26/09/2025
Malakas ang paninindigan ng Save Kankabato Advocacy (SKA) kasama ang Kankabatok Kolektib (KK) na DAPAT ITIGIL ANG PAGTATAYO NG CAUSEWAY.
Batay sa pakikipanayam namin sa mga kapwa Taclobanon na umaasa sa biyaya ng Cancabato Bay kasama ang mga eksperto, abogado, at mga environmentalist, naniniwala kaming magdudulot lamang ito ng pagkasira ng hindi lamang ng saribuhay (biodiversity) at ecosystem services ng Cancabato Bay kundi pati sa ikinabubuhay ng maraming kapwa Taclobanon.
Hindi dapat paniwalaan ang sinasabi ng DPWH na kayang maibsan ng causeway ang epekto ng mga storm surge o na malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya. Hindi nito matutugunan ang lumalalang trapik sa lungsod ng Tacloban. At lalong hindi ito makakatulong sa turismo ng rehiyon. Naniniwala kami na iilang tao lamang ang makikinabang dito– ang mga madalas mag-eroplano at may sariling sasakyan.
Dapat imbestigahan si Zaldy Co na may-ari ng Sunwest, Inc. na isa sa mga kontraktor ng causeway. Maaalalang ang kumpanyang ito ay kasabwat sa overpriced laptops na binili ng DepEd noon, at ngayon, dawit sa kurapsyon sa flood control projects ng DPWH.
Sinsalamin ng mga proyektong kagaya ng causeway ang KORAPSYONMULA SA PAGPAPLANO at PAG-AAPRUBA pa lamang. Bakit nakakalusot ang mga kagaya nitong proyekto kahit na kulang o walang masusing pag-aaral o konsultasyon? Bakit hanggang ngayon ay hindi isinasapubliko ang mga dokumentong makapagpapatunay kung tama o sapat ang ginawang pag-aaral sa epekto ng causeway sa ekonomiya, kapaligiran, at komunidad? Bakit gustong-gusto ng ilang opisyal ng gobyerno na ipatuloy ito kahit hindi nila nabasa ang mga pag-aaral o kung totoo ba ang pakinabang nito sa ekonomiya?
Hindi kami kontra sa kaunlaran pero kontra kami sa mga proyektong magdudulot ng malaking pinsala sa buhay at saribuhay, lalo na at galing ito sa ating buwis.
Patuloy tayong manawagang ISAPUBLIKO ng DPWH at DENR ang EIA at ECC ng causeway. Dapat itong kilatisin ng mga mamamayan.
Biguin natin ang mga maanomalyang proyekto ng gobyerno, kabilang na ang reklamasyon sa buong Pilipinas, lung-lalo na kung nakakasira ang mga ito sa kapaligiran at buhay ng tao.
Nananawagan kaming panagutin ang lahat ng opisyal na responsable sa pagplano, pag-apruba, at pagpapatupad ng mga proyektong gaya ng causeway na magdudulot lamang ng pagkasira ng kapaligiran at kabuhayan ng maraming Pilipino. Kung may pakinabang man, ito ay pansamantala lang o para sa iilan lamang.
ITIGIL ANG CAUSEWAY! PAGBAYARIN ANG LAHAT NG MAGNANAKAW AT TIWALI!