26/08/2026
LOOK: Nagkahiusang Kusog sa Estudyante - NKE UP Cebu endorsed the slate of PULSO Han Mag-aaram for the upcoming Piniliay 2026.
MALUGOD NA INEENDORSE NG NAGKAHIUSANG KUSOG SA ESTUDYANTE–UP CEBU ANG PULSO HAN MAG-AARAM!
Malugod na ineendorso ng Nagkahiusang Kusog sa Estudyante - UP Cebu (NKE) ang mga kandidato ng PULSO HAN MAG-AARAM—isang tunay, palaban, at makabayang hanay ng mga lider-estudyante sa UP Tacloban.
Sa pagkakatatag ng UP Tacloban bilang isang ganap na constituent university at sa paghirang ng kauna-unahang Chancellor nito, mahalagang usapin kung anong uri ng pamumuno ang dapat humubog sa bagong yugto ng pamantasan. Lalong tumitindi ang pangangailangan para sa isang student leadership na kritikal at hindi nag-aatubiling kuwestiyunin ang mga desisyong nakaaapekto sa karapatan at kapakanan ng mga Iskolar ng Bayan.
Nananatiling nakababahala ang mga paninindigan ng bagong halal na Chancellor nito sa mga usaping direktang tumatama sa mga estudyante at mamamayan, mula sa abstention sa usapin ng Tacloban 5 sa kabila ng mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa mga community organizers, sa pagsang-ayon sa Pax Silica at sa interes ng imperyalismong US sa yamang likas ng bansa, hanggang sa ‘abstention’ stance patungkol sa pagbibigay ng kinakailangang pondo para sa student council at student publication.
Ang UP ay kinikilala ring University of the People. Mayroong mandato ang mga Iskolar ng Bayan na pagsilbihan ang sambayanan. Mahaba ang kasaysayan ng pakikibaka at kilusang masa, mula pa sa panahon ng diktadurang Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr. at ni Sara Duterte. Sa isang lipunang nananatiling kontrolado ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo, hindi sapat ang isang pamumunong neutral sa mga usaping panlipunan. Kung kaya’t kailangang kritikal ang Iskolar ng Bayan, may paninindigan, at inilalapit ang sarili sa masang Pilipino.
Sa gitna ng tumitinding krisis sa edukasyon, kailangan natin ng mga lider-estudyante na nasa unahan ng konsultasyon, kampanya, pagkakaisa, at kolektibong pagkilos. Hindi hiwalay ang mga suliranin ng mga estudyante sa mas malawak na kalagayan ng lipunan. Ang kakulangan sa budget, pagkitid ng demokratikong espasyo, pribatisasyon sa pampublikong espasyo, panunupil sa mga organisasyon, at paglabag sa akademikong kalayaan ay bahagi ng parehong sistemang patuloy na nagpapahirap sa kabataan at sambayanan.
Bilang kapwa maliit na campus sa Visayas, nauunawaan ng NKE ang kalagayang kinakaharap ng UP Tacloban. Sa harap ng ₱2.95 bilyong budget cut sa UP System, pinapahirapan ang mga estudyante sa kaunting pondo para sa mga silid-aralan, pasilidad, dormitoryo, scholarship, student services, at iba pang batayang pangangailangan ng mga Iskolar ng Bayan. Maging ang Pulso han Mag-aaram mismo ay malinaw na naglatag ng pagtutol sa budget cut at panawagan para sa dagdag na pondo sa edukasyon.
Sa halip na palakasin ang pampublikong edukasyon, patuloy na itinutulak ang isang sistemang komersyalisado, kolonyal, at mapanupil, isang sistemang nagiging pabrika ng diploma at naghahanda ng murang lakas-paggawa para sa pagsasamantala ng mga dayuhan. Hindi ito ang edukasyong ipinaglalaban natin.
Naniniwala ang NKE na ang edukasyon ay dapat makabayan, siyentipiko, at makamasa, at naaayon sa pangangailangan at interes ng sambayanan. Ito rin ang malinaw na paninindigan ng Pulso han Mag-aaram sa kanilang programa.
Kaya higit kailanman, kailangan ng UP Tacloban ng hanay ng mga lider-estudyanteng handa, determinado, at palaban—mga lider na kayang dalhin ang tinig ng sangkaestudyantehan, ng mga komunidad ng Tacloban at Silangang Visayas, at ng mas malawak na sambayanang Pilipino.
Sinusuportahan at pinagkakatiwalaan ng NKE ang Pulso han Mag-aaram na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng makabayan, siyentipiko, at makamasa na edukasyon at organisasyon. Mga lider na handang magmulat, mag-organisa, at magpakilos upang ipaglaban ang ating karapatang mag-organisa; dagdag at sapat na pondo para sa edukasyon; akademikong kalayaan; kalayaan sa pamamahayag; at panawagan laban sa pasismo, surveillance, harassment, at intimidasyon laban sa mga estudyante, organizer, aktibista, human rights defenders, at mga komunidad.
Kasama ng Pulso han Mag-aaram, ipinagpapatuloy natin ang panawagan:
FREE TACLOBAN 5!
FREE FRENCHIE MAE CUMPIO! FREE CHAKOY! FREE MARIELLE DOMEQUIL!
DEFEND THE RIGHT TO ORGANIZE!
DEFEND THE DEFENDERS!
Pulso han Mag-aaram, para sa Tunay, Palaban, at Makabayang USC sa UP Tacloban!