12/05/2026
RESIDENTE SA ALBAY, NABIGYAN NG MALINIS NA TUBIG NG PNP
Nagpatuloy ang pagtugon ng Philippine National Police sa pangangailangan ng mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon matapos makapamahagi ang Police Regional Office 5 (PRO 5) ng mahigit 28,000 litro ng malinis na inuming tubig sa iba’t ibang komunidad sa Guinobatan, Albay.
Sa loob ng pitong araw na operasyon, pinangunahan ng Emergency Response Team ng Regional Mobile Force Battalion 5 ang water desalination operation upang matiyak na may ligtas na maiinom ang mga pamilyang naapektuhan ng ashfall at kakulangan sa suplay ng tubig.
Aabot sa 10,775 residente mula sa mga apektadong barangay ang nabigyan ng tulong, kabilang ang ilang lugar na patuloy na nakararanas ng epekto ng volcanic activity.
Pinuri ni Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang agarang pagkilos ng mga pulis na nasa ground.
“Hindi lang pagpapanatili ng kapayapaan ang trabaho ng inyong kapulisan. Sa panahon ng kalamidad, mahalaga na maramdaman ng taumbayan na may kasama silang maaasahan. Maliit man o malaking tulong, basta makapagbibigay ginhawa sa ating mga kababayan, gagawin natin,” ani PGen Nartatez.
Dagdag pa ng Chief PNP, patuloy na nakaantabay ang PNP upang tumulong sa mga komunidad na apektado ng kalamidad at iba pang emergency situations.
Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, muling pinatutunayan ng PNP ang malasakit at kahandaan nitong maglingkod sa mamamayan alinsunod sa layunin ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)