10/08/2026
DOKTOR NA PASYENTENG NAMATAY, PWEDE BANG KASUHAN NG MALPRACTICE KUNG MAY INFORMED CONSENT NA IBINIGAY ANG PASYENTE?
Dear CELO,
Ako po si Joey. Noong nakaraang buwan, dinala namin si Papa sa ospital dahil sa pamamalat ng boses. Doon nalaman na may aneurysm pala siya sa aortic arch, at naapektuhan na rin ang vocal cords niya. Sabi sa CT scan, medyo malala na raw talaga ang kalagayan niya. Kaya nirekomenda ni Dr. Tomas Perez na ipa-heart bypass muna si Papa bago gamutin ang aneurysm.
Tagumpay naman ang bypass operation. Pero pagkatapos ng ilang buwan, lumala ulit ‘yung aneurysm niya. Binigyan kami ni Dr. Perez ng dalawang option: open-chest surgery o stenting procedure. Medyo nagdalawang-isip kami noong una, pero napapayag din kami sa stenting kasi sabi ni Dr. Perez, mas safe ito at mas kaunti ang komplikasyon. Nilinaw din niya na hindi siya ang gagawa ng procedure dahil hindi ito sakop ng expertise niya. Ipinakilala niya kami kay Dr. Ver, isang Belgian specialist, na siyang gagawa talaga ng procedure. Pumayag si Papa sa stenting procedure matapos siyang kausapin at matapos pumirma ng consent form.
Sa mismong araw ng procedure, tatlong beses sinubukan ni Dr. Ver na ipasok ‘yung custom stent pero hindi siya nagtagumpay. Sinabi niya sa amin na “faulty” daw ‘yung stent. Sa kasamaang palad, na-stroke si Papa pagkatapos noon at tuluyan na siyang pumanaw.
Gusto ko lang po sanang itanong kung may basehan ba para magsampa kami ng kaso ng medical malpractice laban kay Dr. Perez?
Maraming salamat po sa inyong tugon.
Lubos na gumagalang,
Joey
***
Dear Joey,
Sa kasong Elpidio Que v. Philippine Heart Center, Dr. Avelino Aventura, and First Associated Medical Distribution Co., Inc. (G.R. No. 268308. April 2, 2025), sinabi ng Korte Suprema na ang isang doktor ay hindi pwedeng kasuhan ng medical malpractice kung tama naman ang medikal na payo na ibinigay niya, malinaw niyang ipinaliwanag ang mga posibleng panganib ng procedure, at may proper consent mula sa pasyente.
Sa kaso, pinagtibay ng Korte ang pagbasura sa reklamo laban kay Dr. Avelino Aventura, Chief ng Surgery ng Philippine Heart Center, kaugnay ng pagkamatay ng pasyente niyang si Quintin Que. Ayon sa Korte, ang medical malpractice ay nangyayari lang kung ang doktor ay hindi nakapagbigay ng “standard of care” na inaasahan sa isang doktor sa kaparehong sitwasyon—at ito ay nagdulot ng “harm” o pinsala sa pasyente. Isa sa mga basehan ng malpractice ay kulang sa informed consent—kapag hindi lubos na naipaliwanag sa pasyente ang mga risk ng procedure.
Sinabi ng Korte na ipinaliwanag ni Dr. Aventura sa pasyente at sa pamilya ang lahat ng panganib ng stenting procedure, pati ang posibilidad ng kamatayan. Inayos din niya na ibang doktor ang gagawa ng procedure, at pumirma si Quintin sa consent form. Dahil dito, sinabi ng Korte na wala siyang naging kapabayaan.
Kaya kung sa kaso ninyo ay maayos na naipaliwanag ni Dr. Perez ang mga panganib ng procedure, kabilang na ang posibilidad ng pagkamatay, at pumirma naman ang tatay mo sa consent form ay walang sapat na basehan para kasuhan si Dr. Perez ng medical malpractice.
Nawa’y nakatulong ang nasabing payo.
Gumagalang,
CELO
Paalala: Ang impormasyong ito ay pang-edukasyon lamang. Pinapayuhan po naming kayong mag-konsulta pa rin sa mga ganap na abogado para sa legal na payo sa inyong kaso.
Kung may problemang legal, i-konsulta mo sa CELO! Ang Libreng Payong Legal ay face-to-face, free legal consultation mula Lunes hanggang Biyernes, 2:00 hanggang 3:30 ng hapon sa 4th flr ng Taguig City Hall.
Limitado po ang slots. Kaya habang maaga, mag-book na po ng appointment. Hanapin lang po ang "Book now" button sa itaas ng FB Page ng City Executive Legal Office.
,