo 1.
Pinangunahan ni DepEd Sorsogon Province Schools Division Superintendent Jose Doncillo ang nasabing aktibidad na ginanap sa Juban Gymnasium na dinaluhan ng mga pinuno ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, partners at stakeholders, mga opisyal ng DepEd Sorsogon Schools Division Office, mga public schools district supervisors, mga g**o at mga mag-aaral.
Ayon kay Doncillo, mahalaga ang nasabing aktibidad upang maihanda ang mga paaralan sa pagbubukas ng klase na maayos, matiwasay at ligtas. Nagpahayag din si Doncillo ng taos pusong pasasalamat kay Juban Mayor Rogel βBotoxβ Fulleros sa pagpapaunlak sa imbitasyon na maging host sa nasabing aktibidad.
Bilang tugon, nagbigay ng pagseg**o si Fulleros ng kanyang kahandaan sa mga susunod na mga pagkakataon na mapipili muli ang Juban na maging host ng mga kaganapan ng DepEd Sorsogon Province.
Bukod sa pagpapagamit ng Juban Gymnasium, nagbigay ng libreng serbisyo sa lights and sound system si Mayor Fulleros pati ang live coverage sa pamamagitan ng Botox News On-line Sorsogon na simulcast ng Philippine Information Agency Sorsogon page sa pamumuno ni Sorsogon Information Center Manager Bennie Recebido at Spirit FM 102.3Mhz sa pamumuno ni Fr. Dexter Delumen.
Isinagawa rin ang isang Memorandum of Agreement signing sa pagitan ng DepEd Sorsogon Province at Bulan Water District sa pamununo ni Engr. Rey Dennis Gilbas. Ayon kay Gilbas, mahalaga ang kasunduan upang mas mapayabong pa ang pakikiisa ng mga water districts sa mga hangarin ng DepEd sa pamamagitan ng mas pinaigting na Information, Education and Communication Campaign sa kahalagahan ng tubig sa pamamagitan sa pagturo ng sa mga bata.
(ulat ni Rhoda Hermosa)
30
Regional ππ’ππ€π¨ππ π§π ππ«π’π πππ ππ¬π€π°ππ₯π 2026, isinagawa π¬π πππ¦ππ«π’π§ππ¬ ππ¨π«ππ
Pormal na sinimulan ng Department of Education Bicol ang Regional Kickoff ng Brigada Eskwela 2026 sa Labo Elementary School, na hudyat ng pagsisimula ng taunang National Schools Maintenance Week.
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng isang motorcade na nilahukan ng mga opisyal mula sa DepEd Regional Office, Schools Division ng Camarines Norte, at mga lokal na stakeholder. Pinangunahan ang aktibidad nina Regional Director Gilbert T. Sadsad, Assistant Regional Director Bebiano Sentillas, at iba pang mga opisyal ng DepEd Bicol.
Matapos ang motorcade, nakibahagi ang mga kalahok sa pagtatanim ng puno na nagbigay-diin sa pangako ng tanggapan sa pangangalaga sa kalikasan. Sinundan ito ng mga gawaing pagpipintura at pagkukumpuni na pinangunahan nina Director Sadsad, Assistant Director Sentillas, at mga Superintendent ng DepEd Bicol, na nagsilbing opisyal na hudyat ng pagbubukas ng Brigada Eskwela 2026.
Dumalo rin si Gobernador ng Camarines Norte na si Ricarte βDongβ Padilla, na nagpahayag ng pasasalamat dahil napili ang lalawigan bilang punong-abala ngayong taon. Binigyang-diin niya ang pangako ng kanyang administrasyon na suportahan ang mga programa ng DepEd gaya ng Brigada Eskwela, na nagpapakita ng kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa edukasyon.
Isa sa mga tampok ng kickoff ngayong taon ang simbolikong turnover ng mga donasyon mula sa mga katuwang na organisasyon patungo sa DepEd Bicol, kasabay ng mga mensahe at pangako ng suporta mula sa ibaβt ibang ahensiya ng pambansang pamahalaan. Tampok din sa programa ang talakayan tungkol sa YAKAP Program na pinangungunahan ng PhilHealth at Department of Health, na naglalayong palakasin ang mga inisyatiba para sa kalusugan at kapakanan sa mga paaralan.
Ang programang Brigada Eskwela, na kilala rin bilang National Schools Maintenance Week, ay sumasalamin sa diwa ng bolunterismo at bayanihan. Nagkakaisa ang mga stakeholder sa edukasyon, mga magulang, g**o, at mga miyembro ng komunidad upang ihanda ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase, na tinitiyak ang ligtas, malinis, at angkop na kapaligiran sa pagkatuto para sa mga mag-aaral sa buong rehiyon.
(mula sa Deped Bicol FB Page)
30
Angara, pinangunahan ang nationwide Brigada Eskwela sa Agusan del Norte
Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang sabay-sabay na pambansang paglulunsad ng Brigada Eskwela ngayong taon mula sa Agusan del Norte. Kaalinsabay nito, pinalawak din ang kampanya para sa kahandaan ng mga paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng panandaliang trabaho para sa mga lokal na komunidad.
Ang pambansang kick-off event, na idinaos sa Cabadbaran City National High School, ang naging sentro ng magkakasabay na aktibidad sa ibaβt ibang rehiyonal na host schools sa buong bansa upang ihanda ang mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2026β2027.
Sa ilalim ng temang βBayanihan sa Paaralan: Nagkaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,β layunin ng taunang programang ito na itaguyod ang pagboboluntaryo ng komunidad para sa paglilinis, simpleng pagkukumpuni, pagpipinta, at pagsasaayos ng mga silid-aralan at school grounds.
Isang mahalagang tampok sa Brigada Eskwela ngayong taon ang pinalakas na pakikipagtulungan ng Department of Education at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD). Sa ilalim ng ugnayang ito, naglaan ang DOLE ng humigit-kumulang PhP2 bilyon para pondohan ang mga panandaliang cash-for-work initiative para sa paghahanda ng mga paaralan.
Binigyang-prayoridad dito ang mga pampublikong paaralan sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAS), mga komunidad na kulang sa serbisyo, at mga lugar na naapektuhan ng kalamidad. Target ng pagtutulungang ito ng dalawang ahensya na magkaloob ng pansamantalang trabaho sa 240,000 manggagawa. Prayoridad na bibigyan ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong magulang at kamag-anak ng mga mag-aaral, habang inihahanda ang mga pampublikong paaralan para sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.
Nangako rin ang ibaβt ibang ahensya ng pamahalaan at mga katuwang mula sa pribadong sektor ng mga kagamitan, tulong-teknikal, serbisyong boluntaryo, at mga interbensyon sa komunidad upang mas mapalakas pa ang pagpapatupad ng Brigada Eskwela 2026.
(mula sa DepEd Philipines website)
30
240,000 TUPAD workers, aalalay sa paghahanda ng mga paaralan para sa bagong school year
Mas pinatibay pa ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang pagtutulungan para sa Brigada Eskwela 2026. Sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD), mabibigyan ng pansamantalang trabaho ang halos 240,000 manggagawa sa buong bansa habang tumutulong sa paghahanda ng mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.
Sa ilalim ng hakbang na ito, naglaan ang DOLE ng humigit kumulang PhP2 bilyon para sa pagpapatupad ng TUPAD bilang suporta sa Brigada Eskwela at mga paghahanda ng paaralan sa School Year 2026β2027. Bibigyang prayoridad bilang mga manggagawa ang mga magulang, kapatid, tagapangalaga (guardian), at kamag-anak ng mga mag-aaral, bastaβt sila ay kwalipikado sa ilalim ng mga panuntunan at pagsusuri ng TUPAD.
Maaaring italaga ang mga kwalipikadong TUPAD worker sa mga gawain tulad ng paglilinis ng mga silid-aralan at maayos na pamamahala ng basura; pagbubuhat at pag-aayos ng mga upuan, mesa, at mga kagamitan sa pag-aaral; pag-aayos ng mga halaman, hardin, at kapaligiran ng paaralan; pagpipintura; at iba pang simpleng pagkukumpuni sa loob ng kampus.
Uunahin sa programa ang mga paaralang may malalaking pangangailangan tulad ng mga Mega, Extremely Large, Very Large at Large schools. Bibigyang-pansin din ang mga paaralang nasa malalayong lugar (geographically isolated and disadvantaged areas o GIDAs), mga komunidad na kulang sa serbisyo, at mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Sa ilalim ng mga naaprubahang alituntunin, maaaring magtrabaho ang mga TUPAD worker nang hanggang 10 araw sa panahon ng Brigada Eskwela at iba pang paghahanda sa pagbubukas ng klase. Ang mga school head o pinuno ng paaralan ay magiging katuwang ng DOLE sa paggabay at supervise ng mga manggagawa. Bukod dito, ang DOLE ay magiging responsable sa pagpili, pag-apruba, pagpapasweldo ng mga manggagawa, pati na rin sa mga benepisyong may kinalaman sa paggawΓ base sa kanilang mga umiiral na patakaran.
(mula sa DepEd Philippines website)
30