20/06/2026
๐ซก
PNP ACG
SMC 1892
PNP ACG, UMARESTO NG 16 INDIBIDWAL DAHIL SA ILEGAL NA PAGBEBENTA NG MGA FINANCIAL ACCOUNT
Ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) ay patuloy na pinaigting ang kampanya laban sa mga sangkot sa online financial fraud matapos maaresto ang kabuuang labing-anim (16) na indibidwal sa magkakahiwalay na operasyon mula Hunyo 1 hanggang 15, 2026 dahil sa paglabag sa RA No. 12010 o ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), kaugnay ng Section 6 ng RA No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, ang mga suspek ay nasangkot sa ilegal na online na pagbebenta at pag-aalok ng mga financial account tulad ng e-wallet accounts, bank accounts, ATM cards, SIM cards, at iba pang financial account credentials na ginagamit ng mga sindikato upang magsagawa ng iba't ibang uri ng online scam at iba pang cyber-enabled crimes.
Sa ilalim ng AFASA, ipinagbabawal ang pagbebenta, paglilipat, pagpapaupa, o pagpapagamit ng mga financial account para sa anumang ilegal na aktibidad. Ang mga account na ito ay karaniwang ginagamit bilang "money mule accounts" upang maitago ang pinagmulan at destinasyon ng mga pondong nakulimbat mula sa mga biktima ng online scams.
Pinuri ni Chief, PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang patuloy na pagsisikap ng ACG sa pagsugpo sa mga cybercriminal na gumagamit ng financial accounts bilang kasangkapan sa kanilang mga ilegal na gawain.
"Ang pagbebenta o pagpapagamit ng financial accounts ay hindi simpleng transaksyon lamang. Ito ay maaaring magamit sa panloloko at iba pang cybercrimes na nagdudulot ng malaking pinsala sa publiko. Patuloy nating pananagutin ang sinumang sangkot sa mga gawaing ito upang maprotektahan ang mamamayan laban sa mga online na manloloko," ani PGEN Nartatez.
Samantala, sinabi naman ni PNP ACG Director, Police Major General Wilson C. Asueta, na ang mga pag-arestong ito ay patunay ng determinasyon ng ACG na putulin ang mga mekanismong ginagamit ng mga cybercriminal sa kanilang operasyon.
"Muli naming pinaaalalahanan ang publiko na huwag ipagbili, iparenta, o ipagamit ang inyong mga financial account sa ibang tao. Ito ay ilegal at may kaakibat na multa at pagkakakulong. Ingatan ang inyong account, protektahan ang inyong sarili," pahayag ni PMGEN Asueta.
Patuloy namang hinihikayat ng PNP ACG ang publiko na maging mapanuri online at agad na iulat sa PNP ACG offices o pinakamalapit na police station ang anumang kahina-hinalang online activities upang maiwasang mabiktima ng mga cybercriminal.