24/08/2026
PBGEN ABRAHANO: MABUTING PULIS, DAPAT PARANGALAN; LALABAG SA BATAS, DAPAT MANAGOT
TEAM NCRPO || Malinaw ang naging mensahe ni PBGEN CHRISTOPHER N. ABRAHANO, Officer-in-Charge ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa kanyang unang Flag Raising and Awarding Ceremony: kilalanin at suportahan ang mga pulis na mahusay magtrabaho, ngunit papanagutin ang sinumang lalabag sa batas at mga patakaran.
Bilang bahagi ng kanyang guidance, ibinahagi ni PBGEN ABRAHANO ang aral mula sa The Art of War ni Sun Tzu: “If you know the enemy and know yourself, you need not fear the result of a hundred battles.” Iniugnay niya ito sa tungkulin ng kapulisan—dapat alam ng bawat pulis ang kanyang kakayahan at responsibilidad, habang nauunawaan din ang mga hamon at problemang kinakaharap ng komunidad.
Isa rin sa kanyang mariing paalala ang “Please, do not add to the nation’s problems.” Para sa bagong pamunuan ng NCRPO, ang pulis ay dapat makatulong sa paglutas ng problema at hindi maging dahilan upang madagdagan pa ito.
Binigyang-diin din ni PBGEN ABRAHANO ang reward and accountability. Ang mga personnel na nagpapakita ng katapatan, sipag at mahusay na serbisyo ay nararapat bigyan ng pagkilala, habang ang mga lalabag sa batas at umiiral na patakaran ay kailangang managot sa ilalim ng tamang proseso.
Kasabay nito, patuloy niyang isinusulong ang pamantayan ng isang “MARUNONG, MAAGAP, MAGALANG AT MAAYOS NA PULIS”—mga katangiang dapat makita at maramdaman ng mamamayan sa bawat miyembro ng NCRPO sa pakikitungo at paglilingkod sa publiko.
Patunay sa pagbibigay-halaga sa mahusay na serbisyo ang pagkilala at pagpaparangal sa mga natatanging police personnel sa isinagawang seremonya.
Nakiisa rin sa aktibidad si RMFB NCRPO Force Commander PCOL CELSO M. RODRIGUEZ, kasama ang iba pang key officers at personnel ng NCRPO, bilang suporta sa mga direktiba at adhikain ng bagong pamunuan.
Sa ilalim ng bagong liderato, malinaw ang direksyon: kilalanin ang mahusay, panagutin ang nagkakamali, at gawing bahagi ng solusyon ang bawat pulis para sa mas maayos na serbisyo sa mamamayan.
August 24, 2026