14/12/2025
KRIMEN SA BANSA, BUMABA PA SA PAPALAPIT NA PAGTATAPOS NG 2025 — PNP
Iniulat ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ng Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang patuloy na pagbaba ng Focus Crimes mula Oktubre hanggang Nobyembre 2025—na nagpapakita ng positibong resulta ng mas pinaigting na operational strategies sa ilalim ng PNP Focus Agenda.
Mula sa 3,001 insidente noong Oktubre, bumaba ang kabuuang kaso sa 2,615 noong Nobyembre, na may pagbaba ng 386 kaso o 12.86 porsyento. Binigyang-diin ni Acting Chief PNP PLTGEN Nartatez ang kahalagahan ng naturang pagbawas.
“Ang patuloy na pagbaba ng krimen ay malinaw na indikasyon ng mas pinaigting na presensya ng pulis, mas maayos na intelligence operations, at mas matatag na polisiya sa pagpapatupad ng batas,” ani PLTGEN Nartatez. “This is proof that our strategies are working. Our men and women in uniform are committed to keeping our communities safe.”
Sa walong Focus Crimes, ang pinakakilalang pagbaba ay naitala sa R**e, Physical Injury, at Murder. Ang R**e ang may pinakamalaking pagbaba, mula 550 hanggang 356 kaso (35.27%). Ang Physical Injury ay bumaba ng 65 kaso, mula 377 hanggang 312 (17.24%), habang ang Murder ay bumaba ng 40 kaso, mula 282 hanggang 242 (14.18%).
Ang Theft, na karaniwang may pinakamataas na bilang ng insidente, ay bumaba rin ng 110 kaso, mula 1,173 hanggang 1,063 (9.38%) na nagpapakita ng patuloy na progreso sa pagpigil sa mga property-related offenses. Bahagyang pagbaba rin ang naitala sa Carnapping of Motorcycles, mula 211 hanggang 206 kaso (2.37%), habang nanatiling 20 kaso ang Carnapping of Motor Vehicles.
Ang tuloy-tuloy na pagbaba ng krimen sa bansa ay nagpapakita ng maayos at planadong enforcement efforts, hindi lamang pansamantalang tagumpay. Ipinapakita rin ng pagbawas sa high-impact crimes na epektibo ang preventive patrols, intelligence-driven deployments, at community-engaged policing sa pagpigil ng opportunistic at repeat-offender activities.
Sa larangan ng cybercrime, bumaba rin ang insidente mula 379 noong Oktubre hanggang 311 noong Nobyembre—isang pagbaba ng 17.94 porsyento o 68 kaso.
“Sa cybercrimes, patuloy ang aming laban. Makikita natin ang pagbaba ng kaso, at patunay ito na ang ating specialized units ay aktibong nagbabantay sa ating digital landscape,” dagdag pa ni PLTGEN Nartatez.
Bukod sa buwanang pagbawas, ipinakita rin ng 15-linggong monitoring period ang patuloy na pagbaba ng weekly crime incidents. Mula sa pinakamataas na 767 kaso sa simula ng monitoring, bumaba ito sa 466 sa linggo ng Disyembre 2–8, 2025 na may kabuuang pagbaba ng 39%, na nagpapakita ng malinaw na pag-unlad sa crime management at operational effectiveness.
“The numbers are encouraging, but we won’t be complacent,” ani PLTGEN Nartatez. “We will continue to focus on targeted operations, visible police presence, and strong community partnerships.”
Sa paglapit ng kapaskuhan, patuloy na inuuna ng PNP ang kaligtasan ng publiko upang makapamuhay at makapagpatuloy ang mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na gawain nang may kapanatagan. Ang mga hakbang na ito ay sumasalamin sa “Bagong PNP Para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” na nananatiling gabay sa misyon ng PNP sa pagbibigay ng epektibo at maaasahang serbisyo sa bawat Pilipino.