04/06/2026
Diwa Ng Kalayaan | Bago pa maging pambansang awit ng Pilipinas ang “Lupang Hinirang,” mayroon nang naunang himig na sumasalamin sa pakikibaka at hangarin ng mga Pilipino para sa kalayaan.
Noong panahon ng himagsikan laban sa mga Espanyol, inatasan ni G*t Andres Bonifacio ang musikero at rebolusyonaryong si Julio Nakpil na bumuo ng isang awit para sa Katipunan. Noong 1897, isinilang ang “Marangal na Dalit ng Katagalugan”, isang makabayang himig na nagsilbing unang awit ng rebolusyon at sumasalamin sa tapang at pagmamahal sa bayan ng mga Katipunero.
Pagsapit ng 1898, matapos ideklara ang kalayaan ng Pilipinas, hiniling naman ni Heneral Emilio Aguinaldo kay Julian Felipe na gumawa ng isang martsa para sa bagong republika. Nais ni Aguinaldo ng isang maringal at makabayang himig na maaaring tugtugin sa mga pagdiriwang ng kalayaan. Mula rito isinilang ang “Marcha Nacional Filipina,” na kalaunan ay naging “Lupang Hinirang.”
Ayon sa mga tala ng kasaysayan, humango si Julian Felipe ng inspirasyon mula sa mga tanyag na martsa at himig noong panahon ng rebolusyon sa Europa, kabilang ang “La Marseillaise” ng France at ilang elementong musikal mula sa “Marcha Real” ng Espanya at “Aida” ni Giuseppe Verdi.
Noong una, wala pang liriko ang “Lupang Hinirang” at instrumental lamang itong tinutugtog tuwing mga seremonyang makabayan. Kalaunan, nilapatan ito ng tulang “Filipinas” ni Jose Palma hanggang sa tuluyang maging opisyal na pambansang awit ng Pilipinas.
Ipinapaalala ng kasaysayang ito na ang ating pambansang awit ay hindi lamang isang musika, kundi himig ng pakikibaka, pag-asa, at pagmamahal sa Inang Bayan.
Sa pagdiriwang ng ika-128 na Araw ng Kalayaan 2026 na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, kasaysayan,” balikan natin ang mga himig ng kasaysayan na patuloy na nagbibigay-buhay sa diwang makabayan ng sambayanang Pilipino.
Makibahagi sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 6–7, 2026 sa Rizal Park sa pamamagitan ng Static Kinetic Display. Isama ang inyong pamilya at mga kaibigan sa isang kakaibang karanasan na puno ng saya at kaalaman na nagpapalalim sa diwa ng kalayaan, at nagbibigay-inspirasyon tungo sa mas matatag at makabayang kinabukasan ng sambayanang Pilipino....