02/08/2025
MENSAHE MULA KAY MAYORA HELEN BENITO-PADUA
Agosto 2, 2025 – Unang Anibersaryo ng Pagkamatay ni Roldan M. Benito
Sitio Bahar, Pandan, South Upi, Maguindanao del Sur
Isang taon na ang lumipas simula nang biglaang pagkawala ng aking kapatid na si Roldan Mobwayaen Benito, kasama ang kanyang empleyado na si Sherwin “Weng” Marcos at malubhang sugat ng kamyang may bahay. Ang araw na ito ay hindi lamang simpleng paggunita kundi isang panawagan para sa katarungan.
Ang kirot ng pagkawala na walang hustisya ay patuloy na bumabalot sa buong komunidad ng mga Non-Moro Indigenous Peoples (NMIP) sa South Upi.
Bilang isang kapatid, isang anak, isang ina, at ngayong isang lingkod-bayan, dala ko ang bigat ng kirot at pangarap na naiwan nina Mamang at Udan. Hanggang ngayon, sariwa at masakit pa rin ang kanilang pagpanaw.
Sabi ko nga, “Kayo ni Mama at Dan, kayo ang may pinakamataas na pangarap para sa South Upi.”
Hindi naging madali ang lahat. Sa magkabilang panig ay may mga banta, diskriminasyon at pangmamaliit dahil babae ako, dahil isa akong Tëduray. Ngunit hindi nagpapabaya ang Diyos. Hindi rin nagpapabaya ang mamamayan ng South Upi.
Alam ko, may magandang bukas na darating. Ang tagumpay ko ngayon ay hindi para sa pansarili kong interes. Hiling ko lamang ang respeto sa mandato na ibinigay sa akin ng taumbayan.
Oo, may mga pagsubok at minsan mahirap gumalaw, pero ang inyong tiwala ang aking lakas. Getewa kuso Dan, enda fedaya mo begen. Ipahdasal ninyo ako, gabayan ninyo ako.
Mga pangarap natin sa South Upi isa-isa kong isusulong. Alam ko, ako ay instrumento lamang. Wala akong yaman, wala akong impluwensya kundi ang tapat na hangarin na maglingkod.
Sa ilalim ng aking flagship program na HELEN CARES, sisikapin kong maisakatuparan ang mga proyektong tunay na kailangan ng ating bayan.
Salamat sa inyong patuloy na panalangin at suporta. Kahapon, isang buwan na ako sa pwesto—isang buwang punô ng pagsubok at pag-asa.
Nagpapasalamat ako sa ating mga kasundaluhan at kapulisan, sa PNP at AFP, sa pagbibigay ng seguridad. Ibang-iba na ngayon kumpara noong buhay pa sina Mamang at Udan.
Kailangan natin magkaisa magtanim, magsikap, at magkaisa para sa pag-unlad. Bukas po ang opisina ng Municipal Mayor para sa lahat—Kristiyano, Tëduray, Moro, at iba pang tribo. Walang maiiwan.
Lalo na ang kababaihan dapat makaramdam ng tunay na serbisyo. Ang paninilbihan ko ay hindi biro—ang buhay ko ang nakataya. Gagawin ko ang lahat para maisakatuparan ang pangarap ng ating mga yumaong mahal sa buhay.
Nais kong makatulong sa mga conflict-affected areas. Sa kabila ng hirap, sa kabila ng giyera, babangon tayo tungo sa kapayapaan.
Marami pang proyekto mula sa gobyerno ang kailangan nating ipaglaban at ipatupad.
Maraming salamat sa lahat ng nag-initiate ng programang ito.
Muli, ito ay hindi lamang pag-alala kundi panata, panata ng pagmamahal, panata ng serbisyo, panata ng katarungan.
— MAYORA HELEN BENITO-PADUA
MUNICIPAL MAYOR, SOUTH UPI