21/04/2022
MILG MINISTER ATTY. SINARIMBO: MAGDI-DEPLOY NG IBA’T IBANG GRUPONG TUTUTOK SA MGA HOTSPOT AREAS SA BARMM PARA SA LIGTAS AT PAYAPANG ELEKSYON
Sa isinagawang public briefing ng “Laging Handa” ay ibinahagi ni Minister of Interior and Local Government Atty. Naguib Sinarimbo na magdi-deploy ng iba’t ibang grupo na susubaybay sa sitwasyon ng mga lugar na itinuturing na “hotspots” sa rehiyon bilang bahagi ng pagsisiguro ng ligtas at mapayapaang halalan sa darating na Mayo 9.
Aniya, katuwang ng Regional Commission on Elections ng BARMM na siyang nangangasiwa sa takbo ng eleksyon sa rehiyon at pinagmulan ng direktiba ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
“So far, iyong mga citizens’ movement na watchdog ng Comelec (Commission on Elections) ay active din ho, including the general populace. So, inaasahan ho natin na overall, tama naman po iyong paghahanda and then iyong mga kababayan natin ay handa na para doon sa elections natin sa May 9,” pahayag ni Atty. Sinarimbo.
Isang task force rin umano ang parehong binuo ng kapulisan at pamahalaan ng BARMM na siyang tututok sa estado ng seguridad sa labing-anim na munisipalidad at dalawang lungsod na kinikilala at itinuturing na “red code” o “areas of immediate concern”.
Ang “red code” areas sa probinsya ng Basilan ay kinabibilangan ng mga bayan ng Al Barka, Sumisip, Ungkaya Pukan at Lamitan City habang ang mga bayan naman ng Malabang, Butig, Tubaran at Marawi City ang siyang napapabilang sa parehong listahan sa mga lugar na sakop ng probinsya ng Lanao del Sur.
Ang sampung “red code” areas naman sa lalawigan ng Maguindanao ay kinabibilangan ng mga bayan ng Rajah Buayan, Sultan sa Barongis, Datu Hoffer, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Mamasapano, Shariff Aguak at Shariff Saydona Mustapha.
Bukod sa red code areas ay mayroon ding nasa 102 lugar sa kabuuan ng BARMM ang kinikilala bilang “areas of concern” o ang itinuturing na yellow code.
Wala namang naitalang red code areas sa mga lalawigan ng Sulu at Tawi-Tawi ngunit ilan sa mga lugar sa nasabing lokalidad ay itinuturing pa ring “possible areas of concern”.(Bangsamoro Media Productions)
Mag-subscribe sa aming youtube channel sa link na ito: bit.ly/2TGrmgV